Chasing the Pope, parang pag-ibig lang

Pero hindi mo makikita sa mukha ng mga pilgrim ang disappoinment, dahil alam naming darating ang Santo Papa. Parang pag-ibig, mga makailang beses ka sigurong iibig na akala mo ay iyon na tapos hindi pa pala. Pero tuloy ka lang na pagsubok na magmahal dahil alam mong baling araw ay darating din ang tunay at wagas mong pag-ibig.

Noong magsimula ang Misa na pinangunahan ng Santo Papa, lahat ay tahimik at buong pusong nakinig at nakiisa. Parang pag-ibig, minsan ay kailangan ng katahimikan para lang damhin ang nadarama ng kalooban.

Pagkatapos ng Misa, nag-ikot na ang popemobile. Kanya-kanya nang gitgitan at sampahan kaming mga gustong makita ang Santo Papa. Yung tiyahin ko nga sumasampa na sa barikada. Tapos kami nung mga katabi ko kanya-kanyang gitgitan at tulakan, wala kaming pakialam kung nasasaktan na kami masilayan lang ang Santo Papa. Parang pag-ibig, dapat handa kang masaktan. Kasama iyon para sa pagtatagumpay ng pag-ibig.

At sa puntong nakita ko na ang Santo Papa, lalo na ang tinatawag na “Pope Smile” parang kung may anong pumawi sa lahat ng puyat at pagod na nadama ko sa magdamagang paghihintay na may kasama ang ulan. Parang pag-ibig, kapag dumating na ang tunay at wagas mong pag-ibig lahat ng sakit at luha na naranasan mo sa mga nakaraan ay mapapawi.

Oo, nakita ko ng malapitan ang Papa. Tatlong beses. Wala ako ni isang litrato na sarili kong kuha dahil hindi talaga ako nag-abalang kunan ng litrato. Pero kung pipikit ako, kayang-kaya kong alalahanin ang detalyadong mukha niya nang nakangiti. Isa pa, hindi naman porke’t wala akong litratong kuha ay hindi ko na nakita ang Santo Papa. Parang pag-ibig, minsan mas masarap iimbak sa sariling memorya ang mga ala-ala ng pag-ibig kay sa iimbak sa memory card. Hindi naman porke walang litratong pinanghahawakan, wala nang pag-ibig. Dahil naniniwala akong ang tunay na pag-ibig ay hindi “for show lang.”

Sa totoo lang, mga dalawang araw bago kami lumipad papuntang Tacloban hindi namin alam ang ginagawa namin. Pakiwari yata namin ay basta lang kami pupunta doon at dadalo sa Misa. Buti na lang tinanong ako ng kaibigan ko sa Tacloban kung nakapagpalista na kami kasi kailangan daw iyon. Kaya kami naman ng tiyahin ko ay nagtatatawag sa mga kakilala sa Tacloban para makahanap ng tulong para makapagpalista upang makadalo sa Misa ng Santo Papa. Pinalista kami ng kaopisina ko, at pinalista din kami ng kaopisina ng tiyahin ko.

Noong araw naman ng pagdating namin sa Tacloban ay gumawa talaga kami ng paraan upang makakuha ng ID na kailangan para makapasok sa venue. Sinamahan ako ng kaopisina kong magpunta sa chancery office para magpalista pero sarado na raw. Sa kabutihang palad, ang kaopisina ng tiyahin ko ay may kakilala sa isang parokya kaya natulungan niya kami.

Awa ng Diyos, bandang huli ay nakakuha kaming lahat ng ID bilang passes. Kahit pa ilang tao ang aming naabala at ilang oras ang aming hinintay ayos lang. Parang tumulong din ang universe para magka-ID talaga kami. Parang pag-ibig, kung para sa iyo talaga gagawa ng paraan ang tadhana para magtagpo kayo. Pero hindi sapat iyon, dapat kumilos ka rin upang tulungan ang tadhana para sa ikatatagumpay ng pag-ibig mo.

Parte ng homily ni Pope, “I know it’s late, but I’m here.” Parang pag-ibig, medyo ma-late man ang dating sa buhay mo, once na dumating na eh masasabi mong sulit the wait.” Rappler.com

Guia is a working professional on weekdays and a jungle woman on weekends. She loves to think out loud using the keyboard. Her mantra in life, "Masaya ang mabuhay, kaya mabuhay tayong masaya."