k-pop

[OPINYON] Kung paano naging K-poper ang hip-hoper

Benjo Gutierrez

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Kung paano naging K-poper ang hip-hoper

Illustration by Janina Malinis

'Habang lumalaki, bumaon sa’kin na basta hindi rap o rock, hindi panglalaki. Sasabihan kang bakla.'

Hayskul noong una akong makarinig ng K-pop. “Fire” ‘yon ng 2NE1 na suking-suking sayawin sa mga field demo. Catchy ang beat, ang areglo, pati na ng lyrics kahit puro E-e, e-e, e-e, 2NE1 lang ang alam ko na matic susundan ng You gotta ring the alarm. Ang totoo niyan, na-enjoy ko ang kanta kahit hindi ko naman talaga naiintidihan nang lubusan. Syempre, may language barrier-shit. Kung minumura nila ‘ko, kung hinihiya na, aba malay ko ba.

Pero isa ang sigurado ko — sa tuwing sinasayaw namin ‘yon sa practice ng field demo, tinatawanan ako ng mga katropa kong lalaki dahil hindi bagay sayawin ng lalaki ang K-pop. Pambabae ang K-pop, at kapag sumayaw, kumanta, o kahit ihuni mo lang ‘yon, pucha, bakla ka na. ‘Yon ang nasa isip nila. 

Kaya tinanggal ko na sa sistema ko ang pakikinig ng K-pop hindi dahil hindi ko talaga trip, kundi para deins mahusgahan. Alam ko rin kasing maraming tao ang katulad ng mga katropa ko no’n na hindi kasama ang pakikinig ng K-pop sa listahan ng dapat iasta ng isang lalaki. Kaya mula noon, nag-pokus na lang ako sa pakikinig ng hip-hop. Tutal ‘yun naman uso sa hood, tutal mas maraming nakikinig n’on, mas maraming magiging kaibigan; tutal, ‘yun ang mas tanggap sa lipunan. Ayaw ko ring maging tampulan ng tukso. Totoo nga niyan tol, kahit ako mismo nanunukso na rin noong hayskul kapag may katropa akong nakikinig ng K-pop. Ganoon ang naging depensa ko sa pag-atake sa’kin sa simpleng pag-e-enjoy mo lang ng mga bagay-bagay. Ganti? Siguro oo, kung babalikan ko ‘yon ngayon. 

Must Read

[Science Solitaire] No template for a male or female brain

[Science Solitaire] No template for a male or female brain

May dalawang depinisyon lang ng pagkalalaki noon sa ’min: basketball at hip-hop. Uso sa amin dati ang baseball cap (hanggang ngayon naman) at oversized shirts na may Tupac o Biggie o Snoop print. Ganoon ka-G — ganoon ka-gangster. Hindi sadyang lumubog sa akin ‘yon. Syempre, kung ano ang kinalakihan kong materyal na mundo, ‘yun ang aakalain kong totoo at puro. At sa panahong ‘yon, kung gusto mong irespeto sa kalye, dapat matigas ka. ‘Yan ang dahilan kung bakit puro rap ang maririnig mo sa bawat kanto ng Hagonoy dati bandang 2009 habang may mga nagba-bounce sa gedli sa kanta nila Mike Kosa at Repablikan. 

At habang lumalaki, bumaon sa ’kin na basta hindi rap o rock, hindi panglalaki. Sasabihan kang bakla. At hindi na naman bago kung anong tingin ng lipunan noon sa mga bakla. Nakikinig ka sa Sexbomb? Bakla ka. Mahilig ka sa pink? Bakla ka. Nakikinig ka ng K-pop? Bakla ka. Lahat ng kabaliktaran ng solid kamachuhan, paparatangang bading na parang kabawasan pa ‘yon sa pagkatao mo.

Kasagsagan ng ECQ last year, nagpakulong ako sa hip-hop. April noon, na-lay off ako sa trabaho. Nawala ako, tol. Madalas akong mag-rides noon para mag-isip-isip kaso limitado ang paglabas-labas. Ang problema, paano ko mailalabas ang negatibong mga bagay na nangyari sa ’kin? E ‘di hip-hop. Bakit hindi? Nae-enjoy ko naman ang musika, nawawala ako sa sarili kahit papaano. Sa tenga ko na yata tumira ang earphones ko — doon na nagkakape, naliligo, pati nagyoyosi. Sinimulan kong hukayin ang local scene. Binalikan ko ulit ang Kolateral. Iba ang amats ng kanta noon, tol. Habang hinuhukay mo ang mga kanta, hinuhukay ka rin. Papalahin ang mga paniniwala’t pulitika mo, sabay ilalapag ka sa materyal na mundo sa masining na paraan. Bata pa lang, rap na ang pinapakinggan ko: mula sa Urban Flow, Francis M, Legit Misfitz, hanggang kila LOONIE, Illustrado, Owfuck, Kartell’em, BNK, at Shanti.

Must Watch

Robredo thanks Duterte for ‘reassurance’ of full term

Robredo thanks Duterte for ‘reassurance’ of full term

Mula lokal, sinipat ko ang ugat ng hip-hop. Kung anu-ano ang pinanood ko’t binasa. Nagsimula sa New York noong minsang hindi pinapasok ang mga African-Americans sa isang club ng mga puti dahil sa porma at kulay nila. Produkto ng opresyon ang musikang hilig ko. Lalo kong niyakap. Hinalikan pa nga. Habang inuugat ko ang hip-hop, lalo kong naintindhan kung bakit trip na trip sa Hagonoy ang kultura. Ganito ang siste: dehado ka na nga sa buhay, magpapadarag ka pa ba? Lagi ko ‘yang dala sa bulsa saan man ako pumunta na pabaon ng hood. Palagi kang dapat na may patunayan, palaging may pasan sa balikat dahil hindi ka naman pinanganak na may kakambal na tag-iisang libo sa panubigan. Habang lumalaki ako, dilat kong nakikita na pera-pera lang ang buhay. C.R.E.A.M. ika nga, “Cash Rules Everything Around Me,” na isang kanta ng kolektibang Wu-Tang Clan. Ang grupong may siyam na miyembro. Konti na lang, basketball team na. 

Bandang September, nakatisod ako ng trabaho bilang mobile journalist. Lumipas ang mga araw, linggo, at buwan, na nakakapagkuwento ako. Fulfilling, mehn. Hataw ako sa trabaho. Noong una, nakakaganang pagsabayin ang rap bago pumasok sa trabaho. Pero habang tumatagal, pabigat na nang pabigat ang balita at syempre, pati trabaho. May mga hinihingi ang trabaho na kailangang ibigay. Kung minsan hihingin ang pinaka mo, madalas ang lahat mo, pero habang tumatagal, hinihingi ka na nito pati ang natitirang espasyo mo sa utak.  Dito tol, mapakla na ang halo ng hip-hop at trabaho. Kailangan ko yata ng ibang hinga. 

December noong nakaraang taon una kong narinig si IU. Pinakinig ng mga tropa kong lasing. Isang bokalista ng rock band at isang literary critic. Tulala na lang kami habang bukas ‘yung TV tapos humirit ‘yung isa, “Pre panoorin nga natin si IU.” Sa isip-isip ko, sino ba ‘yung IU na ‘yon? “Ay, sige. Tama, makinig tayo kay IU.” Hindi pa nga ako naniniwalang IU lang pangalan niya. Kasi langhiyang pangalan yan, dalawang letra na nga lang, pareho pang patinig. “BBIBBI” pinanood namin. Pucha, tulala ang dalawang loko. Titig na titig lang kay IU at sa yellow c-a-r-d niya. Pinanood ko ulit pagkauwi ko sa bahay. Kyut kasi. Hanggang napunta na ako sa Red Velvet at Twice, kung saan ako napatambay. 

Twice na 9-member group. Ano ‘yan Wu-Tang Clan? Na kyut at charming? Kung minsan kapag lunod na ako sa balita dati at gusto kong ma-zone out, tamang Twice ako. May nakausap akong psychologist sa trabaho, may magic daw ang musika — inaalis tayo sa sitwasyon natin ora mismo at sisipsipin tayo ng ritmo nang dahan-dahan hanggang hindi na natin maisip ang stress. Kaya kapag parang binubugbog ako ng balita, rekta ako sa source: sa “Cheer Up” ng Twice. Pinapatugtog pa ‘to sa mga army camps sa South Korea na soundtrip ng mga sundalo. Parang kasalanang idikit ang matikas na imahe ng pagiging sundalo sa kyut na Twice, e ‘no? Siguro dahil nakakalungkot naman talagang isipin na kahit kailan, puwede kang ibala kapag biglang nang-trip ang North Koreang bombahin kayo. Baka lang, baka, hinayaan na lang din muna nilang sumaya ang mga buhay nila kahit papaano. 

Napaisip din ako tuloy: sa pataas nang pataas na kaso ng COVID, sa punuang mga ospital, sa dami nang walang trabaho, mabagal na roll out ng bakuna, pagpatay ng mga naka-uniporme sa sibilyan, at mala-roletang quarantine classifications, ayos lang bang bigyan ng kasiyahan ang sarili? May parte sa akin na nakokonsensya. Insensistive para sa mga nahihirapan. Pero tanong ulit, tama bang pagkaitan ng konting saya ang sarili sa panonood, pakikinig, o kahit pagbabasa ng magpapasaya at magpapatakas sa akin kahit papaano sa ulol na pandemyang ‘to? Siguro hindi naman. O, ewan ko. Baka tama ako, baka mali rin naman. Basta ang alam ko, sarili lang ang makakapagsabi ng kailangan niya sa brutal na panahong ‘to.

Nakikinig at sumusubaybay pa rin ako sa hip-hop hanggang ngayon. Hindi ko ‘to sinasabi para i-redeem ang pagiging fanboy ko o ano man. Wala naman kasing nagsabing bawal pagsabayin pareho, ‘di ba? Kaya kung mababasa man ‘to ng kung sino man na ikinukulong pa rin sa pagiging bakla ang pakikinig sa K-pop hanggang ngayon, sige lang. Wala akong paki, mehn. Basta ako, binigyan ko ng pagkakataong sumaya ang buhay ko sa wasak na pandemyang ‘to sa pakikinig sa Twice. Sana kayo rin, tol, maging mabait kayo sa sarili’t isipan ninyo — lalo na ngayon. – Rappler.com

Tinatapos ni Benjo Gutierrez ang kaniyang post-grad digri sa Malikhaing pagsulat sa Unibersidad ng Santo Tomas. Dating mobile journo sa Singko, nakachamba sa Palanca, at full-time tambay ngayon.

Must Read

LIST: K-pop fans set up community pantries around the Philippines

LIST: K-pop fans set up community pantries around the Philippines

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!