Persons Deprived of Liberty

[OPINYON] Pangangalaga sa mga Persons Deprived of Liberty

Jehu Emmanuel Laniog

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Pangangalaga sa mga Persons Deprived of Liberty
'Sa maraming pagkakataon, hindi nakikita ng batas ang mga personal na kuwento ng mga PDL, dahil hindi naman kuwentong buhay ang pamantayan ng batas para magbigay ng sentensya sa isang tao'

Hindi katulad ng mga kulungan sa ibang bansa, isa sa pangunahing kakulangan ng mga kulungan sa Pilipinas ay espasyo. Kaya karaniwan na ang siksikang kulungan at kakulangan sa mga pasilidad para may pagkakaabalahan ang mga Person’s Deprived of Liberty o PDL, katulad ng lupa para makapagtanim, basketball court, o kahit na entablado na pupwedeng pagdausahan ng mga aktibidad. Marami sa mga PDL ang natutulog na nakatayo, nakatagilid, o minsan pa nga’y sa umaga na natutulog dahil walang mapuwestuhan sa gabi.

Sa mga nakausap kong PDL, nakahanap sila ng kalinga sa mga bagay na pupwede nilang gawin sa loob ng kulungan. Ang ilan ay sa pamamagitan ng pagtatanim, ang iba’y tumutulong sa mga paralegal officer sa pag-follow up ng mga kaso ng kapwa nila detenido, at ang iba nama’y gumagawa ng tinapay, kagamitan sa bahay, at mga palamuti katulad ng parol. Mayroon ring nabibigyan ng pagkakataong magturo sa kapwa nila PDL tungkol sa karapatan ng mga detenido at ang mga bagay na pupwede nilang gawin sa kanilang kaso.

Sa pagbibigay kahulugan ng mga opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology, ang kulungan ay lugar para mareporma o mabago ang isang tao para maging kapakipakinabang na miyembro ng lipunan. Pero dahil sa mga salik na humuhubog sa isang PDL sa loob ng kulungan, katulad ng kakulangan ng mga pasilidad at kakulangan ng mga intervention para magabayan ang mga detenido, mayroon pa ring bilang ng recidivism, o muling pagkakakulong ng mga nakalagaya, ang naitatala.

Malaki ang nagiging bahagi ng kawalang espasyo sa kulturang nabubuo sa loob ng mga pasilidad ng BJMP. Sa pagkakakulong, maliban sa kalayaan, napag-iiwan rin ang mga PDL sa mga nangyayari sa labas: mula sa kani-kaniyang mga pamilya hanggang sa mga balita na madalas ay hindi nakakarating sa loob ng kulungan. Ang bigat ng loob na pinagdaraanan ng mga PDL sa napakahaba at parang hindi natatapos na pagdinig sa kanilang mga kaso ang mas lalong nagpapalala sa kawalang balanse ng kanilang mental health. Napakaraming PDL ang nakakaranas ng depresyon habang nakakulong; marami sa mga ito ay nalulunod sa mga isipin tungkol sa kanilang pamilya, tungkol sa kinabukasan nila, mga bagay na hindi nila magawa, at mga pagsisisi.

Must Read

Ang pangunahin sa mga gusto tugunan ng mga PDL ay ang pagsasaayos ng koneksyon nila sa kanilang pamilya, na kailangan nilang bumawa sa ilang taon nilang pagkawala. Nagsasangasanga pa ito sa iba pang mga bagay na epekto ng kanilang pagkakakulong: mga nagbago sa kanilang mga anak, asawa, sa kanilang pamamamahay, at sa komunidad. Mula sa kanilang pagsisisi lumalabas ang kawalan ng tiwala sa sarili. May ilan pa ngang PDL na nang makalaya ay hindi lumabas ng kanilang bahay ng ilang buwan dahil nahihiya silang makita ng kanilang mga kapitbahay. Marami rin sa mga dating PDL ay nakakaranas ng trauma: may ilan na nahihirapang tumawid ng daan, ang makipag-usap sa hindi nila kilala, o kahit na ang paglalakad nang mag-isa sa dilim.

Binibigyan sila ng tulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng learning session habang nasa pangangalaga sila ng BJMP at kapag nakalaya na sila. Marami sa mga naging benepisyaryo ng mga programa ng organisasyon ay mayroon nang trabaho at paunti-unting itinataguyod ang naputol na koneksyon nila sa kanilang pamilya. Sa tingin ko, sa pagtanggap ng mga tao magsisimula ang pagbabalik ng isang PDL sa lipunan. Kahit na malakas ang motibasyon para muling bumalik sa lipunan, kung hindi naman sila nabibigyan ng pagkakataon na makapagbago, saan nila ilulugar ang kanilang sarili?

Ang isang detenido ay hinuhubaran pagpasok niya sa kulungan, sa metaporikal na pagbibigay kahulugan, at wala silang pagpipilian kung hindi tanggapin ang kultura ng kulungan. Kaya marami sa mga detenido ay sumasali sa mga pangkat katulad ng Commando, Sputnik, Happy Go Lucky Gang, at Bahala Na Gang. Ang pagsali sa mga pangkat sa loob ng kulungan ay isang survival instinct, dahil binibigyang seguridad, proteksyon, at pagkain ng mga pangkat ang kanilang miyembro. Isang repleksyon ng mga bagay na may pagkukulang ang mga pasilidad ng BJMP.

Dapat nating tandaan na ang mga Person’s Deprived of Liberty ay mga tao rin. Mayroon pa rin silang mga pangarap, mayroon silang pamilya, at mayroon silang kani-kaniyang karanasan sa buhay na maaaring dahilan kung bakit sila napunta sa posisyon bilang detenido. Sa maraming pagkakataon, hindi nakikita ng batas ang mga personal na kuwento ng mga PDL, dahil hindi naman kuwentong buhay ang pamantayan ng batas para magbigay ng sentensya sa isang tao. Ang pamantayan ng batas ay mga ebidensya sa oras kung kailan ginawa ang isang krimen. Kaya hindi nakapagtataka na nang paigtingin ng gobyerno ang kampanya laban sa droga, ang nagpapuno sa mga lock-up ng Philippine National Police at pasilidad ng BJMP ay mga mahihirap.

Isa sa mga layunin ng  Humanitarian Legal Assistance Foundation, Inc (HLAF) ay pangalagaan ang karapatan ng mga PDL. Habang nakikinig ako sa Paralegal Training at Case Consultation na ginagawa ng mga kasamahan ko sa HLAF, palaging mayroong hinaing ang mga PDL, nakita ko na ang pangunahin sa mga ito ay ang matagal nilang paghihintay na mabigyan o matuloy ang kanilang hearing. Marami sa kanila ang taon na ang hinihintay dahil palaging narereset, ang ilan naman ay hindi sigurado kung kailan ang susunod nilang hearing, at marami sa kanila ang naguguluhan kung ano ba ang ibig sabihin ng batas. Kapag naririnig ko ang mga ganitong sentimyento, kahit parang palagi ko naman itong naririnig, mabigat pa rin para sa akin ang mga ito.

Dahil sa huli naman, tumatagal ang pagdinig sa kaso ng mga PDL dahil may bahagi ng hudikatura ang hindi kasing bilis kung ikukumpara sa ibang bahagi nito. Noong 2011, sa pangunguna ng Supreme Court, naitatag ang Task Force Katarungan at Kalayaan (TFKK). Ito ay pagpupulong ng mga matataas na opisyal na humahawak sa proseso ng hudikatura sa lebel ng bayan o siyudad, mula sa mga pulis hanggang sa mga executive judge. Ang layunin ng TFKK ay mapag-usapan ang mga ginagawa nila para mas mapabilis ang kanilang trabaho sa pagproseso ng mga PDL. Sa pamamagitan ng pagbubuo ng TFKK sa isang siyudad, nabibigyan sila ng pagkakataong isaayos ang mga proseso ng kani-kanilang opisina para mas pabilis pa ang pagpoproseso sa mga kaso ng mga PDL. Base sa obserbasyon ko, ang mga lugar kung saan mayroong regular na pagpupulong ang TFKK ay kinakitaan ng pagtaas sa bilang ng mga PDL na napapalaya. Halimbawa dito ay Malabon City at Pasig City. Napakahalaga ito dahil isa ang Pilipinas sa mayroong pinaka-crowded na kulungan sa buong Asya at isang hakbang ang pagsasagawa ng TFKK para mapaluwag pa ang mga kulungan. Sa isang malawak na proseso ng hustisya, napakahalaga ng pag-uusap sa pagitan ng mga bahagi nito. Para itong makina na tinutulungan ang isa’t isa, isang proseso ng pag-adjust, pagkuha, at pagbibigay.

Must Read

Supreme Court must ‘get real’ about prison conditions

Ito ang isa sa mga bagay na nakakaligtaang ng gobyerno ng Pilipinas para sa mga PDL, dahil walang sentral na programa ang gobyerno para tugunan ang proseso ng pagbalik sa lipunan ng mga bagong laya, naiiwang mag-isa ang mga PDL na nakipagsagupa sa napakalakas na stigma ng lipunan sa kanila. Ito ang isa sa pangunahing dahilan kung bakit ang ilan sa mga PDL na nakalaya ay bumabalik sa loob. Mahirap sa kahit sino ang lumabas sa nakasanayan, kung paanong nanibago ang isang tao na bagong pasok sa kulungan ay ganoon rin siyang maninibago kapag nakalaya na.

Maliban sa pagpapabilis sa proseso sa pagbibigay hustisya sa mga PDL, kinakailangan ring pangalagaan ang mga PDL sa pagbalik nila sa lipunan. Ang pinaka-madalas na pangarap ng mga bagong laya ay makakuha ng trabaho. Ito rin ang nagiging unang hamon sa kanila, dahil ito ang tinitingnan nilang pamantayan para matanggap sila ulit ng kanilang pamilya: ang makapagsustento sa kanilang mga pangangailangan. Sa Pilipinas, napakalakas ng stigma sa mga taong nakaranas ng pagkakakulong. Kaya mas limitado ang mga oportunidad na bumubungad sa mga bagong laya. Kaya sa huli, kapag hindi napupunan ng pinapasukan nilang trabaho ang pangangailangan ng kanilang pamilya, minsan ay nakakagawa sila ng mga bagay na ikakapahamak at magbabalik sa kanila sa kulungan.

Ang kinakailangan ng mga PDL ay ang pagtanggap mula sa komunidad, ang pagkakaroon ng programa para sa proseso ng kanilang pagbabalik sa lipunan, na makapagbibigay sa kanila ng mga oportunidad para itayo muli ang kanilang sarili. Hindi naman iba sa atin ang pagpapahalaga sa ating komunidad, pero ito na rin siguro ang isa sa mga nakakalimutan natin, na may mga miyembro ng ating komunidad na kinakailangan ng ating pagtanggap.

Ang dapat nating gawin ngayon ay pag-usapan ang mga isyu na kinakaharap ng mga Person’s Deprived of Liberty, makipag-usap tayo sa kanila, at alamin kung ano ang mga pupwede nating gawin para malabanan ang stigma na kakaharapin nila sa laya. Magsisimula ito sa pag-uusap, sa pagkaka-intindihan, at pagkaka-unawaan. Dahil palagi nagsisimula ang pagbabago sa negosasyon ng espasyo, kung ano ang mga pupwedeng gawin para maitama natin ang inhustisya ng ating panahon. – Rappler.com

Si Jehu Emmanuel Laniog ay isang humanitarian worker at kasalukuyang Monitoring, Evaluation, Accountability, and Learning Officer sa Humanitarian Legal Assistance Foundation, Inc. Siya ay manunulat, tagasalin, at mananaliksik. Mayroon siyang sertipiko sa Malikhaing Pagsulat sa Filipino at nagtapos ng BA Philippine Studies sa Unibersidad ng Pilipinas. Kasalukuyan siyang kumukuha ng MA Anthropology sa nabanggit na uniberisdad.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!