LGBTQ+ rights

[OPINYON] Bakla ka, ‘di ba?

Klinton Torralba
[OPINYON] Bakla ka, ‘di ba?
'Sa pag-aabogasya, nadama ko na dahil ako’y naiiba, kailangan doblehin ko ang galing ng mga tunay na lalake para man lang makuha ko ang kalahati ng tinatamasa nila'

Bilang abogado, trabaho kong ipaglaban ang karapatan ng iba. Sa araw na ito, hayaan niyo sanang ipaglaban ko ang aking sarili.” 

Ito ang mga katagang nasambit ko noong sumalang ako sa isang television show. Sa gitna ng pandemya, matapang kong niyakap ang aking katotohanan. 

Pagkatapos ng masalimuot na daan na aking tinahak para lamang mapatunayan ang aking sarili, napuwersa akong balikan ang aking pagkabata – inalala kong muli ang batang ako na kinailangang itago ang kanyang tunay na pagkatao dahil sa takot sa panghuhusga, panglalait, at diskriminasyon. 

May mga taong kagaya ko na hindi pa isinisilang ay tinituring nang kasalanan, sakit, o ‘di kaya ay imoral. Ang mga taong kagaya ko ay kailangan munang ipaglaban ang kanilang buhay bago magkaroon ng bihirang pagkakataon para ipaglaban ang kanilang mga pangarap. Kailangan naming kabigin ang kalalagyan namin sa mundo dahil walang nilaan ang lipunan para sa amin. 

Ang pananaw ko noon bilang bata, tatanggapin at rerespetuhin ka ng mga tao kapag matalino ka. Ang iniisip ko noon, “Nakakahiya ka naman, Mayor tatay mo tapos ganyan ka.” Ibinuhos ko ang aking oras sa pag-aaral. Mula sa batang kulelat, nakapagtapos akong salutatorian sa elementarya at valedictorian sa sekondarya. 

Subalit bakit hindi pa rin sapat? Bakit kapag dumadaan ako sa kalye, may mga bata pa ring sumisigaw ng, “Ay!  Bakla!” Bakit kapag lasing si Papa, papasok siya sa kwarto ko sabay tanong ng, “Bakla ka ba?” Bakit kahit nagkaroon ako ng kasintahang babae, pinagsamantalahan pa rin ako, isang menor de edad, ng isang opisyal sa bayan namin? Hanggang sa araw na ito, naririnig ko pa rin ang mga katagang binanggit niya: “Marami ka na sigurong natikman? Bakla ka, ‘di ba?” 

Kinailangan kong lisanin ang bayan namin para mag-aral sa Maynila. Kinailangan kong takbuhan ang alaala ng paglalapastangan sa aking pagkatao. 

Ngunit pilit ko mang layuan ang aking nakaraan, bitbit ko pa rin ang bigat na kailangan kong higitan lagi iyong inaasahan nilang kaya kong abutin. Kasi nga, “Nakakahiya ka naman, pulitiko mga magulang mo tapos bakla ka.” 

Lalo akong nagpursige sa pag-aaral. Pagkatapos kong magtapos bilang cum laude sa kursong Pilosopiya sa UST, itinuloy ko sa pag-aabogasya para matanggap ko ang respeto na matagal ko nang inaasam mula sa lipunan. Sa kalaunan, nakapagtapos ako bilang cum laude sa kursong Bachelor of Laws sa UST.

Binalak kong aminin na noon sa mga magulang ko ang aking tunay na pagkatao subalit kinailangan ko itong ipagpaliban dahil marami kaming problema – natalo ang tatay ko sa eleksyon, may malapit sa pamilya namin na pinakulong, at may naging biktima ng extrajudicial killing. Kaya nama’y nangako na lang ako sa mga magulang ko na babawi kami sa 2018. 

Noong 2018, tinupad ko ang aking pangako. Naging mukha ang mga magulang ko ng 2017 Bar Exam dahil nagtatatalon at nagsisisigaw sila sa harap ng Korte Suprema noong nalaman nilang isa ako sa mga bar topnotchers. 

Noong naging abogado na ako, nadama ko na tila ba’y ginawa lang ito para sa mga tunay na lalake. Sa pag-aabogasya, nadama ko na dahil ako’y naiiba, kailangan doblehin ko ang galing ng mga tunay na lalake para man lang makuha ko ang kalahati ng tinatamasa nila.

Nakakapagod. 

Nakakasakal. 

Nakakalungkot. 

Iyan ang kailangan naming pagdaanan para lamang mapatunayan na karapat-dapat rin kaming respetuhin, tanggapin, at mahalin. Hindi pwedeng bakla lang, dapat baklang may napatunayan. 

Must Read

‘Terror’ threatens Nazarene procession

Kaya naman noong inanyayahan ako para ilahad ang aking kwento sa telebisyon, naalala ko ang batang bakla sa puso ko na kinailangan kong protektahan mula sa pandidikdik ng mundo. Para sa isang tao na nasa posisyon nang ipaglaban ang karapatan ng iba, nagulat ako na nadama ko pa rin ang takot at hiya noong pagkakataon ko nang ipaglaban naman ang aking sarili. 

Bakit gusto kong manahimik muli? Matagal na naman nang alam ng iba, bakit hindi pa rin ako handang pag-usapan ito?

Puno man ng takot, buong tapang kong sinakripisyo ang imahe na binuo ko lang para maging katanggap-tanggap sa lipunan. Kinailangan kong maglaan ng puwang sa batang bakla na matagal ko nang itinago sa puso ko.

Alam kong sa ginawa kong iyon, hindi naman mababago ang katotohanang ginagawa pa ring pangungutya ang salitang “bakla.” Ngunit kung may isang bata na nanood, na tulad ko noon ay tinatago ang kanyang sarili, gusto kong malaman niya na balang araw, mababandila rin niya ang bahaghari niyang kulay. 

Umaasa ako na darating ang bukang-liwayway para sa amin kung saan hindi na kailangan pang patunayan muna ng mga bakla ang kanilang mga sarili bago sila tanggapin at mahalin. 

Ipinagdarasal ko na darating ang araw na tunay nang maiintdihan ng mga tao, lalo na iyong mga makapangyarihan, na lubos naming pinapahalagahan ang pagkasagrado ng pag-iisang dibdib ng mga tao kaya’t gusto din naming maisapabatas na karapat-dapat din kaming ikasal. 

Ang salitang, “pag-ibig” ay dalawang beses na nabanggit sa ating Saligang Batas. Una sa Preamble, kung saan sinisigurado na mamumuno ang pagmamahalan sa ating lipunan habang sinusubukan nating kamtan ang mga layunin ng ating bansa. Pangalawa, sa ika-labing-apat ng Artikulo kung saan inaatasan ang mga institusyong pang-edukasyon na palawigin ang pagmamahal sa sangkatauhan. Ngayon na ang tamang panahon para palawigin ang pagmamahal sa sangkatauhan kahit na ano pa ang iyong kasarian at pagkakakilanlan. Ngayon na ang oras para hayaang pag-ibig ang maghari sa ating bansa.  

Hindi ko na ipinagpapaumanhin pa na iba ako dahil nahanap ko ang kagitingang tanggapin, mahalin, at ipagdiwang ang aking tunay na pagkatao.

Hindi ako ang nauna at siguradong hindi ako ang panghuli. – Rappler.com

Klinton M. Torralba, an Ilokano, is an Associate at DivinaLaw and a law professor at the University of Santo Tomas.