press freedom

[OPINYON] Diyornalismo o ang buhay ko?

John Lorenz Santos

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Diyornalismo o ang buhay ko?
'Kahit sino namang mamamahayag ang iyong tanungin ay mahihirapan sila na tanggapin na ang kapalit ng pangarap at sinumpaang tungkulin ay pagkakalatay'

“Journalist.”

Iyan ang propesyong nakikita ng mga kaibigan at guro ko sa akin sa hinaharap. Masyado raw kasi akong “vocal” na tao; kapag may gusto akong sabihin sa kahit na sino ay hindi ako matatakot o mag-aatubiling magsalita. Hindi naman ako bungangero o “warfreak” – nakasanayan ko nalang din sigurong pumuna ng mali at hindi makatarungang gawain ng ibang tao.

Noong nasa elementarya pa lang ako, kinakitaan na raw ako ng aking magulang at guro sa Ingles ng galing sa pagsulat, nariyan pang isasali ako sa mga patimpalak o “presscons” mapaloob o labas ng paaralan.

“Congratulations, ang galing mo!” kapag umuwing panalo, “may susunod pa, ‘nak,” kapag hindi sinwerte’t natalo. “Ang nananalo ay hindi umaayaw, at ang umaayaw ay hindi nananalo,” ika nga nila. Wala raw dapat susuko, laban lang!

Lumipas ang panahon at patuloy akong naengganyo at nahasa sa pagsusulat hanggang sa tumungtong ako ng high school. Hindi lamang ako sumasali sa mga kumpetisyon; nabigyan na rin ako ng chance na mapabilang sa masusuwerteng manunulat na nakakapaglathala ng sarili nilang akda sa pahayagan ng aming paaralan. (Share ko lang din: ang aking pangalang “MULAT” sa dyaryo ay isang abbreviation na ang ibig sabihin ay “Maging ulira’y linang ang taglay.” Ang effort ‘di ba? Proud kasi ako riyan!)

Namatay ang magulang ko bago ako makapasok sa junior high school. Pero kahit na maagang kinuha ng Diyos ang magulang ko, hindi ko ni minsan pinabayaan o sumagi sa aking isipan na limutin ang nasimulan at iniwan nila sa akin.

Naging parte na ng aking buhay ang pagsusulat sa pahayagan. Kaya’t saang kurso pa ba ako dadalhin ng hilig ko? E di sa Diyornalismo!

E ang tanong ko sa sarili, diyornalismo o ang buhay ko?

Nito lang nakararaan, nagulat ako sa aking mga nababasa tungkol sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga pinapatay na mamamahayag ‘di lang sa ating bansa, kundi sa buong mundo. Umabot na nga sa bilang na 21 sa pagitan ng buwan ng Enero at Hunyo ang naganap na protesta kung saan may mga mamamahayag na inaresto, inatake, at pinatay, ayon sa ulat ng UNESCO.

Hindi naman na ako nagulat o nagtaka sa usapin ng pagpatay, tutal e laganap naman na ito sa ating bansa lalo pa noong panahon ng giyera kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte. Marami sa sinususpetyahang gumagamit at nagtutulak ng ilegal na droga ang namatay. Ngunit ang nakapagtataka lang ay bakit isa ang mga mamamahayag sa namamatay gayong hindi naman sila kriminal o adik?

Naalala ko pa ang balita na minsang napabilang ang Pilipinas sa pinaka delikadong lugar sa mundo para sa mga mamamahayag, pangalawa sa listahan noong taong 2008 at panglima naman noong nakaraang taon ayon, sa datos ng Presidential Communications Operations Office Undersecretary na si Joel Sy Egco.

Mabilis ding kumalat ang balita noon patungkol sa isang mamamahayag na walang awang pinatay, si Larry Que. Siya ang unang mamamahayag na pinatay sa ilalim ng kasalukuyang administrasiyon. Isa raw sa mga tinitingnang rason sa pagpatay sa kaniya ay ang pagsusulat niya sa weekly column kung saan niya binabatikos ang mabagal na pag-aksiyon ng pinuno sa kanilang lugar sa pagkalat ng droga.

Totoo nga na 50/50 ang buhay o nasa isang bangin ang paa ng isang mamamahayag sa panahong ito. Kapag lumabas ka ng bahay upang gawin ang iyong trabaho ay hindi ka sigurado kung makababalik ka pa nang buhay sa mga mahal mo sa buhay.

Nalulungkot akong isipin na sa pipiliin kong kurso, ang pagsasabi ngayon ng katotohanan ay walang pinagkaiba sa pagsasabi ng kasinungalingan at pagtaliwas sa kanilang kapangyarihan.

Must Read

[OPINION] Thoughts on press freedom, from an ABS-CBN employee

[OPINION] Thoughts on press freedom, from an ABS-CBN employee

Ngayon, patuloy ko pa ring tinatanong ang aking sarili: diyornalismo o ang buhay ko? Kahit pa lumaki ako sa ganitong gawain, nahihirapan akong tanggapin na ito ang magiging setup ng buhay ko. Kahit sino namang mamamahayag ang iyong tanungin ay mahihirapan sila na tanggapin na ang kapalit ng pangarap at sinumpaang tungkulin ay pagkakalatay.

Hindi na magiging kataka-taka na bababa ang bilang ng mga nais kumuha ng ganitong klase ng kurso. Malaki ang magiging epekto nito sa kanilang pagdedesisyon kung uunahin ba nila ang kanilang inaasam na pangarap o ang sariling buhay at ng pamilya. Maging ako, ngayon ay nalilito pa rin ako sa kung anong ikukunsidera ko: diyornalismo o ang buhay ko?

Maging patas nawa ang mga nasa puwesto at gamitin ang kanilang kapangyarihan sa tama. Huwag na sanang madagdagan pa ang kaso o maulit ang mga ganitong klase ng pangyayari. Wala sanang personalan, trabaho lang. Aayusin ko ang aking trabaho, aayusin mo ang sa iyo, kaliwaan at sukliang tapat lang ito.

Kay sarap sanang isipin na may malayang pagbabalita sa isang bansa, ‘yong walang takot na magsiwalat ng katotohanan, ‘yong nakakasuhan agad ang mga may sala. Karapatang pantao pa man din ang katotohanan, sana pati ang balitang totoo sa ating bansa ay huwag lumisan. Sana ay maging malaya na ang pagbabalita nang ang mga Pilipino ay hindi nadadaya.

Tunay na sakit ng bayan ang mga salot na pumapatay sa mga inosenteng mamamayan sa lipunan. Nakababahala kung tayo ay patuloy na mabubuhay sa takot at walang may balak umaksiyon. Kung sabay-sabay tayo na tutunganga ay sabay-sabay rin tayong walang mapapala. Ang boses natin ay may kakayahang makaimpluwensiya ng pananaw ng iba pang tao. Sa huli, ang lahat ng ito ay para rin sa ating mga dati nang inalila ng may mga kapangyarihan. Ang lahat ng ito ay para sa bansang Pilipinas. – Rappler.com

Si John Lorenz Santos, 17, ay naging parte ng pahayagang “Ang Bunsamat.” Siya’y isang manunulat mula pa noong pagkabata, na ang nais ay maimulat ang mga kapuwa niya kabataan gamit ang kaniyang mga akda. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!