SUMMARY
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
![[OPINYON] ‘Queer Encantadia’](https://www.rappler.com/tachyon/2023/11/ispeak-queer-encantadia.jpg)
“Nagsisimula ang lahat sa mapa. Kung nasaan na tayo at kung saan paroroon…” ani Noel Layon Flores, ang lead visual designer ng proyektong Encantadia Chronicles: Sang’gre na sumusunod sa 2016 requel ng Encantadia na una nang namayagpag sa telebisyon noong 2005. Bahagi ng kulturang popular ang Encantadia lalo pa’t nagmarka na ito sa kamalayan ng naunang henerasyon ng kabataan.
Halos ritwalistiko ang pagpapakilala sa cast, isang seremonya ng pagpuputong ng korona sa mga bagong monarko mula sa isang daigdig na kinatha ng mahusay at malikhaing mga alagad ng midya. May bago nang tagapangalaga ng mga brilyante, kabilang na ang kauna-unahang lalaking sang’gre at tagapangalaga ng brilyante — si Adamus. Ngayon, kakatwang nagmamapa rin ang ilang mga fan sa posibilidad ng natatanging karakter na ito.
Ikonograpiya ng babae
Hindi maikakailang winawasak ni Adamus ang binary ng “babae at brilyante” na sentro ng naratibo. Nadiriin ito sa reaksyon ng ilang mga tagasubaybay na nagsabing “pagbuwag sa nakagawian” ang pagkakalikha sa karakter ni Kelvin Miranda na naging emosyonal sa pagkakabigay sa kanya ng papel. (Sa katunayan, naipakilala na si Adamus sa katapusan ng requel.)
Sa kuwento, ang sang’gre ay isang diwatang may dugong bughaw na nag-uugat sa monarkiya ng Lireo, ang kahariang itinatag ng mga diwata. Nakalikha na ang magkakapatid na Pirena, Amihan, Alena, at Danaya ng ikonograpiya ng mga makapangyarihang babae na pinaiigting, hindi lamang ng magarbong kasuotang pampalasyo o pandigma, kundi ng kanilang mga ideyal na katangian at kapintasan. Hindi basta nabubuwag ang imaheng ito, lalo pa’t may kolektibang pokus dito — saksi ang mga pageant, cosplay o Halloween costume party.
Bagamat lutang ang imaheng ito, noon pa man, mayroon nang imahen ng lalaki na nakakabit sa mistisismo ng brilyante sa nasabing binary. Naroon na sa unang Encantadia ang lalaking gabay-diwa ng brilyante ng apoy na si Alipato. Bukod dito, sa requel, ang mortal na lalaking napadpad sa Encantadia na si Paopao ay naging tagapangalaga ng ikalimang brilyante. Ang mumunting imaheng ito ng maskulinidad ay banayad na pagpapalitaw sa potensyal ng isang karakter kagaya ni Adamus.
Naratibong queer
Lalaki na ang pumalit sa puwesto ng nakagawian nang inilalaan sa babaeng sang’gre. Ang kanyang maskulinidad ay mas pagdulog sa kahingian ng “bago” sa kuwentong nagpapatuloy at hindi kabawasan sa imahen ng pagbawi ng babae sa kapangyarihan. Gayunpaman, interesante ring pakinggan ang ibang panig ng diskursong umusbong dahil kay Adamus. Humahabi ng fan fiction ang ilang mga tagasubaybay na sa una’y tila pabiro ngunit mahalagang dalumatin: Paano kung gender-fluid ang tagapangalaga ng brilyante ng tubig? Paano kung queer si Adamus?
Isa itong aktibong interaksyon ng manonood at prodyuser bunsod ng kulturang fandom. Ang ganitong haka ay isang halimbawa ng textual poaching ayon sa mananaliksik ng midya na si Henry Jenkins. Humuhugot ng inspirasyon at motibasyon ang mismong poacher sa kanyang katauhan bilang bias sa pagpili ng paraan kung paano manipulahin ang detalye ng isang umiiral na teksto. Para sa ilan, isang queer awakening ang Encantadia. Natatagpuan ng mga manonood ang sarili sa mga palabas. Sa isang queer, ang imahen ni Adamus ay maaaring imahen ng lalaking ginagaygay ang parehong katauhan.
Siyempre, ang alternatibong Adamus na ito ay isang bulang maaaring paputukin. Kung tutuusin, sa pagsipat sa industriya, bahagi lamang ito ng mas malaking puwersa ng naratibong queer bilang kontemporaneong penomena sa Asya. Napadaloy na ang Boys’ Love o BL sa mainstream at napatunayang may merkado ito at kayang makipagsabayan sa mga nakagawiang tambalan. Nitong nakaraang taon, sa seryeng Darna na isa ring queer icon, umusbong ang parehong naratibo sa komunidad ng mga fan. Sa pagbaha ng mga fan art at fiction tungkol sa #Darlentina, pati ng interaksyon ng mga babaeng artista na gumanap na bayani at kalaban habang umeere ang palabas, umiigting ang nasabing naratibo.
Higit sa fan
Ang mainstream ay lunan ng representasyon, misrepresentasyon, at kawalang representasyon na may impluwensya sa pagpapanatili ng power dynamics, gaya kung paano pangibabawan ng heterenormatibong kultura ang “naiiba.” Mahalagang kilalanin ang historikal na panunupil laban sa minoryang pangkat. Sa pagtatangka nilang isulong ang boses, kalimita’y pinauulanan sila ng batikos na nag-uugat sa parehong mapanghamak na pananaw kaya muling nauuwi sa siklo ng pagsasantabi ang naisantabi na.
Ang telebisyon ay hindi lamang libangan. Ito ay politikal. Ang palabas ay sabay na nagiging escapist (sa bisa ng pantasya) at malay sa realidad (sa bisa ng mito ng dominante at ng naaapi, ng kasamaan laban sa kabutihan, ng mayroon at wala). Tumatakas ang manonood paloob sa mistikal na pook ngunit hindi niya matatakasan ang masalimuot na buhay sa labas dahil ipinakikita iyon ng screen, tahasan man o ‘di direkta. Dahil dito, ang “queer Adamus” bilang produkto ng partisipasyon ng mga aktibong fan sa buong danas ng isang palabas — na hindi lamang nalilimitahan sa pagdalo sa mga mall show o pagkonsumo ng ilalabas na merchandise — ay pagkakataon na isulong ang humanidad ng maliliit.
Ani Jenkins, maaaring mas marami tayong matututunang bagay “mula” sa mga textual poacher kaysa “tungkol” lamang sa kanila. Tulad ng tubig na elemento ni Adamus, hindi mababaw ang proseso ng pagkakatha ng mga fan. May lalim ito pagdating sa impluwensya ng midya, representasyon ng gender, at lipunan na sapin-sapin sa ating pinapanood. Nais kong balikan ang turing ng direktor na si Mark Reyes sa Encantadia bilang teksto — ”lumalawak.” Sa ganitong lente rin maaaring pagnilayan ang panukala o alternatibong pagkakatha ng mga tagasubaybay. Sa halip na nakakulong, ang kuwento ay umaalagwa, lumalawak, at maaari ring umabot hanggang sa dulo ng bahaghari. – Rappler.com
Si Noji Bajet ay residente sa Santa, Ilocos Sur at kasalukuyang nag-aaral sa Unibersad ng Santo Tomas sa ilalim ng kursong Master ng Sining sa Komunikasyon. Ang kanyang mga akda ay nalathala na sa Liwayway, Bannawag, Philippine Panorama, Rappler, at Philippine Star. Nagwagi ang kanyang dagli sa 8th Saniata Literary Awards at itinanghal siyang Kuwentista ng Taon sa 38th Gawad Ustetika.
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.