press freedom

[OPINION] Ang oppressed press sa mga campus ng Pilipinas

Xander Lauren Cipriano

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINION] Ang oppressed press sa mga campus ng Pilipinas
'Kung kayang patahimikin ng estado ang mga malalaking pahayagan, paano pa kaya ang mga pahayagang pampaaralan?'

Noong Agosto 28, 2019, pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11440 o ang “National Campus Press Freedom Day Act” na ipagdiriwang tuwing Hulyo 25. Bagama’t isinasaad nito ang pagsulong at pagprotekta sa kalayaan ng pamamahayag ng mga campus publications sa Pilipinas, kapansin-pansin na kabaligtaran ng nakasaad sa batas ang kasalukuyang nangyayari sa bansa.

Nitong Biyernes, Hulyo 24, isang araw bago ipagdiriwang ang nasabing kaganapan, naghain ng complaint sa Commission on Higher Education (CHED) at Commission on Human Rights (CHR) ang College Editors Guild of the Philippines (CEGP) laban sa mga paglabag sa kalayaan ng kritikal na pamamahayag ng mga mag-aaral na manunulat. Ayon sa CEGP, marami nang insidente ng red-tagging o napagbintangang parte ng “armed communist insurgency” ang nasabing organisasyon at ang iba pang mga kaanib nito. 

Marahil, marami ang nag-iisip kung bakit nangyayari pa rin ito sa mga campus publications ng bansa kahit mayroon namang Republic Act No. 7079 o ang “Campus Journalism Act of 1991” na siyang “pumoprotekta” sa kanila, sa amin. Ngunit, sa halip na protektahan kami ng aming mga karapatan, tila ba dinadala pa yata kami nito sa kapahamakan. At ang masaklap pa rito, mahigit dalawang dekada na ang nakakalipas magmula ng ipatupad ito.

Kung ating babalikan, noong 1994 tatlong taon matapos lagdaan ang RA No. 7079, sampung mag-aaral mula sa Miriam College ang tinanggal at sinuspinde dahil sa mga isinulat nitong artikulo. Isang campus publication naman mula AMA University ang ipinasara nang 3 beses, mula 1997, dahil sa paglalathala ng mga artikulong may diumano’y paninirang-puri at pangungutya laban sa paaralan. 

Ang dalawang kasong nabanggit ay patuloy lamang na nadagdagan nang nadagdagan hanggang sa humaba na ang listahan ng mga pahayagang nakaranas ng hindi patas na pagtrato. Isama mo pa rito ang mga kasong unreported o mga micro-issues na hindi na pinapasagap ng ilang mga paaralan dahil sa kung ano mang kadahilanan. 

Nitong nakaraang taon lamang, personal na naglabas ng sama ng loob ang mga pinuno sa campus publication na parte ako dati dahil sa mga maling ginawa ng administrasyon sa mga miyembro nito. Ilan lamang sa mga hindi sinunod ng nasabing pamunuan ay ang tangkang panghihimasok at hindi pagsunod  sa editorial guidelines ng nasabing pahayagan, ang pagpapapalit ng nilalaman ng dyaryo kahit na dumaan ito sa matinding pagsusuri ng mga patnugot o editors nito, at ang hindi maayos na paggabay ng adviser sa pahayagan. 

Bagama’t hindi ako ang direktang nakaranas nito, nakita ko kung paano naapektuhan ang mga miyembro ng pahayagan, at ang hirap nila na ipagpatuloy ang kanilang trabaho bilang mamamahayag sa mga mag-aaral ng kanilang paaralan. Ngunit, kahit nahihirapan, ipinaglaban pa rin nila kung ano ang dapat at nararapat para sa kanila kahit na ginamit ang mga karapatan nila laban sa kanila.

At sigurado akong hindi lamang ang aking dating pahayagan ang nakaranas nito. Marami pang mga campus publications sa bansa ang nakakaranas ng ganitong mga isyu at, marahil, ay mas malala pa. Isang halimbawa na lamang rito ay ang paggamit lamang sa mga pahayagan bilang palamuti ng mga paaralan, at tanging pagsali lamang sa kompetisyon ang siyang dahilan ng pagbuo nito. (READ: [OPINION] Campus journalists, now is the time to speak up)

Dahil sa mga patong-patong na isyu, nawawala na ang kahalagahan ng kalayaan ng malayang pamamahayag ng mga mag-aaral sa bansa. Ang pundasyong magbibigay sana ng kaalaman sa mga mag-aaral tungkol sa mas malawak na opresyong nangyayari sa pamamahayag ng bansa ay unti-unti nang nawawala. Kung kayang patahimikin ng estado ang mga malalaking pahayagan, paano pa kaya ang mga pahayagang pampaaralan?

Sa kasalukuyan ay nakabinbin pa rin sa House of Representatives ang HB No. 1493 na, marahil, ang makapagbibigay ng mas malinaw na mga probisyon upang protektahan ang mga campus publications sa bansa. Ngunit, mukhang hindi ito basta-basta uusad sa panahon ngayon dahil sa pandemya at iba pang mas malalaking isyung panlipunang nararanasan natin.

Bagama’t may mga balakid tayong kinakaharap ngayon, hindi tayo titigil na ipaglaban ang kalayaan ng malayang pamamahayag sa bansa. Patuloy na makiisa sa diskusyon upang magkaroon ng kamalayan sa mga nangyayari sa ating bansa. Dagdag pa rito, maraming organisasyon ngayon ang nagsasagawa ng mga seminars at online protests upang ipagpatuloy ang pakikibaka para sa ating karapatan bilang mga estudyanteng mamamahayag. (READ: Why campus journalists should go beyond classrooms)

Tandaan, ang laban para sa malayang pamamahayag ng mga pahayagan ng paaralan ay laban para sa kinabukasan ng bansa. – Rappler.com

Si Xander Lauren Cipriano ay isang mag-aaral ng Broadcast Journalism at student-journalist sa De La Salle University-Dasmariñas, at patuloy niyang ipinaglalaban ang malayang pamamahayag sa bansa.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!