[OPINYON] Nas Daily, Whang-Od, at ang orientalismong pagtingin sa kulturang Pinoy

Usap-usapan ngayon sa cyberspace ng social media ang di-umanong pagtrato ni Nuseir Yassin, isang vlogger na sumikat dahil sa kanyang Facebook page na Nas Daily, kay Whang-Od, ang kilalang mambabatok mula sa Kalinga na ginawaran ng Dangal ng Haraya sa larangan ng Intangible Cultural Heritage. 

Ayon sa mga pahayag ni Grace Palicas, apo sa pamangkin ni Whang-Od, isang “scam” raw ang pagsama sa tradisyunal na pagta-tattoo, kung saan nakilala ang Gawad sa Manlilikha ng Bayan-nominated na mambabatok, sa Nas Academy, ang educational arm ni Yassin at iba pa niyang mga kasamahang vlogger at influencer. 

“I know you have good intentions of sharing our culture to the next generation. However[,] our village’s [sic] concern is that some people are profiting and exploiting [sic] our art and culture,” dagdag ni Palicas sa sumunod niyang pahayag.

Nang kunin ko ang Panitikang Pilipinas sa Ingles sa UST Paaralang Gradwado bilang isa sa tatlong klase ko noong ikalawang semestre ng Taong-Akademiko 2017-2018, nagkaroon ako ng pagkakataon na mas maging bihasa sa teoryang pampanitikan sa pamamagitan ng mabusising pagbasa at pagsulat ukol sa nobela ni Alfred Yuson — The Music Child and the Mahjong Queen (2016). Taong 2017 nagwagi ang nobela sa ika-36 National Book Awards bilang Best Novel in English.

At kahit may kaunting karanasan ako sa teoryang pampanitikan noong nasa kolehiyo ako, hindi naging madali para sa akin ang pag-aaral ng nobelang ito. Bago pa ako magsimula ay alam kong kailangan ko pang mag-aral ukol sa post-kolonyalismo. Sa aking pag-aaral, natukoy ko sa Norton Anthology of Theory and Criticism, ang biblia ng mga dalubhasa (at nagpapakadalubhasa) sa Panitikan at Malikhaing Pagsulat tulad ko, na angkop ang teorya o konseptong post-kolonyal ni Edward Said, ang orientalismo, para sa pag-unawa ko sa nobela ni Yuson. 

Ayon kay Said, tumutukoy ang orientalismo sa isang uri ng pagtingin sa Asya at sa Gitnang Silangan kung saan ang parehong lugar, kasama na rin ang mga tao at kulturang nabibilang rito, ay nakikita bilang “lugar ng romansa, mga kakaibang ninalang, nagmumultuhang alaala, at tanawin.” Ginagawang katwiran ito ng kulturang kanluranin upang “igapos ang mga kolonyal na subheto.” Sa madaling salita, binubura ng orientalismo ang tunay na naratibo ng mga mula Asya at Gitnang Silangan at pinapalitan ng kanluraning pagtingin o imperyalismong pangkultura. But I digress. 

Ano ang kinalaman ng pag-aaral ko sa konseptong post-kolonyal ni Said at sa isyung kinasasangkutan ng Nas Daily at Whang-Od?

Kung ang pakay ni Yassin ay ang pagpreserba o ingatan ang yaman ng kulturang Kalinga at Pinoy, well and good. Dahil ang kulturang Pinoy ay madalas na ipinapasa sa oral na pamamaraan, ang kilalang paraan ng pagta-tattoo ni Whang-Od ay hindi mamamatay nang basta-basta dahil ang Nas Academy naman ay isang online educational platform. Sa katunayan, mas maraming tao pa ang magkakaroon ng interes dito at, higit sa lahat, hindi mawawala sa alaala ito dahil maraming tao ang matututo sa paggawa nito.  

Ngunit, kung ang tanging pakay niya ay ang paggamit nito upang lumawak ang reach online ng Nas Daily at Nas Academy, magkakaroon ng komodipikasyon ang kulturang Pinoy. Maski ang mga Pinoy na subscriber at viewer ni Nuseir ay magiging kabahagi nito. Sa lakas ba naman ng puwersang #PinoyPride o #GalingPinoy online, hindi makakaila na malaki ang boost sa mga content ng mga influencer o vlogger tulad ni Yassin sa mga platform tulad ng Facebook o YouTube. 

Kung anuman ang magiging o naging nilalaman ng mga instructional video ng Nas Academy ukol sa “itinuro ni Whang-Od na tradisyunal na pagta-tattoo,” masasabing buhay na buhay ang orientalismo rito. Hindi lamang mabubura ang naratibong Kalinga o Pinoy; kikita pa si Yassin. Ironic lamang na mula Gitnang Silangan si Nuseir Yassin. Isa siyang Palestinong lumaki at tumira sa Israel, US, Singapore, at UAE. Dapat klaro sa kamalayan niya ang pagtatalakay ng kulturang hindi niya kinabibilangan.

Ang orientalismo ay hindi bagong konsepto. Ito ay naging bahagi ng ating sariling madugong kasaysayan na puno ng kahirapan at paghihinagpis sa ilalim ng mga Kastila, Amerikano, at Hapones; kaya naman, mahalaga na tayo mismo ang nakakakita nito. Mahalaga rin na matukoy ito at tugunan dahil nakababahala ang pagtrato nang ganito sa ating sariling kultura. Dapat maging kritikal. Karapat-dapat lamang na pakitunguhan ng may dangal at paggalang ang kulturang Pinoy — kahit na ito ay kakaiba kumpara sa iba pang mga kultura sa iba’t ibang panig ng mundo. – Rappler.com

Si Hezekiah Louie Zaraspe ay isang guro ng wika at panitikan sa Kolehiyo ng Miriam Nuvali. Kasalukuyang tinatapos niya ang kanyang Master ng mga Sining sa Malikhaing Pagsulat sa UST Paaralang Gradwado.