public health

[FIRST PERSON] Buhay sa autism spectrum

Ronald G. De Guzman Jr
[FIRST PERSON] Buhay sa autism spectrum

Illustration by Guia Abogado

'Nalaman ko lang na mayroon akong developmental disorder sa edad na ika-labing pitong taon'

Noong ako’y bata pa, may napansin na kakaiba ang aking mga magulang. Hindi ako tulad ng ibang mga bata na nakikisalamuha o nakikipaglaro sa ibang kabataang kasing-edad ko.

Para kasing may sariling mundo raw ako. Kadalasan daw, naglalaro raw ako nang mag-isa o ‘di kaya ay lagi ako nawawala sa mga shopping mall o ‘di kaya sa mga palaruan.

Napansin rin ng aking mga magulang na kakaiba ang pag-iyak ko. Sabi raw ng ibang tao na normal daw iyun ngunit napansin ng aking mga magulang na halos madalas ang aking pag-iyak na para bang maski Diyos ay walang pumipigil dito.

Hanggang noong isang araw, may isang pangyayaring ikinagulat ng aking mga magulang. Noong ako’y mag-aapply bilang Kinder 2 sa isang pribadong paaralan, ‘di ako sumagot nang maayos sa nag-iinterbyu sa akin. Ni ‘di raw ako tumitingin nang diretso sa kanyang mga mata.

Kaya roon, ipinayo ng paaralan sa aking mga magulang na ipatingin daw ako sa espesyalista na kung tatawagin ay “developmental pediatrician” o “devped.” Ito raw ay upang masuri kung may problema raw ako o wala.

Syempre, sinunod ito ng aking mga magulang. Ipinatingin ako sa devped para malaman talaga kung may problema ako. Tiningan naman ng devped ang kalagayan ko at sinabi sa aking magulang na may problema raw ako sa pagsasalita o “speech delay” kaya dapat dumalo ako sa ilang “therapy sessions.”

Sinunod naman ito ng aking mga magulang. Kada linggo, dumalo ako sa mga “therapy sessions” na nirekomenda ng devped sa aking mga magulang.

Hanggang noong isang araw, bigla na raw ako nagsalita nang maayos at diretso. Syempre, itinigil ng aking magulang ang linggo-linggong “therapy sessions” kahit wala pang pahintulot mula sa devped.

Maayos na ang aking kalagayan pagkatapos itinigil ng aking magulang ang “therapy sessions.” Pumasok ako nang maayos at nakakuha ako ng magandang marka.

Ngunit biglang dumating ang araw noong ako’y ika-anim na baitang. Madalas, hindi ako mapakali lalo na’t marami akong ginagawa sa paaralan. Hindi nga maayos ang aking pagtulog, pagkain, at iba pang pagkilos na kung saan madilim ang aking “aura.”

Dahil sa nangingibang kilos ko, ipinatingin ako sa isang espesyalista na kung tatawagin na “psychiatrist.” Noong una, nagulat ako, lalo na’t sa aking palagay noon, ‘di ako baliw o sira-ulo. Ngunit nagpumilit ang aking mga magulang na ipatingin ako roon.

Sinabi ng psychiatrist na mayroon daw akong bipolar disorder. Ipinaliwanag niya na isa raw siyang sakit sa pag-iisip na kung saan merong dalawang “extremes” na sobrang kasiyahan o ‘di kaya’y sobrang kalungkutan.

Dahil dito, pinainom ako ng gamot kahit na may side effects ang mga ito. Dapat ako uminom ng gamot araw-araw para maging maayos ang “chemical imbalances” sa aking utak.

Ilang beses kaming nagpalipat-lipat ng psychiatrist dahil sa personal na isyu, tulad ng budyet naming pamilya. Hanggang isang araw, noong ako’y labing-pitong taong gulang, tinanong ng psychiatrist ang aking mga magulang tungkol sa aking nakaraan. Sinabi ng aking mga magulang na nagkaroon ako ng “speech delay” na siyang ikinagulat ng psychiatrist.

Dahil doon, nirekomenda ng psychiatrist na ipatingin ako sa devped lalo na’t nalaman rin niya na ‘di natapos ang “therapy sessions.” Sinunod naman ito ng aking mga magulang para malaman talaga ang aking problema, lalo na’t ‘di gaano ka-effective ang gamutang binibigay sa akin.

Naghintay kami ng ilang buwan bago dumalo sa assessment na ipapagawa ng devped. Syempre naman, konti lang ang devped dito sa Pilipinas na siyang magkakaroon ng delay sa pag-iskedyul.

Nang isinagawa ang assessment, tinignan ng devped ang lahat ng aspetong “developmental” sa akin tulad ng kognitibo, motor, hearing, at speech. Tinignan niya ito lahat hanggang sa sinabi ng devped na ‘di lang bipolar disorder ang mayroon sa akin kundi mayroon akong autismo.

Noong narinig ko iyung salitang “autismo” mula sa devped, kumirot ang aking puso. Nalaman ko lang na mayroon akong “developmental disorder” sa edad na ika-labing pitong taon. Para bang gagawa uli ako ng hakbang mula umpisa.

Must Read

Pero kinalaunan, itinanggap ko nang buo ang kondisyon na ito. Nauunawan ko na ang autismo ay ‘di dapat tinitignan sa negatibong aspeto, kundi dapat tinitignan ito na ang bawat tao ay magkakaiba, na kung saan may sari-sariling kakayahan at limitasyon.

Sinasabi ng iba na ang taong may autism ay ‘di marunong magsalita ng wikang Filipino na para bang mga Inglisero sila. Ngunit ito’y isang estereotipo, lalo na’t bukod lang sa akin, may kakilala rin akong mga kapwa kong may autismo na marunong magsalita ng wikang Filipino nang diretso.

Sinasabi ng iba na ang taong may autism ay mahusay sa larangang agham at matematika. Ngunit tulad din sa Inglisero, ito rin ay isang estereotipo sapagkat may mga taong may autismo na magaling sa agham panlipunan, sining, at humanidades, tulad nina Dan Aykroyd at Susan Boyle.

Sa kasalukuyan, ang taong may autismo ay nakakaranas ng diskriminasyon at panlalait mula sa ibang tao. Isa na rito ang dating viral na “Boyet Challenge” na kung saan halos maraming netizens ang sumabay sa katuwaang panggagaya kay Boyet, na karakter ng artistang si Ken Chan sa teleseryeng My Special Tatay. Kahit na ito’y katawa-katawa ay mas lalo nitong ipinapalala ang stigma tungkol sa autismo.

Ang taong may autismo ay dapat ‘di tinitignan sa negatibong aspeto lalo na’t sila’y mga tao rin na may dignidad. Bagkus, dapat sila’y unawain, intindihin, at tanggapin nang buong-buo para maramdaman nila ang pagmamahal mula sa ibang tao. – Rappler.com

Si Ronald G. De Guzman Jr ay isang miyembro ng Autism Society Philippines. Sa ngayon, nag-aaral siya sa ika-labing dalawang baitang na HUMSS strand sa University of the East-Manila.