Pagbalik-tanaw noong Agosto 2013, sariwa pa sa aking alaala si Tado at ang kanyang kakaibang bisikleta. Wala na siya ngayon. Si Jograd noong nakaraang taon, di magkamaliw sa titik ng “We Will Rock You” ng Queen kasi nagkulang siya ng kakantahin. Di ko siya nakita ngayon. Wala na rin si Fr Joe Dizon. Pero naroon pa rin sa entablado si Sister Mary John Mananzan, ang Sister Stella L sa totoong buhay.
Noong nakarang taon, puno ang Luneta ng makikinis na kutis. Mga mestizo at mestiza. Dala nila ang kanya-kanyang pamilya. Ang mga samut-saring kotse nakaparada sa espasyong binigay ng kahabaan ng Roxas Boulevard. Napakaraming pigoy din noon. Sa katunayan nagpakuha pa kami ng litrato sa kanila. Hindi bilang pangungutya, pero para ipabatid na sama-sama tayo sa mga problema ng bayan; at ang pagbabagong minimithi ay para sa lahat, pigoy ka man, pari, madre, makinis ang kutis o kulay mahirap.
“Ang pagbabagong minimithi ay para sa lahat, pigoy ka man, pari, madre, makinis ang kutis o kulay mahirap.”
Sa aking pakiwari, mga higit 250,000 kaluluwa ang lumahok sa pagkilos na iyon. Nakita ko ang mga dating kaklase sa hayskul at sa kolehiyo. Mga dating kasama, at sa pagtatagpong iyon ay mga bawas na ang buhok, bumigat at karay-karay na ang mga dalaga at binatang supling. Parang EDSA Uno rin ang dating. Maliit na EDSA. (Basahin: #MillionPeopleMarch and the limits of playful citizenship)
Matapos ang 2013, at ito na nga 2014 na, nagkahati-hati ang mga “middle class” sa panig ng mga nananalig pa rin sa kakayahan ng pamahalaang iwasto ang sarili at sa panig ng ayaw nang maniwala kahit ano pang usapan ang lumabas sa Malakanyang.
May mga opinyon ding galing sa panig ng mga Kaliwang ang gusto ay palitan ang gobyerno, at sa panig ng mga “moderates” na gustong madaliin ang reporma sa pamamamahala pero ayaw ng dahas o galaw na makaaapekto sa ekonomiya.
Noong Lunes, Agosto 25, nasa Luneta ulit ako. Tulad ng dati may mga “tent” kung saan ka pipirma kung ayaw mo sa baboy o sa sayaw na saligang batas. Mga 15,000 ulilang kanin ang naroon. Naghanap ako ng kakilala. Wala roon yung mga mason pero naghatid sila ng pagbati. Nagmamatyag sila. Nakita ko si Kongresman Neri Colmenares, at nagpakilala ako. Wari’y nakilala niya ako at tinanong kung sa dati pa ako namamasukan.

Malupit pa rin humataw si Daryl Shy. Bumanat ang Kamikaze at malupit sila sa kanilang mga mamahaling gitara. Sana meron ako nung Gretsch nung “lead guitarist” nila. Umalis na ako dahil tila aatake ang aking “gout” sa tuhod. Gutom na rin ako.
Pagkauwi ko, sinundan ko ang mga pangyayari sa TV. Nagmartsa ang iba, papuntang Mendiola, tulad din noong nakaraang taon. Yung iba naman natapos ang pag-ambag sa kasaysayan ng pagsasamantala sa Luneta. Nitong gabi, umulan nang malakas at bumaha sa mga parte ng Maynila. Nagbabadya. – Rappler.com
Gil Merino Valdez is a street photographer, occasional event videographer, a salaryman and a guitarist.
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.