Philippine languages

[OPINYON] Pangil ng misedukasyon

Mark Anthony Salvador

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Pangil ng misedukasyon
'Ilusyon ang paniniwala na ang Pilipinas ay isa sa mga English-speaking country.'

Taong 1959 nang isulat ni Renato Constantino ang kritikal na sanaysay niyang “Miseducation of the Filipino.” Isa ito sa pinakamahalagang sanaysay sa bansa at dapat mabasa ng bawat Pilipino. Inilatag ni R. Constantino ang mga problema sa sistema ng edukasyon na buhat pa sa edukasyong  dala sa Pilipinas ng kolonisasyon ng Amerika. Ang ubod sa problema sa sistema ng edukasyon ng Pilipinas ay ang pagkakasandig nito sa sistema ng edukasyon ng Amerika. Sa maiksing sabi, ang sistema ng edukasyon ng Pilipinas ay hindi kumikilala sa mga pangangailangan ng Pilipinas kundi sa pangangailangan ng ibang bansa, lalo na ng Amerika. Kung gayon, hindi matatawag na “edukasyon” ang natatamo ng marami sa atin, kundi “misedukasyon,” at marami sa mga Pilipino ay maituturing na “misedukado.”

Ang “edukasyon” ay nangangahulugang “pagkamulat.” Papaanong matatawag na “edukado” ang marami sa atin kung binubulag tayo ng sistema ng edukasyong meron tayo? Halimbawa, mababa ang pagtingin ng marami sa atin sa mga programa sa kolehiyo na nakatuon sa agrikultura gaya ng BS Fishery at BS Agriculture, gayong ang mga ito ang dapat na pagtuunan ng pansin dahil napag-iiwanan na ang Pilipinas sa ganitong mga larangan at ang bansa ay nakasandig sa agrikultura. Mababa rin ang pagpapahalaga ng marami sa mga programang umuugat sa kulturang Pilipino gaya ng arkeolohiya, linggwistika, at antropolohiya gayong napakarami pang hindi naitatala sa ating kultura at kasaysayan. At ang batayan ng karamihan sa atin sa karunungan ay ang katatasan sa Ingles. Parikala na ang ganitong mga balikong pagtingin ay sa paaralan pa mismo natin “natututuhan.”

Malaking salik ang wika sa misedukasyong ito. Bagama’t Filipino ang wikang pambansa, Ingles ang gamit ng karamihan ng mga opisyal sa gobyerno, gayundin din sa midya at sa paaralan. Sa kolehiyo, halimbawa, Filipino lamang ang kursong itinuturo sa Filipino. Ang karamihan ay sa wikang Ingles.

Dahil Ingles ang gamit sa maraming larangan, ito ay nagiging hadlang sa pagkatuto. Halimbawa, hindi nagagawang makisangkot ng karaniwang mamamayan sa mga usaping pang-ekonomiya dahil hindi nila nauunawaan ang wikang ginagamit ng mga opisyal sa gobyerno. Sa mga pagdinig sa senado at sa kongreso, iilan lamang sa ating mga mambabatas ang nagsasalita sa Filipino. Papaano natin mas mauunawaan ang mga pangangailangan ng Pilipinas kung mapanghati ang wikang gamit sa pamahalaan at sa mga paaralan?

Sa sanaysay na “Mga Lingguwistik na Ilusyon sa Pilipinas,” ipinaliwanag ni Ernesto Constantino kung bakit maituturing na ilusyon ang pag-iisip na nakakabuti ang bilingual na sistema ng edukasyon.

Mabuti nga siguro kung bilingual tayong mga Pilipino sa wikang pambansa at sa isang internasyunal na wika. Ngunit mangyayari ba ito? Kung noong Ingles lamang ang pinag-aaralan nating wika iilan lamang ang natuto ngayon pa kayang dalawang wika na ang ating pag-aaralan? Para sa kabutihan nating mga Pilipino, lalo na ang kabataan, dapat palitan agad ang bilingguwal na palising ito ng “monolingguwal” na magpapagamit ng isang wika lamang, ang ating wikang pambansa, bilang wikang panturo. Ang wikang Ingles ay mas mabuting ituring at tanggapin nating mga Pilipino na banyagang wika at ito at gamitin ito bilang wikang banyaga rin.

Sa maiksing sabi, ang bilingual na sistema ng edukasyon ay hadlang sa pagkatuto sa wika. Marahil sasabihin ng iba na, “Kung gayon, huwag nang ituro ang Filipino at sa Ingles na lang magpokus.” Hindi ito maaari sapagkat wala namang komunidad sa buong Pilipinas na Ingles ang gamit na wika. Sang-ayon sa sanaysay ni E. Constantino, ilusyon ang paniniwala na ang Pilipinas ay isa sa mga English-speaking country. Kaya kahit Ingles ang aralin sa eskuwelahan, hindi ito tatatak nang malalim sa Pilipino dahil hindi ito ang wikang ginagamit sa bahay, sa palengke o magi sa dyip.

Ang sanaysay nina Ernesto Constantino at Renato Constantino ay nananawagan sa reporma sa edukasyon. Ang sistema ng edukasyon ng Pilipinas ay dapat maging maka-Pilipino. Ibig sabihin, ang sistema ng edukasyon ay tumutukoy dapat sa mga suliranin ng Pilipinas at umuugat sa kasaysayan at kultura ng Pilipinas. At para magawa ito, pangunahing hakbang na gamitin ang Filipino at ang mga wika ng Pilipinas bilang midyum ng pakikipagtalastasan. Kailangang magsulat ng mga pananaliksik sa Filipino. Ang agham, matematika, pilosopiya at lahat ng larangan ay dapat pag-usapan sa wikang mas nauunawaan ng mga Pilipino.

Tingnan nating halimbawa ang resulta ng 2018 Program for International Student Assessment. Sa nasabing resulta na inilabas noong Disyembre 2019, kulelat ang naging iskor ng Pilipinas sa Science, Math, at Reading. Bagama’t maraming sanhi ito, malinaw na malaking salik ang problema sa wikang panturo. Ang mga mag-aaral sa kasabayang bansa ng Pilipinas na naging kalahok sa PISA ay kumuha ng pagsusulit mula sa kanilang wika at itinuturo ang mga disiplinang ito sa kanilang wika. Sa mga bansang ito, ang wika nila ang ginagamit bilang wika ng pananaliksik. Kaya ang kanilang mga mag-aaral ay mas nagagawang magsuri at makisangkot.

Sa atas ng CHED memorandum Bilang 20 Serye ng 2013, kasali ang mga kursong Filipino at Panitikan sa mga tatanggalin sa kolehiyo. Ang pagtatanggal sa nasabing mga kurso ay pambabansot sa kakayahan ng mga Pilipinong mag-aaral na magsuri. Produktong iluluwas na lamang sila kung ituring, na pagmumulan ng murang lakas-paggawa. Hindi na binibigyang-halaga ang mga kakayahang nagpapalalim sa kanilang pagiging makabansa. Sa ganitong balangkas, nakakatakas ang gobyerno sa pagbibigay sa kanyang mga mamamayan ng disenteng trabaho at seguridad.

Inilaban ng Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino o Tanggol Wika ang pagpapanatili sa dalawang kurso sa kolehiyo. Naging masigasig ang Tanggol Wika mula sa mga bulwagan ng mga pamantasan at CHED, at hanggang sa paghahain ng petisyon sa Korte Suprema. Ngunit noong 2019, naglabas na ng pinal na hatol ang Korte Suprema: nasa pagpapasya na ng mga unibersidad kung magiging mandatory course ang nasabing mga kurso. Malinaw na labag sa isinasaad sa Artikulo 14, Seksiyon 6 ng Saligang Batas ang hatol ng Korte Suprema. Ito ay paghadlang sa pagpapayabong sa Filipino na isinasaad ng Konstitusyon, at banta rin sa seguridad sa trabaho ng mga guro.

Taong 2019, inihain ng ACT Teachers Party List at ng iba pang miyembro ng Makabayan Bloc ang Panukalang Batas 223 o ang “Batas na Nagtatakda ng Hindi Bababa sa Siyam (9) na Yunit ng Asignaturang Filipino at Tatlong (3) Yunit ng Asignaturang Panitikan sa Kurikulum ng Kolehiyo.” Napakahalaga nito para sa mga guro at sa makabayang edukasyon. Ito ang magtatanggol sa Filipino at Panitikan sa pangil ng CHED memorandum Bilang 20 Serye ng 2013. Ngunit malayo pa para magdiwang hangga’t hindi pa ito nagiging batas. Sa ngayon, ang malinaw, kung tuluyang mawawala ang Filipino at Panitikan sa kolehiyo, lalong uunti ang mga gurong nagpapakadalubhasa sa disiplinang ito. Lalo nating hindi mauunawaan ang mga aral ng ating mga epiko at alamat. Lalong malalayo ang Filipino sa pagiging wika ng karunungan.

Kung tuluyang mawawala ang Filipino at Panitikan sa kolehiyo, titindi ang tinutukoy na “misedukasyon,” halos isang siglo na ang nakakaraan. Lalo nating mararamdaman ang pangil nito sa ating ekonomiya at identidad. Lalo tayong magiging bansang hindi kilala ang kanyang sarili. – Rappler.com

Nagtapos ng Bastilyer ng Artes sa Filipinolohiya sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas at ng Masterado sa Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman si Mark Anthony S. Salvador. Mababasa ang kanyang mga akda sa Tomas, Likhaan, Liwayway, Resbak, Pylon, at Kawing. Kasapi siya ng Alliance of Concerned Teachers – Private Schools.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!