police brutality

[OPINYON] Isang silyong imbestigasyon sa protesta noong Mayo 25, 2022

Carl Gabriel Culvera

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Isang silyong imbestigasyon sa protesta noong Mayo 25, 2022
'Sana ay pinaigting ng kapulisan ang maximum tolerance. Tungkulin nila...na saluhin ang galit ng mga rallyista.'

Makalipas ang mahigit isang buwan, nagsagawa ang mga aktibista mula sa iba’t ibang sektor ng protesta sa Freedom Park ng CHR (Commission on Human Rights). Ito ay isinagawa dahil sa nangyaring dayaan noong bilangan ng mga boto. Kaduda-duda  naman talaga ang nangyaring halalan. Bagama’t walang sapat na pruweba ang mga nag-protesta sa kanilang paratang, hindi ibig sabihin nun ay hindi pa nila puwedeng gamitin ang kanilang karapatang magsagawa ng mapayapang protesta. Naging mapayapa ang protesta, ngunit naging marahas naman ang mga pulis nang sila ay buwagin. 

“Walang awang hinampas ng batuta at pinagpupukpok ng riot shield ang mga ordinaryong mamamayan na lumahok sa protesta para tuligsain ang nakaambang proklamasyon ng tambalang Marcos-Duterte sa kabila ng laganap na dayaan sa halalan,” ayon sa isang publication material ng KPL (Kabataan Party List). Dahil dito, lima na mula sa sector ng kabataan ang sugatan at ang isa sa kanila ay hindi makalakad dahil pinukpok ang paa. Sa karahasan ng mga pulis masasabi na hindi maximum tolerance ang kanilang  pinaigting. Hangga’t maaari, hindi dapat sila gumagamit ng dahas para manatiling mapayapa ang isang pagpo-protesta. 

Kung mangyayari man at hindi maiiwasan ang paggamit nito, tungkulin nila ang magbigay ng pruweba para masabi na may dahilan sila na dapat mahantong ang pagpoprotesta sa karahasan. Ayon sa NCRPO (National Capital Region Police Office),  nagbalak ang mga rallyista na pumunta sa Batasang Pambansa para doon ipagpatuloy ang kanilang protesta. Ito ay ikinabahala ng mga pulis dahil ang mga mambabatas ay nanungkulan bilang NBC (National Board of Canvassers) pagdating sa pagbilang ng mga boto. Ikinabahala din nila ang pagsipa at pagkalampag ng mga nagpo-protesta sa mga riot shield. Dahil dito, napilitan ang mga bumbero na magpakawala ng rumaragasang tubig mula sa kanilang fire truck. Sa konteksto ng maximum tolerance, hindi gumawa ng  paraan ang mga pulis para harangan ang mga nagpo-protesta sa mapayapang paraan. 

From Our Archives

Groups call for policy reforms to end police brutality

Groups call for policy reforms to end police brutality

Dahil sa kanilang karahasan, kinailangan ng mga rallyistang nasugatan ng kaagarang tulong medikal. Ayon naman sa kapulisan, sila daw ay hindi gumanti sa mga rallyista. Kaya daw nasugatan ang mga rallyista kasi dahil sa tulis ng gilid ng mga sirang riot shield na ipinangharang sa kanila. Sa ganitong naratibo, mahirap paniwalaan ang depensa ng mga pulis. Kung may tulis sa gilid ng mga riot shield nila dahil may sira ang mga ito, dapat hindi na nila ginamit ang mga ito pangharang, nang sa gayon ay hindi sila makasakit ng mga nagpo-protesta kahit hindi nila sinasadya. 

Maliban dito, ang isa pa sa kanilang kakulangan ay tungkol sa kanilang tungkulin na iwasan ang biglaang pagbuwag ng protesta. Nakasaad sa Section 11(a) at (b) ng B.P.  Blg. 880 (Batas Pambansa Bilang 880) na tungkulin muna nilang magbigay ng babala sa mga nagpo-protesta na bubuwagin nila ang protesta kung may karahasan mang nangyari. 

Naging partikular ang batas sa kung anong klaseng karahasan ang dapat mangyari para magkaroon ng dahilan para buwagin ng mga pulis ang protesta. Ang karahasan lang na kinikilala nito ay ang pangyayari na kung saan nambabato na ang mga rallyista ng kung anu-anong mga matitigas na bagay para manakit. Hindi binanggit dito ang paglipat ng protesta palabas ng Freedom Park o sa lugar kung saan hindi ito sakop ng permit. Tahimik din ang batas pagdating sa kung dapat bang magbigay ng babala ang mga pulis sa ganitong pangyayari, pero hindi ito ang tamang dahilan upang daanin ng mga pulis sa dahas ang pagpigil nilang abantehin ang protesta papunta sa Batasang Pambansa. Kailangan pa rin nilang obserbahan ang maximum tolerance. 

Kung titignan ang isa pang legal na konteksto ng masalimuot na pangyayari, na puwede ring gamitin sa mga nakaraan protesta na kung saan gumamit ng dahas ang mga pulis, makakatakas pa rin sila sa kanilang pananagutan – mapa-administratibo man, mapa-kriminal, o mapa-sibil. Bagamat malabong mapatunayan ng mga pulis na obserbado nila ang maximum tolerance noong Mayo, maaari din nilang gamitin ang immunity from suit. Ito ay isang pribilheyo ng gobyerno at ng mga ahensiya nito na kung  saan hindi ito maaaring kasuhan kapag ito ay hindi nagbigay ng pahintulot. Nakasaan ito mismo sa Artikulo XVI, Section 3 ng Saligang Batas. Hindi tatakbo ang kasong ipinataw sa kanila kung mapapatunayan nilang hindi sila lumagpas o nagkulang sa kanilang tungkulin. 

Must Read

How misbehaving policemen are punished with administrative cases

How misbehaving policemen are punished with administrative cases

Pagdating sa Saligang Batas, kinikilala nito ang ilan sa mga karapatang pantao katulad ng kalayaang magpahayag at mapayapang magtipon-tipon. Kasama na rito ang karapatang magreklamo laban sa gobyerno, ngunit may paniniwala ang mga panlipunang  sibil – na pinaniniwalaan din ng gobyerno – na hindi dapat maging ganap (o absolute) ang mga ito. Kailangan pa rin itong regulahin nang sa gayon ay ang paggamit nito ay hindi nakakasagabal sa iba. (Ito ay binanggit sa mga kaso ng Ignacio and Dela Cruz vs.  Ela at Primicias vs. Fugoso). 

Hindi maikakaila na kahit papaano ay istorbo pa rin para sa iba ang pampublikong protesta. Para maging epektibo ang kanilang pagprotesta, kakailanganin nilang isagawa ang kanilang panawagan sa gitna ng daan. Ganito naman talaga isagawa ang  pampublikong protesta. Kung kakailanganin nilang pumuwesto sa gitna ng daanan para maipakita nila kung gaano sila ka-seryoso sa kanilang protesta, gagawin nila iyon. Dahil dito, maaaring bumigat ang daloy ng trapiko. Maaapektuhan ang pang-araw-araw na buhay ng iilan, lalung-lalo na ang mga dumadaan sa kung saan ginaganap ang protesta. 

Minsan pa nga ay nawawalan ng klase ang mga mag-aaral kung lumalala at nagiging malawakan ito. Dahil dito, maaaring makialam ang mga pulis – at may tungkulin silang gawin ito – upang hindi makasagabal ang mga nagpo-protesta sa mga pang-araw-araw na gawain ng mga hindi kasali. Sa ganitong tungkulin, hindi maaaring kasuhan ang mga pulis; dahil bilang ahensiya ng gobyerno, bagamat ang karapatang pantao ay nanggagaling mismo (o inherent) sa bawat indibidwal – at ipinahiwatig ito sa pambungad ng Universal Declaration of Human Rights – lilitaw lamang ito kung kikilalanin ito at  poprotektahan ng kapulisan. Gayunpaman, hindi ibig sabihin na nasa mga palad nila ang karapatan ng mga rallyista na puwede nilang paglaruan. 

Must Read

[OPINION] Defunding the PNP

[OPINION] Defunding the PNP

Puwedeng makialam ang korte kung mapapatunayan na ang pulis ay malalang inabuso ang kanilang kapangyarihan, o tinatawag na grave abuse of discretion, at ito ay binanggit sa Artikulo VIII, Section 1 ng Saligang Batas. Ang gobyerno ay isang entidad na may mala-diyos na kapangyarihan. Kaya hindi naiiwasan ang anumang abusong puwedeng gawin ng mga tauhan nito. Sapat na pruweba ang kasaysayan ng katiwalian at abuso nito. Maliban dito, kaya nitong pumatay ng sinuman; at may kakayanan din itong  makatakas sa anumang pananagutan. Ito ang dahilan kung bakit inilikha ang karapatang pantao, na nagbibigay ng kapangyarihan sa bawat indibidwal para mabigyan ng hangganan ang kapangyarihan ng gobyerno. Sa nangyaring protesta noong Mayo, nais lang ng mga rallyista na maging transparent pagdating sa bilangan ng boto. Ang  pagmartsa nila sa Batasang Pambansa ay isang pahiwatig na seryoso sila sa kanilang panawagan, at malaking bagay sa kanila ang resulta ng botohan. 

Hindi maikakaila na ito ay sakop ng kanilang karapatan. Bilang pagkilala nito, sana ay pinaigting ng kapulisan ang maximum tolerance. Tungkulin nila, bilang isa sa mga ahente ng entidad na may mala-diyos na kapangyarihan, na saluhin ang galit ng mga rallyista. Kung tutuusin, nag-ensayo sila sa matagal na panahon at sinanay nila ang  kanilang sarili kung paano nila gagawin ito sa mapayapang paraan – nang walang masasaktan. Sa ganito, kahit papaano ay hindi nasasayang ang buwis ng karamihan sa  mga mamamayan. Binanggit ng Korte Suprema sa kaso ng Sanders and Moreau Jr. vs. Veridiano II na hindi puwedeng kasuhan ang gobyerno bilang entidad na gumagawa ng batas dahil dito nanggagaling at nakadepende ang karapatan ng bawat mamamayan; pero hindi sakop dito ang karapatang pantao, at hindi dapat, dahil hindi ito isang biyaya na binibigay mula sa mala-diyos na kapangyarihan nito. 

Katulad ng nabanggit, ito ay isang kapangyarihan na nanggagaling sa bawat indibidwal upang maging panangga sa anumang abuso na puwedeng gawin ng gobyerno. – Rappler.com

Si Carl Gabriel C. Culvera ay kasalukuyang nag-aaral sa UE-COL (University of the East-College of Law) habang nagtatrabaho sa isang law firm. Maliban dito, siya’y kasalukuyang volunteer-member ng KPL (Kabataan Party List) National at kasalukuyan ding nagsusulat para sa UE-LJ (University of the East-Law Journal).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!