Philippine politics

[OPINYON] Bilang isang development worker, wala akong dapat panigan

Marie Antoinette de Jesus
[OPINYON] Bilang isang development worker, wala akong dapat panigan

Graphic by Alejandro Edoria

'Kung bigyan namin ang isang kandidato ng mas maraming screen time, masasabing kami ay may kinikilingan'

Mayroong kahinaan sa pagiging neutral o walang pinapanigan. Bakit wala akong dapat kampihan? Bakit hindi ako pwedeng tumindig para sa nararapat? Sa aking kawalan ng aksyon, hindi ko ba hinahayaang magpatuloy ang isang mali o kaya’y hindi ko ba mas pinapalala ang sitwasyon? 

Para akong hinihila sa iba’t ibang direksyon. Dahil ako ay nakapagtrabaho na at nagtratrabaho pa rin  sa ilang internasyonal na organisasyon bilang isang development practitioner na espesyalista sa demokrasya at pamumuno, naging mahirap ang magpokus sa mga problema sa pamumuno habang  isinasaloob ko na lamang ang aking mga personal na paniniwala. Kaya ko ba talagang walang panigan habang nagrerekomenda ng reporma para sa mga institusyon at proseso ng gobyerno; habang  nagsusuri ng transparency at accountability; at habang tinutukoy ang mga mga insidente ng pangunguwalta at korupsyon? 

Pagdating sa neutralidad, ang mga bagay na ito ay ipanapakita lamang ang tensyon sa pagitan ng aking personal at propesyonal na sarili. Ang aking personal na sarili ay laging gustong magsalita kapag alam na may tunay na mali at masama. Ang aking propesyonal na sarili ay kailangang maging  mas maingat sa asal at kilos, dahil makakaapekto ito sa aking karera at organisasyon, na alam kong gumagawa ng makabuluhang bagay para sa bayan. 

Ang neutralidad ay isa sa mga madalas na nakasanayan na namin sa trabaho, at kasama na diyan ang pagpili ng aming mga partners. Ang mga nakakatrabaho naming partners ay may magandang halo ng mga indibidwal, grupo, opisina, at organisasyon sa gobyerno, lipunang pambayan, pribadong sektor, akademya, at pati na rin media. Ngunit palagi kaming mapanuri sa aming mga partner. Palagi kaming nagsasagawa ng aming due diligence. 

Kapag nakipag-partner kami sa isang indibidwal na malakas na kritiko ng gobyerno, maaaring makapagpabagal ito sa aming trabaho na kasama ang gobyerno, lalo na kung ang administrasyon ay  depensibo at mapaghiganti. Kapag nakipag-partner naman kami sa isang indibidwal na masugid na  tagapagtanggol ng gobyerno, maaari itong magdulot ng mga pagdududa sa aming mandato, lalo na kung ang administrasyon ay hindi naman kagalingan. Sa pagnilaynilay sa mga maaaring kahihinatnan, ang una kong nabanggit ay maaaring makapagpabagal sa aming trabaho, at maaari pa kaming pagbawalan na magtrabaho sa bansa. Ang pangalawa ay maaaring magdala ng maraming mga pag aalinlangan tungkol sa aming trabaho sa hinaharap. 

Sa pagpasya naming hindi makatrabaho ang mga malalakas na kritiko ng gobyerno, pinipili ba naming itago ang mabagal na pag-unlad, ang hindi pagkilos, o ang mga kabiguan ng isang administrasyon? Sa pagpasya naming hindi makatrabaho ang mga masugid na tagapagtanggol ng  gobyerno, pinipili ba naming hindi bigyang importansya ang mga mahahalaga at kapuripuri na  progreso ng administrasyon? 

Sa totoo lang, hindi ko talaga alam. Pero tuloy ang pagbabalanse.

Ang presyur nang dahil sa neutralidad at ang tensyon sa pagitan ng aking personal (ang pagiging prangka tungkol sa mga isyung panlipunan) at propesyonal (ang pagiging maingat) na sarili ay lalong lumalaki sa nalalapit na kampanya at eleksyon sa Pilipinas. 

Oo, kailangan kong itago ang aking mga napupusuang kandidato. Paniwalaan ninyo ako, wala akong mas gusto ngayon kundi mailabas sa publiko ang aking mga napiling kandidato. Pero, hindi ito isang opsyon para sa akin, dahil maaaring palaging hamunin ng mga kritiko ang aking mga pagkukusa, proyekto, at programa na aking ipinapatupad at pinamamahalaan. Maaari nilang pintasan ang aking trabaho at sabihin na naimpluwensyahan ito ng aking pulitika. At ito rin ay maaaring magresulta sa mga iba pang maling akala, hindi lamang tungkol sa akin, kundi tungkol sa aking kasalukuyang  organisasyon. 

Must Read

[OPINYON] Dapat bang maging neutral ang mga guro?

[OPINYON] Dapat bang maging neutral ang mga guro?

Hindi ba dapat ang ibang tao ay maging mas maingat din? Ngunit iyan ay ibang paksa na. 

Kahit hindi pa dumarating ang opisyal na pangangampanya at eleksyon, may nababasa at naririnig na  akong mga kritisismo na galing sa mga tagasuporta ng mga pulitiko. Kinailangan kong makipagsapalaran sa mga tagasuporta na may sama ng loob dahil sa tingin nila hindi namin nabigyan ng mas maraming atensyon ang kanilang mga kandidato. 

Mabigat pa rin ang presyur (dahil maraming sangkot na emosyon ang mga bagay na pulitikal, lalo na  habang kampanya at eleksyon). Pero sa sitwasyong ito, ang pagiging neutral ay mas klaro para sa akin. 

Sa mga taong nambabatikos at naninisi, at sa mga taong curious lamang, pakinggan ninyo ako. 

Una, kami ay isang internasyonal na organisasyon at kailangan wala kaming panigan. Magkakaroon ng malaking gulo sa labas at (lalo na sa) loob ng Pilipinas kung subukan naming baguhin ang opinyon ng publiko para o laban sa isang partikular na kandidato. 

Pangalawa, kung bigyan namin ang isang kandidato ng mas maraming “screen time,” masasabing kami ay may kinikilingan. Lilikha lamang ito ng isang cycle kung saan ang mga tagasuporta ay magtatanong, “…paano na ang aming kandidato?”

At huli, alam ko na maraming mga tagasuporta ay sensitibo kapag ang mga kandidato nila ang  pinaguusapan. Maaari silang magalit kung pakiramdam nila ang kanilang kandidato ay nasaktan, hindi napuri, o kahit isang simpleng bagay tulad ng hindi pagsabi ng kanilang pangalan. Pero sana  mas maraming mga tagasuporta ng mga pulitiko ang tumingin sa aming trabaho, hindi bilang isang  grupo o pagkilos na pulitikal, kundi mula sa perspektibo ng mga internasyonal na organisasyon at development practitioners. Kami ay dapat labas sa sitwasyon upang magkaroon ng objectivity, pero palagi pa ring gumagawa, nagpapalakas, at nagsusulong ng positibong pagbabago. 

Must Read

Doctor who praised Trump’s health says he wrote note in a rush

Ngunit kusa kong pinipili na may panigan sa mga importanteng isyu. Seryoso at kontra ako sa misinformation at disinformation, ang pagtanggi sa kasaysayan, ang kakulangan ng pagkapantay-pantay sa batas, ang diskriminasyon, at ang paglabag sa karapatang pantao. Pero ito ay napakalayo sa pagbigay sa mga kandidato ng isang plataporma para sa kanilang pulitikal na adyenda, mabuti man ito o masama.

Malinaw na ang aking pagiging neutral ay mas klaro, depende sa sitwasyon. Sa tingin ko, marami sa aking mga kaibigan at mga kasamahan sa development world ay sasang-ayon, na sa aming trabaho: hindi kami pwedeng humusga ng walang katunayan; hindi kami maaaring maging labis-labis dahil sa takot na malagay sa panganib ang aming trabaho, ang trabaho ng aming mga kasamahan, at ang  trabaho ng aming organisasyon (na maraming ginagawa at kailangan pang gawin sa bansa); at hindi namin maaaring maipaalam sa publiko ang aming mga desisyong pulitikal. 

Ganoon talaga siya. 

At ganiyan talaga siya dapat. – Rappler.com

Pagdating sa usapang pulitikal, inissip ni Marie Antoinette “Tonette” de Jesus na siya ay walang pinapanigan. Ngunit, malakas ang kanyang mga opinyon tungkol sa mga bagay na tama o mali. Samakatuwid, napakarami  niyang opinyon. Siya ay isang international development practitioner na dalubhasa sa pamumuno at pulitika, ugnayang pandaigdig, at ang ekonomiya.

Kung mayroon kayong mga komento sa artikulong ito, maaari mo siyang maabot sa  mapdejesus@gmail.com. I-follow din siya sa Twitter @tonettedejesus. Ang mga pananaw at opinyon na isinasaloob  sa artikulong ito ay pawang sa kanya lamang.