[OPINYON] Magtiwala tayo sa mga titser natin

Noong ika-5 ng Hulyo, 2021, inihain ni Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara sa Kamara ang Senate Bill No. 2312 o ang “Teacher Education for Achievers (TEACH) Act of 2021.” Maganda ang mga pangunahing adhikain ng bill na ito. Nilalayon nito na magkaroon ng mas maraming mahuhusay na mga titser sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga scholarship at incentives sa mga nais maging guro.

Heto ang isang sipi mula sa explanatory note ng senador ukol sa layunin ng TEACH Act of 2021:

To address the learning crisis and respond to the call of examining the effectiveness of teacher certification system as well as the quality of graduate education for teachers, this bill seeks to establish the Teacher Education for Achievers (TEACH) program by providing incentives to scholars in order to attract the brightest candidates to get their training from the best tertiary education institutions in the country. Incentives include full tuition and other fees, living expenses, book allowance, relocation allowance, medical insurance, and licensure review support, among others.

Umaasa si Angara na ang bill na ito ay magsisilbing daan upang magkaroon ng mahuhusay at kwalipikadong mga guro sa bansa na magpapabuti sa learning outcomes ng mga Pilipinong mag-aaral.

Mabuti man ang adhikain ng bill na ito, ngunit may problema sa ethos nito. Mayroong implicit subtext na ang mga titser ang dahilan kaya pangit ang kalagayan ng edukasyon dito sa Pilipinas. Oo, sinabi ni Angara na ang mga resulta ng mga internasyonal na mga assessment tungkol sa estado ng edukasyon sa bansa, tulad ng Program for International Student Assessment o PISA, ay dulot ng maraming mga dahilan. 

“The results could be attributed to several factors including individual and household factors; school inputs such as curriculum, learning environment and community support; and more importantly, the quality of teachers and the competence to teach our learners,” sabi ng senador. 

Maliban pa rito, may mga dalubhasa o eksperto sa sektor ng edukasyon dito sa Pilipinas na nagsasabing hindi magandang gawing pamantayan ang PISA. Hindi ito dinisenyo with the Pinoy context in mind. Malinaw na iba ang mga kulturang sinasalamin ng PISA kaya hindi napaghusayan ng mga batang sumailalim sa ebalwasyon na ito. Sa katunayan, hindi talaga puwedeng gawing basehan ito. 

Heto ang pahayag ng isang eksperto sa sikolohiya at sosyolohiya na nagsisilbing instruktor sa De La Salle-College of St. Benilde ukol sa mga internasyonal na assessment:

“Ang dali naman magsabi na ‘lagging behind’ ang mga Filipino student sa mga international education reports. Pero do we study the questions included in the tests? Katulad ng PISA performance [natin], kulelat daw ang mga Pinoy student e when our professor [in graduate school] showed us the sample questions, may cultural difference sa mga klase ng tanong. Filipino students have NOT been exposed to the situations and certain terms used in PISA.”

Oo, hindi puwedeng ikaila na hindi naman ten-out-of-ten ang educational system sa atin talaga, pero hindi naipakikita ng PISA ang tunay na husay at galing ng mga mag-aaral natin. Walang one-is-to-one correspondence. 

Marahil mas maganda pa kung ang sariling mga pamantayan natin ang siyang gamitin para ma-measure natin kung saan mahusay at mahina ang mga bata natin; tutal, marami naman tayong mga eksperto at mananaliksik na kwalipikadong gumawa ng mga pag-aaral tungkol rito. Si Angara na rin naman ang nagsabi: marami pang mga rason kung bakit hindi mahuhusay ang mga estudyante natin, at iyon ang dapat pagtuunan ng pamahalaan natin.

Tama pa rin ba na pagtuunan ng pansin ang mga guro? Hayaan niyong magpaliwanag pa ako gamit ng sarili kong karanasan.

Isa ako sa mga pinalad na magtapos ng aking Batsilyer ng Edukasyong Pansekondarya, dalubhasa sa Ingles sa isang pangunahing pamantasan sa kahabaan ng España Boulevard kaya I know whereof I speak. Regardless of where you study, kailangang igapang ang apat na taon upang tapusin ang digring ito. Pagkatapos, kailangang magrebyu at ipasa ang Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT) para maging ganap at ligal na titser. Importante ito lalong lalo na sa pagtuturo sa basic education units ng mga paaralan (elementarya man o hayskul) maliban sa pagtuturo sa kolehiyo kung saan mas mahalaga ang mga digring masterado at/o doktorado; bonus na lang kung lisensyadong titser ka roon.

Hindi rito natatapos ang lahat. 

Maliban sa pagtuturo ng full-time (o part-time, whichever applies), kailangang maging bahagi sa iba-ibang mga komite para sa mga pagdiriwang sa paaralan. Kasabay nito ang pagiging club moderator o coach sa iba-ibang patimpalak na sinasalihan ng mga bata. Wala pa rito ang thankless at tireless duties ng pagiging isang gurong tagapayo. Hinihikayat pa nga na sumulat ng mga saliksik para sa kabutihin ng institusyong kinabibilangan. Kailangan ring mag-aral para magkaroon ng digring masterado o doktorado upang mas lalong mapabuti at humusay sa pagtuturo sa mga estudyante at sa pananaliksik sa larangang kinabibilangan ng titser, sa Agham man o sa mga Malalayang Sining. Hindi pa nabibilang rito ang taon-taong in-service training na dinadaluhan ng bawat guro bago magsimula ang pasukan.

Ito ang mga rason kung bakit hinding-hindi ako naniniwala na ang anomalya sa equation ay ang mga (ulirang) guro ng Pilipinas. Likas na sa propesyong ito ang paghahasa at pagtatasa ng kahusayan kagaya na lamang ng iba-ibang mga kursong hindi basta-basta tulad ng Kimika, Medisina, o Abogasya. 

Mas mababa pa nga ang mga kahingian natin sa paghalal ng alkalde, gobernador, senador, bise presidente, at presidente (think: “able to read and write” sa sariling saligang batas natin). May punto ang isang pahayag ni Miriam Defensor Santiago sa kanyang talumpati sa Centro Escolar University nine years ago — dapat naman talaga magkaroon ng digring batsilyer (at the very least) ang sinumang nagnanais na manungkulan sa anumang ahensya ng gobyerno. Kung strikto ang ating mga pamantayan sa mga nabanggit na propesyon dito, dapat sinasalamin rin ng liderato ng ating bansa ang kastriktuhan na ito, hindi ba?

Natatandaan ko ang isang ulat ng isang major news outfit. Ang balita: titser na ginamit ang sariling sahod upang ipa-renovate ang klasrum niya. Siya rin ang nagsilbing karpintero at interior designer nito. Isa siyang special education teacher. Naturally, umani ng puri ang ulat na ito. Mapapansin na puro “like” o “love” ang reactions ng mga netizen para rito. Pero naiba ang tugon ko. Heto ang sipi mula sa naging komento ko sa ulat na ito na umani lamang ng benteng reactions:

“I don't know if I should praise this or not. At the outset, this teacher didn't have to be responsible for renovating this classroom; instead of focusing on his teaching, he had to revamp an entire classroom to make it more conducive for learning [for face-to-face classes after the pandemic]. What is the use of collecting our taxes if we don't see where they go? On TV, our lawmakers and executives claim that education is a priority for them. Reality doesn't seem to agree; they just want to keep people poor and uneducated to elect and keep greedy people in positions of power.”

Simple lamang ang nais kong sabihin: magtiwala tayo sa mga titser natin; tulungan natin sila. Hindi sapat na pahalagahan natin lamang sila. Ang i-romanticize o i-glorify ang sukdulang pagpapahirap sa kanila sa ilalim ng sistemang bulok at korap ay pagpapatuloy na siklong kailangang wakasin. 

Bigyan natin sila ng sapat na tulong at suporta. Bigyan natin sila ng respeto at dignidad na naayon para sa kanila; tutal, lahat naman ng propesyon, trabaho, at bokasyon ay nagmumula sa masisipag at mahuhusay na mga guro natin. It’s the least we can do.

Wika nga ni Senador Richard “Dick” Gordon sa isang panayam niya with a major news outfit noong 2016: “Teachers mold our youth.… They form the values, or if you will, the visionaries of the future. They form the citizens of the future. You can’t have them selling tocino [for their] sideline, ‘di ba?” – Rappler.com

Si Hezekiah Louie Zaraspe ay nagtuturo ng wika at panitikan sa Kolehiyo ng Miriam Nuvali. Kasalukuyang tinatapos niya ang kanyang Master ng mga Sining sa Malikhaing Pagsulat sa UST Paaralang Gradwado. Isa siyang kuwentista, makata, at mananaysay na mahilig sa aso, pusa, anime, manga, K-drama, at carbonara.

Voices is Rappler's home for opinions from readers of all backgrounds, persuasions, and ages; analyses from advocacy leaders and subject matter experts; and reflections and editorials from Rappler staff. 

You may submit pieces for review to opinion@rappler.com.