climate change

[OPINYON] Ang tawag ng panahon sa panahon ng mga bagyo

Kenneth Abante
[OPINYON] Ang tawag ng panahon sa panahon ng mga bagyo
'Sana'y mapukaw tayo: Hindi ito normal. Hindi ito makatarungan. Dahil ito sa krisis sa klima.'

Tatlong sunud-sunod na bagyo ang sumalanta sa amin sa Bicol nitong nakaraang 3 linggo: Quinta (205 kph), Rolly (315 kph), Ulysses (165 kph). Naniniwala akong babangon tayong muli at mananaig ang bayanihan ng Pilipino. Maraming magsasabing “waterproof” at “resilient” tayo.

Pero sana’y mapukaw tayo: Hindi ito normal. Hindi ito makatarungan. Dahil ito sa krisis sa klima. Dahil ito sa greenhouse gases na pinaiinit ang ating mga dagat at pinalalakas ang ating mga bagyo. Karamihan sa greenhouse gases ay ibinubuga ng mayayamang bayan. Dapat silang managot sa hirap na dinaranas natin. Naisip kong napapanahong ibahagi at i-update ang aking opening remarks sa Youth Strike 4 Climate Philippines 2020: 

Tayo’y maging kapwa-likha

Dalawang krisis ang minamana ng ating henerasyon: ang krisis sa pandemya at ang krisis sa klima. Pinalalawak ng mga ito ang agwat sa pagitan ng mahihirap at may kaya. Ito ang mga krisis at laban ng ating buhay.

Ito ang tawag ng ating panahon: na tayo’y hindi lamang maging kapwa-tao, kundi maging kapwa-Likha. Ang kailangan: kalinga para sa tao at kalikasan, para sa lahat ng nilikha.

Isa ang Pilipinas sa Vulnerable 20, ang dalawampung bansang pinaka-apektado ng krisis sa klima, ayon sa Climate Vulnerable Forum, isang think tank. Maliit lamang ang binubuga nating greenhouse gases – 3% lamang ng kabuuang buga ng mundo – ngunit tayo ang papasan sa lampas kalahati ng pinsalang pang-ekonomiya at 80% ng pinsalang pangkalusugan na dulot ng krisis sa klima. Hindi pa rito kasama ang pinsalang dala ng krisis sa pandemya.

Hindi lang ito numero. Personal ito. Buhay natin ito.

Tubo akong Bicol. Lumaki akong sanay sa hagupit ng bagyo. Sa relief. Sa lumilipad na yero. Sa punong binunot ng lakas ng unos. Sa baha. Sa ipis na lumilipad dahil sa baha. Sa matatagal na brownout. Sa pagkansela ng klase at trabaho.

Lumaki akong nag-aakalang normal ito. Ang turo sa akin dati: magpakatatag ako. Maging resilient. Waterproof. Tama naman, pero nakamamanhid. Dahil tila baga ang buong pasanin ay nasa akin at walang kasalanan ang sistemang umaapi sa akin.

Napukaw ako sa kawalang hustisyang ito dahil marami akong kaibigan at mahal sa buhay na nalagay sa panganib dahil sa krisis na ito:

Si Ate Salve ay isa sa mga masinop na labandera na aming ka-barangay. Matatag siyang ina na tinataguyod ang kanyang pamilya. Nang inaayos ni Ate Salve ang bahay niyang winawasak ng bagyo, may yerong nilipad ng hangin at lumagari sa kanyang tiyan. Nagdadalantao noon si Ate Salve. Pumanaw siya at ang kanyang nasa sinapupunan.

Noong Ondoy, bumagsak ang ulan na pang-isang buwan sa loob lamang ng iilang oras. Ang ate ko at ang kanyang pamilya ay kinailangang iligtas ng militar noong binaha ang kanilang bahay sa Pasig. May mga guro akong umakyat sa kanilang bubong sa Marikina habang nakikita nilang inaagos ng rumaragasang alon ng baha ang kanilang mga mahal na buhay. Pagkatapos ng bagyo, sabay-sabay naming nilinis ang putik sa Provident Village gamit ang aming mga pala at palad.

Noong Yolanda naman, lampas 6,000 Pilipino ang namatay, kasama ang mga kamag-anak ng aking malalapit na kaibigan. Lampas 30 oras ang bawat isang shift namin sa relief center habang kinukumusta namin ang aming mga kaibigang apektado at hindi makausap ang kanilang mga kapamilya dahil naputol ang mga linya ng komunikasyon.

Impossible choices

Ngayong panahon ng pandemya, 3 sunud-sunod na linggo kaming sinalanta ng bagyo: Quinta (205 kph), Rolly (315 kph), Ulysses (165 kph). May mga kababayan kaming binaha, nawalan ng mahal sa buhay. Nagkapit-bisig nga kami at nagbayanihan para may maiabot na relief para sa mga apektadong pamilya. May mga kaibigan akong bumili ng natitirang palay ng mga magsasakang nasira ang tanim. Pero nang sa tingin namin ay makakabangon na kami, sinalanta ulit kami ng isa pang bagyo. Nakakapagod.

Ngayong pandemya, tila catch-22 ang aming mga pinagpipilian sa araw-araw. Naputol ang mga poste ng bagyo. Nawalan kami ng kuryente at internet. Hindi kami makapag-work-from-home o study-from-home. Kung pumunta kami sa coffee shop na may generator at kuryente, puwede kaming magkahawaan ng COVID. Iyon ay kung makapunta kami sa lungsod: Kulang ang public transport, kaya kailangang mag-bike. Kung mag-bike naman, dahil walang protected bike lanes, puwede kaming masagasaan.

Kahit sa bahay, ganito ang hinaharap naming impossible choices: Kung buksan namin ang bintana, mahangin at mas ligtas sa COVID, pero pagpipiyestahan kami ng lamok, puwedeng magka-dengue. Kung isasara namin ang bahay para hindi pumasok ang lamok, kulob ang hangin, puwedeng magka-COVID, mainit at pagpapawisan kami. Buksan man namin o isara ang aming bintana, hindi kami makatulog nang mahimbing.

Para kumita, kailangang may pera muna: Kumain sa labas para hindi nakakahiyang maki-charge at mag-internet. Para makapag-work from home, bumili ng generator. Paano ang walang pera, walang trabaho? Hindi teorya sa amin ang intersectionality o patong-patong na pagkalugmok; ito ang aming pang-araw-araw ng karanasan.

Hindi ito normal. Hindi ito makatarungan. At personal sa akin ang kawalang-katarungan.

Malawak na usapin ang krisis sa klima at pandemya. Sa laki ng problema, madaling mawalan ng pag-asa. Ano ang nakatutulong? Ang pakikinig sa isa’t isa, ang pananaliksik na nagbibigay sa atin ng kaalaman at kakayahang kumilos upang mabago ang sistema.

Must Read

[OPINION] Higher ambitions in avoiding emissions: The Philippines’ climate pledge

[OPINION] Higher ambitions in avoiding emissions: The Philippines’ climate pledge
Isaayos ang pampublikong transportasyon

Magbibigay ako ng halimbawa: Isa sa pinakamabisang tugon sa dalawang krisis na ito ay ang pagsasaayos ng sistema ng pampublikong transportasyon.

Lampas 10% ng kabuuang binubugang greenhouse gases ay mula sa road-based transport. Bakit ganito ito kalaki? Dahil meron tayong sistema ng transportasyon na inuuna ang interes ng mayamang may awto bago ang kalikasan at karaniwang tao.

Ayon sa aming Move As One Coalition, isa sa bawat 10 Pilipino lamang ang may kotse. Ngunit hindi pinayagang pumasada ang mga open-air jeep habang malayang nakakabiyahe ang mga pribadong kotse.

Heto po ang aming panawagan: Mga lungsod na inuuna ang kalikasan at tao, hindi awto. Mga lungsod kung saan maaaring bumalik-pasada ang mga open-air jeep nang may kontratang magbibigay sa mga tsuper ng makataong kita. Mga lungsod kung saan maaari tayong maglakad at mag-bisikleta at kumilos nang malaya, anuman ang ating edad, abilidad, kasarian, o paniniwala. Mga lungsod na may biyaheng sapat at ligtas: na may mga protected bike lane, malawak na lakaran, maraming puno’t halaman.

Klaro na kailangan ng pondo ng mga programang ito, ngunit walang pondong inilaan mula sa pera ng bayan sa proposal ng Department of Transportation para sa 2021. May kapangyarihan at pananagutan tayo bilang mga mamamayan upang baguhin ito. Pera natin ito. Budget natin ito. Kailangan nating kausapin ang ating mga mambabatas na dapat itong pondohan at ayusin: para sa kalusugan, para sa trabaho, para sa kalikasan, para sa “klimabukasan.”

Isa lamang itong halimbawa at maaari ninyo itong gamitin sa anumang sektor ng pag-aaral at pagkilos.

Muli, ang tawag ng ating panahon: hindi lamang maging kapwa-tao kundi maging kapwa-Likha.

Ang huli naming dasal ay ang lagi naming idinadasal sa aming grupo: Panginoon, bigyan mo kami ng biyayang naisin ang puna. Ito ay panalangin namin lalo na sa mga may kapangyarihan.

Kailangan nating makinig. Kailangan nating makiramdam. Kailangan nating kumilos.

Ang kabataan ay nasa gitna ng pagbabago. Ang kabataan ay nasa gitna ng pulitika. Ating tandaan: Nasa tao ang boto, wala sa awto.

Ang tawag ng panahon ay hindi lamang tayo maging kapwa-tao kundi maging kapwa-Likha.

Dios mabalos po. – Rappler.com 

Ken Abante is a policy researcher at the Ateneo de Manila University, as well as former chief of staff for the strategy, economics, and results group at the Department of Finance.