2022 Philippine Elections

[OPINION] Wanted: Makabayan

Daniel Aloc
[OPINION] Wanted: Makabayan
'[P]aano nga ba natin malalaman kung sino ang tunay na makabayan?'

Panahon na naman ng eleksyon. Tiyak na maglilipana na naman ang mga poster, tarpaulin, at polyeto ng mga kumakandidato sa lokal at nasyunal na posisyon. Nariyan ang magpapakilalang makadiyos o tapat sa serbisyo, ngunit ang hindi talaga mawawala ay ang mga politikong nag-aastang makabayan lalo na sa pambansang halalan. Sa ganitong kalagayan, paano nga ba natin malalaman kung sino ang tunay na makabayan?

Una sa lahat, ang bulag na pagsunod sa pamahalaan na inilalako ng Diehard Duterte Supporters (DDS) – na hindi mapagkakailang mga panatiko sa pangalan pa lang kanilang grupo – ay kabaliktaran ng pagiging makabayan. Sadyang sarado lang talaga ang isip ni Mocha Uson para tawaging makabayan ang pagsuporta sa administrasyong Duterte na ibinebenta ang ating pambansang soberanya at patrimonya. Gayundin ang mga katulad nina Senador Bato dela Rosa at Bong Go na ang katapatan ay nasa kanilang amo at wala sa mga taong nagluklok sa kanila sa pwesto.

Sa isang third world country gaya ng Pilipinas na patuloy na kinokontrol ng mga makapangyarihang bansa, ang pagkamakabayan ay dapat mangahulugan ng pagkakaroon ng paninindigan para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Kahit sinong kandidato ay maaring magboladas at magpahayag ng pagmamahal sa bayan, subalit ito ay isa lamang hungkag na retorika kung walang plataporma na tumutugon sa mga pundamental na problema ng mamamayang Pilipino, tulad ng labis na pagsalig sa dayuhang pamumuhunan, monopolyo sa lupa, at burukratikong korapsyon.

Sa esensya, walang pinagkaiba sa plataporma ang malalaking partidong politikal sa bansa. Tanging ang Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (Makabayan) ang may malinaw na plataporma na nagsusulong ng makabayang pagbabago.

Binubuo ang Makabayan ng mga progresibong partido na kumakatawan sa interes ng inaapi at mardyinalisadong mga sektor ng lipunan tulad ng manggagawa, magsasaka, guro, drayber, kababaihan, kabataan, kawani ng gobyerno, katutubo, at maralita. Sa kasalukuyan ay may hindi bababa sa isang kinatawan sa mababang kapulungan sa kongreso ang mga partylist ng Makabayan na Bayan Muna, Gabriela, Alliance of Concerned Teachers, at Kabataan Partylist.

Mula nang itatatag noong 2009, ilang beses na ring sinubukan ng Makabayan na magluklok ng mahuhusay na progresibong lider sa Senado, at sa darating na eleksyon sa 2022 ay kandidatong muli sa pagkasenador ang prominentang human rights lawyer at dating Bayan Muna congressman na si Neri Colmenares, kasama ang labor leader at tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na si Elmer “Ka Bong” Labog.

Kung track record lang ang batayan ng pagkapanalo sa halalan ay matagal nang senador si Atty. Neri. Bilang representante ng Bayan Muna, naipasa niya ang Free Mobile Disaster Alerts Law, Human Rights Victims Repation Law,  Anti-Torture Law, at iba pang mahahalagang batas. Naghain rin siya ng iba’t-ibang petisyon sa Korte Suprema para pigilan ang pagtaas sa singil ng Meralco, Maynilad, at MRT. Samantalang isa naman sa mga pinakarespetadong lider ng kilusang paggawa si Ka Bong dahil sa pagtataguyod sa interes at pakikipaglaban sa mga karapatan ng manggagawang Pilipino.

Kabilang sa plataporma nina Colmenares at Labog ang isulong ang komprehensibo at makataong tugon sa pandemya, ipaglaban ang tunay na pag-unlad ng mga Pilipino na mangyayari lamang kung magkakaroon ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon, ipaglaban ang karapatang pantao na labis na inabuso sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, labanan ang korupsyon, at igiit ang pambansang interes at soberanya ng Pilipinas.

Matagal na ring walang makabayang boses sa Senado na dati’y binigyang tinig nina Claro M. Recto, Lorenzo Tanada, at Jose W. Diokno. Ngayon, higit kailanman, kailangan nating pumili ng mga lider na may makabayang prinsipyo at paninindigan at hindi sunud-sunuran sa mga dikta ng mga dayuhang kapangyarihan. – Rappler.com

Daniel Aloc is a graduate of Political Science at the Adamson University. He is a member of the League of Filipino Students and a senior analyst by profession.