May isang meme akong nakita sa social media na sa aking tingin ay konkretong nagpapakita ng tunay na nagaganap na kabalintunaan sa ating bayan.
Sa nasabing meme ay direktang ipinapakita roon na ang akto raw ni Hesus na magpakain sa laksa-laksang mga tao sa burol mula lamang sa ilang piraso ng tinapay at isda ay siyang perpektong halimbawa o bersyon ng community pantry.
Samantalang sa kabilang larawan naman nito ay ipinapakita ang pagtataksil ni Hudas Iscariote at pag-aresto kay Hesus ng NTF-ELCAC, este, ng mga sundalong Romano pala, bilang isa sa kauna-unahang kaso ng political persecution at maliwanag na red-tagging ng nasabing panahon.
Sumasang-ayon ako na ang naturang depiksyon ay tunay ngang katulad na katulad ng nagaganap ngayon sa ating lipunan.
Naipaliwanag ko na sa aking artikulo, “Ang community pantry bilang sampal at rebelyon” na ang pagsulpot, paglalabasan, paglaganap, at patuloy na pagbabalikwas ng mga CPs na ito sa kabila ng mga pagsubok at paninikil ng mga Kampon ng Kadiliman at Pwersa ng Kaharasan ay bunga at rebelyon ng mga karaniwang mamamayang naninindigan kontra sa kapalpakan at kawalang silbi’t-malasakit ng “gobyerno.”
Malinaw ko ring tinukoy sa nasabing akda na walang bago sa mga kilusan o hakbangin o panlipunang penomenon na mga ito at hindi ito isang bagay o pangyayari na hindi dapat na pagtakhan, sapagkat ang mga CPs ay perpektong manipestasyon ng ating Bayanihan, Balikatan, at Pagdadamayang-Bayan na mga batayang elemento ng ating kalinangan. Muli, ibig kong ipatampok na nasa pinaka-DNA ang mga ito ng ating kultura at ang pagtulong, pakikisangkot, at pakikipagkapwa-tao ay likas na dumadaloy sa ating mga ugat at dugo.
Isa ito sa hindi mapapasubaliang puso at kaluluwa ng ating pagkatao at pagkabansa!
Kaya naman gayon na lamang ang aking pagkamuhi nang malaman ko na sa halip na pagpugayan, papurihan, at lalo pang suportahan ang mga CPs na mga ito ay may ilang mga hunghang na nilalang, muli sa pangunguna ni General Parlade at ng kanyang amuyong (o alulong?) na si Gng Badoy, ay kinukuwestiyon pa ang kadalisayan at natural na kabutihan ng mga hakbangin at pagkilos na mga ito.
Sa madaling salita, sa halip na parangalan at gayahin ay ni-red tag si Bb. Non na siyang proponente o muling bumuhay at nagpasimula ng mga CPs na ito, na wala namang dili iba kundi ang pagbabalik natin at pagrereapirma lamang ng ating kultura ng Bayanihan, Balikatan, at Pagdadamayang-Bayan.
Hindi pa nakuntento si General Problem, at kanya ring inakusan si Bb. Non ng:
“Alam mo isang tao lang ‘yan. Isang tao lang si Ana (Patricia Non). Same with Satan. Si Satan binigyan ng apple si Eve, doon lang nagsimula ‘yon.”
Ang mga demonyo, diablo, at satanista
Maitatanong: kailan pa naging masama ang gumawa ng kabutihan?
Kailan ba naging krimen ang kabutihang-loob?
Sino ba ang mga tunay na demonyo, diablo, at satanista sa bansang ito?
Silang mga puno na dapat mangalaga sa kanyang nasasakupan ay walang pagpapahalaga sa kanilang mga buhay, karapatan, at dignidad?
Silang bang mga kawani at pulitiko/trapo ng pamahalaan na walang ginagawa para sa mga tao?
Silang bang mga nagtataguyod at nagtatanggol at nagbibigay lehitimasyon sa mga di-makataong patakaran ng rehimen na hindi naman kumakatawan sa mga batayang pangangailangan, kagalingan, at interes ng Taong-Bayan?
Silang bang nagpapakalat ng mga maling balita, disimpormasyon, misimpormasyon, mga paninirang-puri’t mga kasingungalingan na sa Kampon lamang ng Kadiliman manggagaling?
Sila bang mga kapulisan at kasundaluhan na sa halip na ipaglaban ang soberensya ng bansa ay masahol pa sa pinakaduwag na nilalang na nangangayupapa sa mga dayuhan, ngunit kay tatapang na manakit at pumaslang ng mga maliliit?
Sila bang mga hukom o mahistrado na sa halip na ipagtanggol ang karapatang-pantao ng mga mamamayan at magbigay ng katarungan sa halip ay binibigyang balidasyon pa at pinagtatakpan ang kalabisan at diktadurya ng umiiral na naghaharing establisiyamento?
Ayon kay Helder Camara, “When I give food to the poor, they call me a saint. When I ask why the poor have no food, they call me a communist.”
Batid nating lahat na hindi na nagtanong si Bb. Non kung bakit laganap ang kagutuman. Katulad niya, alam na rin nating lahat ang sagot. Maliwanag itong sinagot at komprehensibong tinugon ng isang pahayag ng Rappler.
Dahil nga sa napakahirap nating kalalagayan at malawakang desperasyon ng mga mamamayan gawa ng kawalang pag-asa at kagutuman, nagpasya si Bb. Non na gawin nga at isagawa ang patuloy niyang ginagawa (kahit na napilitan siya at kanyang mga kasama na nagsara ng operasyon ng isang araw gawa nga ng paninikil at red-tagging) na walang dili iba kundi ang magbigay ng pag-asa sa mga tao, gisingin at pukawin ang kanilang diwa’t kamalayan upang sila ay muling maniwala sa kanilang mga sarili, gamitin ang sariling likas na lakas at kakayahan, upang nagsagayon ay kumilos sila’t gumampan ng may dangal, pagtutulungan, at dignidad.
Kung Satanismo ang tawag sa ginagawa ni Bb. Non at lahat ng mga nagtataguyod ng simulain at kilusang-bayang ito, kung gayon ay hindi ko na alam kung ano ba ang “kabanalan” at “kabutihan.”
Ngunit ang alam ko at lubha kong pinaghahawakan, kung mayroon mang masama, ito ay yaong mga nilalang na walang tiwala at respeto sa kanilang kapwa-tao, sila na walang pagkalinga at sinserong pagmamalasakit, sila na mga walang sariling pag-iisip at hindi nag-iisip para sa kanilang mga sarili. Sila na walang mga katwiran at walang konsepto ng katarungan!
Hindi ang mga CPs ang kalaban ng bayan, kundi ang isang tirano, linsil, at malupit na administrasyon na gawa ng kalunos-lunos nitong kakulangan at kapalpakang walang makatulad ay nagluluwal ng mga CPs na siyang sampal at rebelyon ng Bayan sa kabuuan nito.
Kung gayon, masasabi natin ng tuwiran na ang kumakalaban at kumukuwestiyon sa kadakilaan ng mga CPs ay hindi lamang mga masasamang-loob, mga walang budhi, itim ang mga buto, mga haling ang bituka, mga walang bait ni puri, mga walang pagligap ni pagmamalasakit — sapagkat sila ay mga walang kaluluwa, kundi mga tunay na demonyo at diablo, alalaumbaga’y mga lantay na Satanista.
Mga tagubilin ni Hesus
Winika ni Hesus:
“Ibigay ninyo sa Diyos ang para sa Diyos at ang kay Cesar para kay Cesar.”
Naniniwala ako na kung siya man ay naririto ay kanyang mariing ipapahayag na:
“Itaguyod at ipagpatuloy ninyo ang inyong pagbabayanihan at pagtutulungan.”
Gayundin naman, tuligsain ninyo, ilantad at bakahing ibayo ang mga bulaan, ang mga sinungaling, ang mga palamara, ang lahat ng masama, ang mga dayukdok, sinumang hangal at mapag-imbot, mga talipandas, mga oportunista, mga ulupong, at lahat ng mga mapagpaimbabaw!
Nasusulat: ang pagsamba ng walang pakikibaka, ang pag-ibig at pakikipagkapwa ng walang pagtindig at mabubuting gawa, ay walang saysay ni kabuluhan. – Rappler.com
PhD student sa Philippine Studies si Jose Mario De Vega sa Asian Center ng University of the Philippines. Siya rin ay isang faculty member sa Social Science Department ng College of Education and Liberal Arts ng Adamson University.
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.