human rights

[OPINYON] Sinisimulan ko ang umaga sa pananahi

Rae Rival

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Sinisimulan ko ang umaga sa pananahi
'Bilang organisador, kinikilala [ni Amanda Echanis] ang lakas ng kababaihang magbubukid na kumakaharap ng patong-patong na suliranin'

Sinisimulan ko ang umaga sa pananahi. Tila isang meditasyon ang ritmo ng pagdurugtong ng mga tela gamit ang karayom at sinulid. Payapa ang umaga sa bawat galaw ng karayom. Banayad ang mundo sa tuwing sisimulan ko nang ganito.

Ngunit ang pananahi ay may kaakibat na pagod. Kung hindi mo man mapapansin ang paglipas ng oras, mapapansin mo ang pagbigat ng mata, ang pananakit ng likod, ang panginginig ng kamay. Sa panahon ng ligalig, kumakapit ako sa pananahi upang makapagtapi ng mumunting sandali para sa sarili. Nakabubuo ako ng imahen na maaari kong hawakan sa panahong malayo’t hindi ko mahawakan ang kamay ng mga kasamang sinusupil.

May mga kababaihang mahal na mahal ko kahit hindi ko man nakikilala. Mga medic na nag-alay ng buhay upang makibaka laban sa pagsasamantala’t eksploytasyon ng kanilang lipunang ninuno at pangkat-etniko. May mga kababaihang magbubukid na sa unang araw ng aming pagkikita ay magaang na magaang na ang aking loob. Hinahangaan ko ang lakas nila, ang malambing na malambing na mga ngiti nila’t pag-aaruga sa mga kapwa magbubukid at bisitang tulad ko. Magugulat ka na lang na sa likod ng bawat biro ay ang panunutok ng baril, pagkakapiit nang walang warrant of arrest, at kung ano-anong uri ng harassment at panglabag sa karapatan. Kahanga-hanga ang tapang at pagpupursigi nila maipagpatuloy lamang ang pakikibaka para sa lupa at karapatan gayong dapat ibinibigay naman sa kanila ito ng gobyerno nang buong-buo.

Kaya lagi nating dapat suriin ang lipunan. Kumusta ba ang mayorya ng mamamayan sa ating bansa? Bakit naghihirap ang kalakhan ng magsasaka, mangingisda, manggagawa’t propesyunal? Saan napupunta ang mga katutubong pinalalayas sa kanilang lupang ninuno upang masimulan ang mga quarry at mining projects? Kinikilala ba natin ang karapatan nila kung ipipilit ang edukasyong hindi lapat sa kanilang kultura’t identidad?

Sinuri at sinusuri ito ng mga gaya ni Amanda Echanis, organisador ng mga kababaihang magbubukid sa Cagayan Valley. Bilang organisador, ipinaalam niya ang karapatan ng mga magsasaka. Nangunguna siya sa pagtatambol ng mga panawagan tulad ng P15,000 production subsidy at P10,000 cash assistance para sa mga magsasakang naghihirap at lalong pinahihirapan ng pandemya. Bilang organisador, kinikilala niya ang lakas ng kababaihang magbubukid na kumakaharap ng patong-patong na suliranin: mula pagsasaka, pagtuturo sa anak ngayong panahon ng distance learning, paghahanap ng dagdag na kita upang may pambayad utang, pag-aalaga sa anak at pagampan ng gawaing bahay. Ipinaalala niya ang karapatan ng magsasaka at ng bawat mamamayan na ma-organisa at magpa-organisa, ang lumahok sa mapayapang kilos-protesta, ang sumulat ng mga petisyong tutugon sa pangangailangan ng masa, at manawagan para sa pagbabasura ng mga polisiyang papatay sa lokal na produksyon at agrikultura. Higit sa lahat ang pagsulong sa tunay na reporma sa lupa sa pamamagitan. Nagagawa niya ito at higit pa sa tulong ng Amihan-Cagayan Valley.

Must Read

‘Don’t let Amanda Echanis be another baby River case’

‘Don’t let Amanda Echanis be another baby River case’

Kasabay ng pagsusuri ang pagtugon sa pangangailan ng mga magsasakang tinamaan ng kalamidad. Nitong nagdaang mga linggo, bilyon-bilyon ang lugi ng mga magsasaka dahil sa magkakasunod na bagyo. Sa Cagayan Valley, matatandaang binuksan nang sabay-sabay ang pitong gate ng Magat Dam upang magpakawala ng tubig. Tumaas ang tubig sa mga apektadong lugar, nalunod at nasawi ang mga bata’t matatanda. Isa si Isabelo Adviento sa mga nakasaki nito. Patuloy ang pag-post niya sa Facebook habang at pagkatapos ng trahedya. Walang humpay din siyang tumutugon sa mga pangangailangan ng mga magbubukid sa Cagayan Valley bilang Regional Coordinator ng Anakpawis at Tagapangulo ng Danggayan Dagiti Mannalo ti Cagayan Valley. Bilang ganti, pinasok ng 100 sundalo ang kanyang bahay at tinaniman ng ebidensyang mga baril at armas ang kanilang sala kung saan araw-araw naglalaro ang mga bata. Ganito rin ang ginawa sa bahay na tinutuluyan ni Amanda Echanis at ng kanyang bagong-silang na anak.

“Isang malaking kalokohan na habang nagpapasuso siya at nagrerekober mula sa panganganak ay may mga nakatabing baril at granada para pangdepensa sa sarili niya. Si Amanda ang pinakabagong biktima ng lumalaking bilang ng mga kababaihang magbubukid at organisador na kinulong sa ilalim ni Duterte. Kinakampanya namin ang agarang pagpapalaya kay Azucena Garubat, 57; Moreta Alegre, 73; Ma. Lindy Perocho, Imelda Sultan, Marivic Colito, Mylene Colito Javier, Armogena Caballero, Geraldine Pelobello, Margie Baylosis, Merlinda Abraham, Rea Casuyon, at Melissa Comiso,” pagbabahagi ni Cathy Estavillo, Secretary General ng Pambansang Pederasyon ng Kababaihang Magbubukid-Amihan.

Must Read

‘King red-tagger’ Duterte distracting public from ‘incompetence’ – Makabayan

‘King red-tagger’ Duterte distracting public from ‘incompetence’ – Makabayan

Minsan, magdurugo ang daliri ko kapag natutusok ng karayom. Panandaliang matitigil ang sayaw ng sinulid sa tela. Pero, sinliit lamang ng tusok ng karayom ang pagtatangkang patigilin ang pagtatagpi. Hindi naman matitigil ang pananahi ng kababaihan sa mumunting tusok, mapapatuloy at magpapatuloy siya sa paglikha. Bubuo kami ng isang lipunang mapayapa, isang lipunang wala nang abuso’t panunupil. Isang lipunang makamasa. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!