Philippine agriculture

[OPINION] Ilang tala tungkol sa lupa at mahinang estado

Jehu Emmanuel Laniog
[OPINION] Ilang tala tungkol sa lupa at mahinang estado
'Ang pangunahing hiling ng mga magsasakang nakausap ko ay magkaroon ng programa ang gobyerno kung saan bibilhin nila mismo sa mga magsasaka ang kanilang inaani sa nakakabuhay na presyo'

Ang lupa ang yaman na nagdala sa atin kung nasaan tayo ngayon. Hindi mabubuhay ang ating mga ninuno kung hindi sila nagtataglay ng makapangyarihang mga kamay na magpupunla’t aani mula sa lupa.

Habang nasa klase, tinanong ng propesor ang buong klase kung ano ang aming proyekto at ano ang pakiramdam/naramdaman namin mula sa nagdaang fieldwork season. Dahil nanaliksik ako tungkol sa mga pagbabago sa mga gawaing agrikultural dala ng pagdating ng “makabagong teknolohiya sa agrikultura” sa isang post-kolonyal na bayan sa Pilipinas, ang una kong naisip ay ang kalidad ng lupang tinataniman ng palay ng mga nakausap kong magsasaka.

Kapag tinatanong tungkol sa tinataniman nilang mga lupa, ang palaging binabanggit ng mga magsasaka ay ang pagiging acidic nito at ang pagbalik-tanaw nila sa malayong nakaraan kung saan hindi gumagamit ng synthetic fertilizer ang kanilang mga magulang para makakuha ng magandang ani. Kasabay ng pagsisimula ng ika-20 na siglo ang mabagal na pagtatayo ng mga irrigation system sa Pilipinas at mas bumilis ang pagpapatayo nito matapos makamit ng Pilipinas ang kalayaan mula sa Amerika noong 1946. Sa alaala ng ilang mga magsasaka, nang makarating ang irrigation sa aming bayan ay doon na rin nagsimulang magbago ang kanilang mga agrikultural na desisyon: mula sa pagtatanim ng palay isang beses sa isang taon, kinakaya nang magtanim ng dalawa hanggang tatlong beses sa isang taon.

Must Read

[OPINION] Why Filipino farmers suffer

[OPINION] Why Filipino farmers suffer

Pagkatapos ng bawat ani, kinakailangang makapagpahinga ng lupa para makabalik ang dati nitong sigla. Sa isang perpektong mundo, magkakaroon ng crop rotation ang mga magsasaka para makapagpahinga ang lupa. Pero para sa isang bayan malayo sa sentro kung saan ang ikinabubuhay ng mga tao ay ang pagtatanim ng palay, kahit na gusto nilang makapagpahinga ang lupa ay nakatali naman ang kanilang bulsa at sikmura sa siklo ng pagtatanim, pag-ani, pag-iimbak, pagbebenta, at pagbayad sa mga utang.

Kung hindi sila gagamit ng urea, magiging punggok ang kanilang pananim at magiging mababa ang kalidad ng maaani nilang palay. Dahil kapag nagsimulang gumamit ang magsasaka ng synthetic fertilizer, palagi nang kakailanganin ng lupa ng pataba dahil nakarehas na ito sa isang siklo ito ng pagpapalusog ng pananim at paglason sa lupa.

Hindi lang mga tao sa siyudad ang naaapektuhan ng mataas na presyo ng gasolina. Kahit ang mga magsasaka sa mga probinsya ay nagbubuhat ng bigat ng dagdag gastusin dahil sa pandaigdigang krisis pang-ekonomiya. Kasabay ng pagtaas ng mga bilihin, tumataas din ang presyo ng urea, ngayon ay triple sa presyo bago ang pandemya. Dahil sumasabay ang presyo ng renta sa mga makina katulad ng harvester at traktora sa presyo ng langis, dagdag bigat din sa mga small land farmer ang mga ito.

Ngayon na iniharap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kaniyang sarili bilang agricultural secretary ng Pilipinas, kasabay ng pagiging pangulo ang bigat ng responsibilidad na bigyang hustisya ang kalagayan ng 31 milyong indibiduwal na bumuto sa kaniya, na malamang sa malamang ay nasa sektor ng agrikultura. Ang pangunahing hiling ng mga magsasakang nakausap ko ay magkaroon ng programa ang gobyerno kung saan bibilhin nila mismo sa mga magsasaka ang kanilang inaani sa nakakabuhay na presyo.

Must Read

Help out our farmers! Here’s a list of local rescue buys to support

Help out our farmers! Here’s a list of local rescue buys to support

Dahil na rin sa kalagayan ng lupa, kailangang simulan ng gobyerno ang mahabang proseso ng pagbibigay ng espasyo sa mga magsasaka na palusugin ang lupa. Nabanggit ng dating DA Secretary Emmanuel Piñol ang paggamit ng organic fertilizer bilang alternatibong pataba sa lupa. Ang totoo’y kahit gusto ng mga magsasakang gumamit ng organic fertilizer, wala silang mapagkukunan nito. Kung mayroong malasakit ang gobyerno sa mga magsasaka, kinakailangang bumaba ang mga nasa gobyerno at makipag-usap sa mga taong nakararanas ng araw-araw na indirektang karahasan mula sa kanilang sitwasyon na pinapalala pa ng hindi malinaw na proseso ng mga dapat at kinakailangang gawin. Hindi lang dapat magtatapos ang responsibilidad ng gobyerno sa pagbibigay ng binhi at pataba sa lupa, dahil kahit gaano kamahal ang sangkap na ihahanda para sa pagluluto, kung sala naman ang prosesong sinusundan ay wala ring pakikinabangan.

Hindi tumitigil ang mga magsasaka sa pagtatanim, dahil nakadikit ang kanilang sikmura sa lupa. Kung hindi sila susugal sa laro ng pagkakataon, hindi sila makakakain. Malaki ang pera sa agrikultura, kaya marami ang nagkukumahog na pumasok dito. Kaya karaniwang nakadikit ang agrikultura sa korapsyon katulad ng coco levy fund scam ng dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. at ng kaniyang mga cronies at ng fertilizer fund scam noong panahon ng dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Malay ang mga magsasaka sa kanilang sitwasyon, malaki ang kanilang pagsasalamat sa kakaunting tulong na natatanggap nila mula sa gobyerno at kritikal sila sa kakulangan ng suportang natatanggap nila.

Nang matapos ang fieldwork ko, mayroong malalim na lungkot sa pag-alis sa probinsya at sa pag-alis sa Pilipinas. Pero ang liyab sa mga mata ng magsasakang nakausap ko ang nagtutulak sa akin araw-araw na magpatuloy. Dahil binuksan nila ang kanilang sarili at ikinuwento ang kanilang mga karanasan dahil alam nila na kahit papaano ay makakatulong ako, hindi man sa buong Pilipinas pero sa aming maliit na bayan. – Rappler.com

Jehu Laniog is currently a graduate student at the Department of Anthropology, Purdue University. His research interests include post-colonialism, agriculture, disasters, civil society organizations, and social systems. He also writes fiction from time to time.

1 comment

Sort by