education in the Philippines

[OPINYON] Kalagayang panlipunan at kultura ng pagbabasa

Mark Anthony Salvador
[OPINYON] Kalagayang panlipunan at kultura ng pagbabasa
'Ang mga lokal na pamahalaan, lalo na ng mga munisipalidad sa Kamaynilaan, ay may malaking kakayahan sana para iangat ang kultura ng pagbabasa sa bansa'

Balon din ng galak, hindi lamang ng kaalaman, ang pagbabasa. Nakakalungkot lamang na hindi ito nakikita ng mayorya sa mga Pilipino. At hindi tayong mga mamamayan ang dapat sisihin.

Sa kanyang artikulong “Why We Are Shallow” (2011), maraming inilahad na punto si F. Sionil Jose, Pambansang Alagad ng Sining Para sa Panitikan, kung bakit ang mga Pilipino — sa palagay niya — ay mababaw. Sa isang halimbawa, aniya, “We are shallow because we don’t read. I go to the hospital on occasion — the long corridor is filled with people staring into the cosmos. It is only I who brought a book or a magazine.” At binanggit niya ang hilig sa pagbabasa ng mga Hapon at Koreano, na makikita sa kanila maski habang nasa tren sila o bus. Ngunit sa dami ng binanggit ni Sionil Jose sa kanyang artikulo, hindi niya natalakay ang pinakamalaking salik — ang kalagayang panlipunan. Ang salik na ito ang nagluluwal sa susunod na salik — ang estado sa lipunan.

Nananatiling P537 ang minimum wage sa Kamaynilaan, sa kabila ng paglobo ng presyo ng mga bilihin dahil sa TRAIN Law na isinabatas noong 2017, at ng inflation dahil sa pandemya at bagsak na COVID-19 response ng rehimeng Duterte. Bago pa magkapandemya, ang P30,000 sahod kada buwan ay sapat lamang sa buwanang gastusin. Ang isang buwang sahod sa minimum wage ay ni hindi pa aabot sa kalahati ng nasabing buwanang sahod. Sa ganitong gana, sino ang bibili ng libro kumpara sa de-lata, asukal, tinapay, at isang kilong bigas? Bagama’t hindi panahon ni Duterte naisulat ang sanaysay ni Sionil Jose; mula 2011, hindi naman bumuti ang kalagayan ng mga Pilipino.

Kaya ang laksang mahuhusay at libreng downloadable na mga babasahin, gaya ng malikhaing mga akda sa Likhaan, dyornal ng Unibersidad ng Pilipinas, at Tomas, dyornal ng Unibersidad ng Santo Tomas, ay hindi pa rin nababasa ng nakakarami. Sapagkat hindi lang naman ang pambili ng libro ang nagmimistulang luho sa ilalim ng marahas na lipunan, maging ang panahon at enerhiyang magbasa at ikaaliw ang binabasa. Makakapagbasa pa ba ang kapus na kapos na nga sa pahinga dahil bukod sa walong oras na trabaho kada araw ay tumatanggap pa ng mga sideline?

Must Read

[OPINION] Ang unang aklat: Early literacy in a child’s first 1,000 days

[OPINION] Ang unang aklat: Early literacy in a child’s first 1,000 days

Sa repleksyong papel ng estudyante ko noong nakaraang semestre, humigit-kumulang, aniya, hindi raw siya lumaking mahilig magbasa sapagkat wala namang libro sa kanilang bahay. Hindi rin daw kasi naging palabasa ang mga magulang niya dahil kinailangan nilang maagang magtrabaho. Manipestasyon ito na napakalaking salik ng kalagayang panlipunan sa pag-usbong ng hilig sa pagbabasa. Ito rin ang sanhi kaya maraming magagandang libro ang naa-out of print nang hindi man lamang nagkakaroon ng pangalawang paglilimbag, at hindi man lamang nagmamarka sa publiko. Minsan, matitisod lang ang obra dahil ipinabasa sa mga kurso sa panitikan sa kolehiyo o paaralang gradwado.

Mahalagang mabasag ang maling pagtingin na ang pagbabasa ay mabigat na gawain lamang, sa halip na saglit na pamamahinga, at perhuwisyo at dagdag-intindihin lamang sa halip na balon ng galak at pagkakataong mas maunawaan ang sarili. Ang paaralan sana ang pangunahing institusyon na makakapagpakita sa mga Pilipino sa brilyo ng pagbabasa. Ang mga guro sana ang makakabasag sa maling mga pagtinging iyon. Kaya lamang, papaano ito gagawin ng mga guro gayong laksang guro — batay mismo sa aking obserbasyon na isa ring guro — ang hindi naman palabasa. At hindi natin ito maisisisi sa kanila. Hindi lamang ito dulot ng bagsak na pasahod na nagtutulak sa kanila para kumuha ng dagdag na trabaho gaya ng tutorial, kundi maging ng bagsak na badyet sa edukasyon. Mapapansing kulang na kulang sa kawani ang mga pampublikong eskuwelahang saklaw ng Departamento ng Edukasyon, sanhi upang saluhin ng mga guro ang laksang trabahong hindi naman na nila trabaho gaya ng pag-aasikso sa laksang school form. Problematiko rin ang dami ng estudyante sa kada klase. Kaya, muli, saan pa kukuha ang guro ng panahon at enerhiyang magbasa?

Ang mga lokal na pamahalaan, lalo na ng mga munisipalidad sa Kamaynilaan, ay may malaking kakayahan sana para iangat ang kultura ng pagbabasa sa bansa. Bago pa magkapandemya, sa laki ng buwis ng mga Pilipino, kada munisipalidad sa Kamaynilaan ay kayang magkaroon ng dalawa o higit pang pampublikong silid-aklatan na magiging bukas sa mga komunidad. (Iba pa ito sa mga silid-aklatan sa loob ng mga pamantasan.) Dito, makakapagbasa ang kabataang hindi na kumukuha ng pormal na edukasyon ngunit nais pa ring mag-aral. Ngunit ang inuuna ng mga nakaupo sa lokal na pamahalaan, na kalimitang dinastiyang politikal, ay ang pagpapatayo ng mga imprastrakturang mapagmumulan ng makinarya sa halalan, at magagamit nila para ibalandra ang kanilang pangalan, gaya ng laksang footbridge.

Must Read

Trash into books: Library creates literacy from litter

Trash into books: Library creates literacy from litter

Madaling maunawaan kung bakit bihira ang fulltime writer sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa. Sapagkat gaano man siya kahusay, bulnerable ang malikhaing manunulat sa Pilipinas pagdating sa aspetong pampinansiyal. (Karamihan sa mga malikhaing manunulat sa Pilipinas ay guro sa kilalang mga pamantasan.)

Sa ganitong lagay rin kaya karaniwan na sa mga mananaliksik at malikhaing manunulat, lalo na sa mga nagsisimula pa lamang na gaya ko, ang pagdududa sa importansya ng kanyang ginagawa. Kung mababa ang benta ng aklat, o kung kakaunti ang nakabasa ng artikulong nailathala, hindi malayong masabi na, “Tayu-tayo lang naman na mga nasa akademya ang nagbabasa ng gawa ng isa’t isa.” Sa personal ko ngang karanasan, kung makapaglathala ako ng akda, wala ni isa sa aming bahay ay nagpapaabot sa akin ng pagbati.

Kaya ang mungkahi ko, sakaling makabasa ng akda ng isang iskolar o malikhaing manunulat, at magandahan ka sa kanyang akda, lalo na kung may naitulong sa iyo ang akda, iparating ito sa kanya. Isang komikero ang sumulat ng matalas na futuristic at science fiction tungkol sa Pilipinas. Ipinarating ko sa kanya sa Facebook ang pagiging interesante ng kanyang akda. Nagulat siya. Wala raw bumabanggit ng akda niyang iyon, kaya ang akala niya ay walang nakakabasa. Ang ganitong mga papuri, hindi man pumapatay, ay nakakapagpahina naman sa apoy ng pagdududa.

Must Read

Rappler at 10: Voices behind the art you see on Rappler

Rappler at 10: Voices behind the art you see on Rappler

Hindi kalabisang sabihin na sinasadya ng mga ganid sa kapangyarihan ang ganitong sistema — ang paglikha ng mga hadlang para hindi makita ng publiko ang rikit at importansya ng pagbabasa. Dahil, sabi nga, ang gusto nila ay taumbayang sapat lang ang talino para magbayad ng buwis, pero hindi sapat upang makita ang mga kabulukan ng lipunan. Kaya sa paghahangad na magkaroon ng malalim na kultura ng pagbabasa sa bansa, dapat na unahin natin ang paghahangad ng lipunang may makataong pasahod, mababang buwis, at malaking badyet para sa edukasyon. Maaari natin itong simulan ngayong halalan sa pamamagitan ng pagpili at pagkampanya sa mga kandidatong nagsusulong ng interes ng nakararami.

Kaugnay sa sanaysay ni Sionil Jose, malinaw na hindi tayo mababaw. Pinapababaw lamang tayo ng bulok na sistema ng lipunang mayroon tayo. At dapat nating labanan, hanggang kalaunan ay mapalitan, ang sistemang ito. – Rappler.com

Nagtapos ng Batsilyer ng Artes sa Filipinolohiya sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas at ng Masterado sa Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, kasalukuyang kumukuha ng Doktorado sa Pilosopiya sa Panitikan ng Pilipinas sa UP Diliman si Mark Anthony S. Salvador. Mababasa ang kanyang mga akda sa Kawing, Tomas, Dx Machina: Philippine Literature in the Time of Covid-19, Likhaan, Entrada, Tomas, Reflective Practitioner, Pylon, Bookwatch, Liwayway, ACT Forum at Luntian journal. Kasalukuyan siyang guro sa Departamento ng Filipino sa Pamantasang De La Salle.