Philippine languages

[OPINYON] Hulagway

Romano Redublo

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Hulagway

Guia Abogado/Rappler

'Walang wikang puro. At hindi naman yata mainam na kung kalian nakatawid na tayo ng bagong milenyo ay saka pa natin gugustuhing maging puristiko.'

AMALGAM. Ang paghahalo-halo ng mga sangkap at elemento ay amalgamasyon. Kung iisipin nating mabuti, wala na yatang bagay sa ating paligid ngayon na hindi amalgamado: may fusion sa pagkain; may hybrid na mga sasakyan, gadget, at kahit hayop; napakaraming kombinasyon ng mga kulay; at sari-sari ang salitang mababasa, maririnig, at mababanggit sa iisang wika.

Ang wikang Filipino, halimbawa, kahit pa sabihing punong-puno ng mga pidgin at creole, ay hindi maitatangging patuloy ang pag-unlad. Kung lilimiin, aling wika ba ang hindi dumaan sa ganitong proseso? Kahit ang Ingles at ang iba pang wika sa daigdig ay hindi puro. Yumayabong ang wika dahil umuulad din ang kaisipan ng mga taong gumagamit nito. Subalit, bakit kaya may ilang mga lokal na salita, hindi naman hiniram mula sa ibang bansa, na hanggang ngayon ay hindi pa rin maunawaan ng karamihan, tulad na lamang ng salitang hulagway

Ayon sa UP Diksyonaryong Filipino, ang hulagway ay isang salitang Cebuano na ang kahulugan ay pagsasalarawan ng panukalang kaisipan o damdamin sa isang akda; larawang ikinintal, lalo na sa tula; at larawan bilang talinghaga. Samakatuwid, ang hulagway ay maaaring gawing panumbas sa salitang imahen o imahinasyon. Napakagandang salita. Hulagway – may kakaibang dating at may halong lambing sa pandinig. Subalit nakalulungkot isiping hanggang sa ngayon ay tila hindi pa rin pumapasok sa kamalayan ng karamihan sa atin, lalo na sa mga guro at manunulat na Pilipino, kaya naman hindi ito naituturo sa klase, hindi nagagamit sa panitikan, at lalong hindi ginagamit sa pang-araw-araw na usapan. 

Palasak na argumento ng ilang mga paham at eksperto sa wika rito sa ating bansa na ang pangunahing dahilan kung bakit napakahirap paunlarin ang Wikang Pambansa ay dahil sa naging kolonya tayo ng Espanya ng higit sa 300 taon, at bunga na rin ng rekolonisasyon ng bansang Amerika. Idagdag pa ang napakalawak na impluwensiya sa ating wika ng mga Tsino, Arabe, Malay, at ng mga Hapon. Hindi mapasusubalian ang katotohanang ito. Hindi ito maaaring kuwestiyunin. Kasabay ng mahabang paglalakbay ng ating kasaysayan ay ang ebolusyon ng ating wika.

Ang Baybayin, halimbawa, na binabasa nang papantig ay inalis ng mga Espanyol at pinalitan ng Alpabetong Romano. Napakalaking pagbabago ang idinulot nito sapagkat magkaibang-magkaiba ang sistema ng pagsulat at pagbasa ng dalawa. Nang magkaroon ng ABAKADA, sinikap gawing “puro” ang wika. Ninais “salain” ni Lope K. Santos ang mga salitang may impluwensiyang Espanyol (kaya nga naging “Kanseko” ang baybay ng “Canseco” ng panggitnang apelyido ni Lope K. Santos).

Nahirati tayong mga Pilipino sa Ingles nang gawin ng mga Amerikano ang mga pampublikong paaralan, sapagkat nakamodelo ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas sa Amerika, at natural lamang na Ingles ang pangunahing wikang ginamit. Ito ang maaaring sabihing pinakamatagumpay na metodo. Kahit pa sabihing pinilit alisin ng mga Hapon ang pagkiling at paggamit ng wikang Inles, at ng iba pang maka-Kanluraning kultura noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (dahil na rin sa East Asia Co- Prosperity Sphere), hindi ito naging sapat para tuluyang iwaksi ng mga Pilipino ang Ingles. Nauna na kasing naikintal ng mga Amerikano sa sistema ng edukasyon (na sila rin ang may likha) na isa sa basehan ng taas ng pinag-aralan ay ang kahusayan sa paggamit ng wikang Ingles. Terible!  

Isang propesor at maituturing na eksperto sa wikang Filipino, si Dr. Pamela Constantino, ang nagsabing, “Ang tao ang nagkokontrol sa wika, hindi maaaring ang wika ang magkontrol sa tao.”

Kung susuriing maigi ang pahayag na ito, napakapositibong imahen ang nais ipakita ng tinuran ni Dr. Constantino. Ang kolonyalismo at ang pagiging kolonya ng ibang bansa ay bahagi (lamang) ng kasaysayan ng Pilipinas. Lahat ng mga kulturang ating nakuha, kasama na ang mga salita at wika, ay maaari nating kunin. May kapangyarihan ang isang malayang bansa tulad ng Pilipinas na angkinin, at hindi basta hiramin (sapagkat hindi naman kailangan itong ibalik) ang mga salita. Ang mga kataga at salitang binago at binabago natin ang ispeling para maiangkop sa atin at maipasok sa ating bokabulkaryo ay sa atin na. Hindi natin ito kailangang ipagpaalam at ihingi ng permiso kaninoman. 

Ang mga guro, partikular na ang mga nagtuturo ng Wikang Filipino at ng Kasaysayan ang mga pusher of cultures ng bansang ito. Sa mga paaralan dapat magsimula ang pagbabago sa mga kamalayan ng mga mag-aaral. Ang mga salitang tulad ng hulagway, kalimbahin (pink), halandomon, pamarigo, at maraming pang ibang magagandang salita mula sa iba’t ibang wika sa Pilipinas ay makapapasok lamang sa isip ng kabataan kung ituturo at gagamitin sa paaralan. Kailangang mabatid ng mga mag-aaral na napakalawak ng bokabularyo at napakalalim ng balon ng mga salita ng Wikang Filipino.

Ang Wikang Filipino ay hindi ang wikang ginagamit sa NCR lamang. Hindi rin ito nakasentro lamang sa mga inangkin na wika mula sa iba pang mga wika sa daigdig tulad ng Ingles. Ang mga salita mula sa Cebuano, Ilokano, Waray, Hiligaynon, Kapampangan, Tagalog, Maranaw, Bicolano, at ibang umiiral na wika ay hindi lamang basta materyal sa talasalitaan at trivia question sa quiz bee – ito ay mga buhay na salitang nararapat gamitin sa pang-araw-araw na usapan. 

Sa pangungusap na, “Darling, namumuot ako sa imo, talaga…promise,” mababasa ang mga salita mula sa Bicolano, Tagalog, at inangking salitang Ingles. Hindi ba magandang pakinggan? Amalgamado, eh. Wikang buhay. Ipinapakita ng pangungusap na tulad ng lahat ng bagay sa paligid, totoong ang wika ay nagbago at patuloy na magbabago. Walang wikang puro. At hindi naman yata mainam na kung kalian nakatawid na tayo ng bagong milenyo ay saka pa natin gugustuhing maging puristiko. Kahit ang Wikang Pambansa ay amalgam ng iba’t iba pang wika, ang hulagway sa isip ay magiging malinaw basta gamitin ito nang tama. – Rappler.com

Si Romano B. Redublo ay isang guro sa senior high at kasalukuyang nagtuturo sa Marikina High School. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI