Community pantries

[OPINYON] Ang community pantry bilang sampal at rebelyon

Jose Mario Dolor de Vega

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Ang community pantry bilang sampal at rebelyon

Illustration by Guia Abogado

'Ito ay isang napakarebolusyonaryong hakbangin, sapagkat ipinapakita nito na, ang tao, ang bayan, lalo na ang mga nasa ibaba, ang tunay na pamahalaan!'

Nitong mga nakalipas na mga araw ay sunod-sunod ang pagsusulputan at pagtatayo ng mga community pantries sa iba’t-ibang bahagi ng ating bansa. Ito ay pinasimulan ni Bb. Non sa Maginhawa, lungsod ng Quezon, at ngayon nga ay parang mga kabuti na sunod-sunod at patuloy na naglalabasan.

Magandang idiin ang ilang mga bagay.

Hindi na bago o kakaiba ang ganitong mga akto at gawain para sa mga Pilipino. Natural sa atin ang pagiging matulungin at likas ang pagiging mapagkalinga sa kapwa.

Maghanap ka ng isang pamayanan o komunidad na nasusunugan at makikita mong bago pa man dumating ang mga bumbero ay tulong-tulong na ang mga tao upang apulain ang apoy.

Sa edad kong ito, wala akong nakita o nasaksihang libing na ang dumalo ay wala pang sampu. Marunong tayong makiramay at makidalamhati, kahit pa nga di natin personal na kakilala ang namayapa ay nakiki-luksa tayo, nakiki-kape, nagpupuyat, at nakikibahagi sa paglalamay.

Taal sa atin ang pakikisimpatya at pakikidalamhati sa mga namatayan at nawalan ng kabuhayan o mga ari-arian, lalo na ang mga biktima ng inhustisya at kawalang-katarungan!

Must Read

LIST: Community pantries where you can donate goods, basic necessities

LIST: Community pantries where you can donate goods, basic necessities

Noong nakaraang taon, isang guwardiya na gawa ng desperasyon at kapit sa patalim ay nang-hostage dahil sa di-makataong pamamalakad ng kanilang satanistang agency. Nag-viral ang taong ito at malaking bahagi ng ating mga mamamayan ang nagtanggol sa kanya at sumuporta sa kanyang abang kalalagayan. Wala man tayo aktuwal sa pangyayari, ngunit bumuhos ang suporta at pakikiisa sa taong yaon sa social media ng taong-bayan.

Gayundin sa panliligaw. Isinasama ng mangingirog ang kanyang mga kaibigan upang bumisita sa tahanan ng kanyang nililiyag.

Sa araw o bago pa man dumating ang kasalan ay abala na ang lahat. Hindi lamang ang partido ng lalaki o maging ng babae o ng lahat nilang mga angkan at mga kamag-anakan, kundi kabahagi’t kasama din ang buong pamayanan sa okasyong ito.

Maraming dumarating na may kung ano-anong bitbit, mula sa manok, baboy, ilang pirasong karne, gulay, prutas, bulaklak, at kung ano-ano pa.

May mga boluntaryong nagsisipagsibak ng kahoy, nagluluto, nag-uurong ng pinggan na tila ba walang katapusan, may mga naghahanda ng lugar ng kasalan, walang tigil na imisan at paglilinis, mga nagkakatay, nag-iinuman at umpukan, kasabay ng mga iba’t-ibang gawain.

Gayundin naman sa pangingibang-bansa ng isa nating kaanak. Iisa lamang ang aalis, ngunit isang barangay ang maghahatid. Kasama din sa mga iyon ang ating mga alagang hayop, sina bantay at muning.

Sa pagbabalik-bayan ay ganoon din, isa o iilan lamang ang darating upang siya ay kaunin ngunit ang susundo ay isang batalyon. Mula kay Lola, pininsan ng pininsan, kumpare, kaklase noong elementarya, kapitbahay, at iba pa.

Ganoon din sa muling pag-alis.

Likas sa mga Pilipino ang pagiging makatao, makakapwa, at sosyal. Hindi tayo gumagawa ng mga bagay sa buhay ng nag-iisa o iilan, palagi nating kasama at marapat na isinasaalang-alang ang pamilya, komunidad, at barangay.

Ang community pantries bilang bayanihan

Ang community pantries na mga ito ay walang dili iba kundi ang ating konsepto ng bayanihan, balikatan, at damayang-bayan. Nasa pinaka-DNA ito ng ating kultura.

Sa isang artikulo ay ipinagwika ko ang mga sumusunod:

Naniniwala ako at lubha kong pinanghahawakan na “ang kaluluwa ng bansa ay matatagpuan at mararamdaman ng bawat isa na batid at alam sa kaloob-looban niya na siya ay Pilipino, sa iba pang mga nagawa at napapahalagahan ng bayan — at ng buong mundo, tulad halimbawa ng ‘intangible’ na pamanang idineklara ng UNESCO, ang ‘Hudhud,’” at iba pa.

Ang kaluluwa ng bayan ay matatagpuan sa ating mga likas na kabutihang-loob at kultura na nagpapakita ng ating kolektibong pagkilos at pagdadamayan.

Ito ay maaapuhap, makikita’t matutunghayan sa ating balikatan, pagkakaisa, at bayanihan.

Must Read

Community pantry goes viral even in Mindanao

Community pantry goes viral even in Mindanao

Konkreto at perpektong halimbawa nito ang muli’t-muli nating pagpapakita ng lakas ng loob at pagtutulungan bilang isang tao at pamayanan sa tuwing ang bansang ito ay humarahap sa delubyo, sakuna, at mga unos, i.e. Super Bagyong Yolanda.

Naipakita natin sa buong mundo ang ating kagitingan at tayo’y pinuri ng buong daigdig sa ating ipinakitang tapang, katatagan, pagtutulungan, pagdadamayan, at pagkakaisa.

Naroon ang isa sa mga haligi ng kaluluwa ng ating bansa, alalaong baga’y ang pagkakaisang-loob, pagbibigkis, at pagdadamayang-bayan!!!!”

Ang muling pagsasabuhay ng bayanihan

Ang ating bayanihan at katatagan bilang mga tao ay napakagandang aspeto o haligi ng ating kultura’t kalinangan na nagpapatuloy magpasahanggang ngayon.

Gayompaman, ibig kong salungguhitan na kahit pa napakadalisay ng bagay na ito ay nagagamit ito sa pulitika at nabababoy ng mga hinayupak na mga trapo na wala namang pakialam sa mga tao.

Sawang-sawa na ako sa pagroromantisa ng kesyo “resiliency” daw ng mga Pilipino. Tuwing may bagyo, may delubyo, unos, at krisis ay makikita ang likas na kabutihang-loob ng mga tao upang tumulong sa ating mga kababayang biktima. Kaliwa’t-kanan ang mga donation drive, ang mga panawagan para sa mga ambagan, libreng pagseserbisyo, boluntarismo, at iba pang mga kahalintulad nito.

Mula sa mga karaniwang mga mamamayan hanggang sa mga organisasyon, kilusan, mga samahan, pribadong sektor, at iba pa ay nagbibigkis at tumutugon sa mga panawagang ito.

Ang tanong ay: nasaan ang gobyerno, na siya dapat na nangungunang humarap sa mga suliraning kinakaharap ng bayan?

Must Read

Maginhawa community pantry temporarily shut down amid red-tagging

Maginhawa community pantry temporarily shut down amid red-tagging

Ginagamit ang punyetang “resilency” na wala namang dili iba kundi ang ating bayanihan upang ipagsigawan na, “Kaya natin ‘to.”

Totoo naman, ngunit muli, nasaan ang pamahalaan na siyang dapat na manguna sa mga pagkilos at pagtugon na ito?

Ayon kay Bb. Anne Patricia Non sa kanyang panayam sa pahayagang Rappler:

“Pagod na akong magreklamo…. Pagod na ako sa inaction.”

Kaya naman, “Non put her faith in community action. The pantry’s simple working principle was from a popular slogan, ‘From each according to his ability, to each according to his needs,’ which Non’s sister aptly translated to Filipino, ‘Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan.’”  

Kung gayon, hindi maitatatwa na ang mga community pantries ay mariing sampal at rebelyon ng mga mamamayan kontra sa kapalpakan at kawalang-malasakit ng “gobyerno” daw.

Ayon kay Propesora Athena Charanne Presto, sosyolohista mula sa Unibersidad ng Pilipinas, ang mga community patries daw ay mga acts of resistance.

Pagpapatuloy pa niya:

“Community pantries can be seen as acts of resistance against three things: first, against a government that fails to adequately address citizens’ needs; second, against a biased and discriminatory view of the poor as selfish and greedy; and third, against aid initiatives from institutions that are difficult to trust.”

Lubha din akong sumasang-ayon sa ipinagwika ni Dr. Joel Malabanan na:

Ito’y sampal sa inutil
Sa kritiko’y nanggigigil;
Komunidad ang nagkusa
Dahil puno’y walang kusa!

Kung gayon, siyang tunay at hindi rin mapapasubalian na ang “phenomenon na ito ay isa ding muling pagsasabuhay at pag-rereapirma ng ating bayanihan. Dahil sa wala namang silbi ang umiiral na rehimen, ito ay bangag at nutnutang palpak ay nagpasya na ang mga tao, ang bayan, na sila-sila o tayo-tayo na lamang ang magkusa at magtulungan sapagkat wala tayong mahihita o maaasahan sa mga pulpol na mga pulitiko at sa warat na pamahalaan.”

Kung mayroon mang mabuting nagawa ang #Fentanylismo, ito ay ang kabatiran at muling pagtanto ng mga mamamayan na wala silang makakapitan, na walang tutulong sa kanila kundi sila din o tayo-tayo lamang. 

Must Read

‘Pagod na ako sa inaction’: How a community pantry rose to fill gaps in gov’t response

‘Pagod na ako sa inaction’: How a community pantry rose to fill gaps in gov’t response

Tayo ang sandalan at balikatan ng bawat isa!

Malaki din ang maitulong ni Mang Kanor at ng kanyang kampon ng kadiliman gawa nga ng kanilang kapalpakan at kawalang pagkalinga sa mga tao, lalo na ang mga pinakamahirap, salat, maliliit, at mga bulnerable nating mga mamamayan na wala tayong aasahan kundi ang atin din lamang hanay o uri.

Ito ay isang napakarebolusyonaryong hakbangin, sapagkat ipinapakita nito na, ang tao, ang bayan, lalo na ang mga nasa ibaba, ang tunay na pamahalaan!

Sumasang-ayon akong lubos sa ipinagwika ni Bb. Non na hindi niya lamang kredito ang titis na ito, sapagkat ang pinasimulan at, o ang tinulungan niyang muling buhaying kultura natin ng bayanihan at balikatan, ay pasya ng ating mga komunidad at pamayanan. Ito ay nagkakaisang pasya ng bayan sa kabuuan nito!

Nasusulat: walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. – Rappler.com

PhD student sa Philippine Studies si Jose Mario De Vega sa Asian Center ng University of the Philippines. Siya rin ay isang faculty member sa Social Science Department ng College of Education and Liberal Arts ng Adamson University.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!