education in the Philippines

[OPINYON] Gusto namin ng pinunong may pagpapahalaga sa kasaysayan!

Ana Kristina Eraga
[OPINYON] Gusto namin ng pinunong may pagpapahalaga sa kasaysayan!

Illustration by Guia Abogado

'Tandaan: Ang may sala lamang ang natatakot sa kasaysayan. Ang nagpapahalaga ay hindi natatakot.'

Taong 2014, sa bisa ng DepEd Order No. 20, ang Kasaysayan ng Pilipinas na dating nasa sekundaryang kurikulum ay ibinaba sa elementarya. Umani ng batikos ang desisyong ito ng dating Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon na si Bro. Armin Luistro. Maraming mga panawagan, samahan, at mga indibidwal na pagkilos mula sa iba’t-ibang sektor tulad ng mga kaguruan at mga mag-aaral, ang nilunsad upang idiin ang kahalagahan ng Philippine History sa paghubog ng pagkamamamayan ng mga estudyanteng nasa 13-16 gulang, dahil sa edad na ito binubuo ng kabataan ang sariling paninindigan at paniniwala (J. Ignacio, 2016).

Hindi pinakinggan ang mga panawagang ito. Ilang taon na ang nakalipas ngunit hindi pa rin naibabalik ang Philippine History sa Araling Panlipunan ng Junior High School, dahil, sa wika ng kasalukuyang Kalihim na si Leonor Briones, “naturally integrated” na ito sa kasaysayan ng Asya (L. Briones, 2017). Tila hindi nakikita ni Briones na hindi sapat ang pagsingit lamang sa klase (na tatlong oras lamang kada linggo) ng mga piling salaysay sa ating kasaysayan upang tunay na maunawaan ng kabataan ang pinagdaanan ng ating bayan para matamasa ang kasarinlan nito. Kailangang ibabad ang kamalayan ng isang estudyante sa saysay ng kanyang Kapilipinuhan, para malaman niya kung anong daan ang dapat na binabagtas ng kanyang sarili at ng kanyang kapwa tungo sa tunay na kaunlaran at ginhawa. 

Must Read

[OPINION | New School] Will the Philippine History subject just be forgotten?

[OPINION | New School] Will the Philippine History subject just be forgotten?

Inaani na natin ang bunga ng pagsasawalang bahalang ito. Sa panahon na kailangan nating gumawa ng malaking desisyon sa porma ng halalan, mukha tayong mga sanggol na hindi pa alam ang kanyang identidad. Madali tayong nadadala sa mga naratibo mula sa iba’t-ibang mga daluyan ng impormasyon, at ang malala, hinahayaan nating dalhin tayo nito sa paghalal ng mga pinunong hindi tapat sa kanyang tungkulin at hindi hangad ang ikabubuti ng bansa.

Ayokong sisihin ang ordinaryong mamamayan dahil naniniwala akong biktima lamang siya ng pananamantala ng mga taong nakakakilala sa kanyang bulnerabilidad, sistemikong sakit na matagal na nating iniinda. Ang elit ay may kapangyarihang baluktutin ang naratibo para sa sariling interes, kayang magbayad ng makinarya at trolls para magpalaganap ng distorted history.

Must Read

Networked propaganda: How the Marcoses are rewriting history

Networked propaganda: How the Marcoses are rewriting history

Dalawa lamang ang kinalalagyan ng bayan sa ganitong gana: nahuhulog sa patibong o nawawalan ng tiwala sa akademiko at eksperto. Masalimuot ang ganitong katotohanan, dahil lumalabas na mas makapangyarihan pa ang makapangyarihan kesa sa katotohanan. Dinagdagan pa ng sistema ng edukasyong hindi tinuturuan ang mga kabataan na maging kritikal, bagkus kung paano lamang mapapakinabangan.

Ang kasaysayan tuloy, na ayon kay Zeus Salazar “ang salaysay ng ating saysay,” na dapat instrumento ng pagbabago, pagkakaisa, at ang humuhubog sa ating nasyonalismo at patriyotismo, ay nawalan nang saysay para sa ordinaryong Pilipino. Nasaan na ang aral ng kasaysayan ngayong kailangan natin ito? Ano ang gagabay sa atin ngayong hawak na naman natin ang kinabukasan ng ating bayan sa ating pagboto?

Gasgas na ang “Those who do not know their history are condemned to repeat it,” pero ang katotohanan nito ay hindi kumukupas. Sa mga nais kumandidato bilang mga pinuno ng bansang ito, siguro naman ay hindi kalabisang hilingin na isama nila ang kasaysayan, kultura, edukasyon, at syempre, ang kabataan, sa kanilang plataporma. Mahalaga ang mga programang may kinalaman sa ekonomiya, kalusugan, kabuhayan, at ugnayang panlabas, ngunit sana ay hindi maiwanan ang agenda sa paghubog ng mga mamamayang makabayan. 

Kung hindi ito maisasakatuparan, sayang naman ang nakasaad sa DepEd Vision na “We dream of Filipinos who passionately love their country and whose values and competencies enable them to realize their full potential and contribute meaningfully to building the nation.” Pagmamahal sa bayan ang isa sa mga pangunahing salik sa nation-building, at ang pag-aaral ng kasaysayan ang pinakamatibay na pamamamaraan upang mabuo ang pagmamahal na ito. Gawing prayoridad ang edukasyon at kasaysayan!

Bukod dito, nabanggit din sa itaas na elit ang nangunguna sa pagpapakalat ng baluktot na kasaysayan para sa kanilang personal na interes. Red flag na maituturing kung ang kandidato mismo ang kasabwat sa gawaing ito. Pasaring ito kay Marcos Jr. at sa kanyang mga cronies na mas mahalaga ang pananatili sa kapangyarihan kesa sa nation-building, katotohanan, at kasaysayan. Matagal nang taktika ng salarin ang pagtanggi at pagsisinungaling. Malinaw na sa kanilang pagkilos upang maibaon sa limot ang korupsyon at karumal-dumal na paglabag sa karapatang pantao ng diktadura ng kanyang ama, kasabay nito ang agenda ng panunumbalik ng kanilang kontrol sa buhay ng mga Pilipino.

Must Read

Kung talagang nagnakaw ang mga Marcos, bakit wala pa ring nakukulong sa kanila?

Kung talagang nagnakaw ang mga Marcos, bakit wala pa ring nakukulong sa kanila?

Paano natin aasahan ang hustisya, pag-unlad, at demokrasya sa kamay ng isang pinuno na hindi maamin ang kasalanan ng kanyang ama, at ang mas masahol, ginagamit pa ito para manalo sa halalan? Kaawaan nawa tayo ng mga nagsakripisyo ng buhay para sa ating kalayaan kung iboboto pa natin ito! Kaya panawagan: Kailangan namin ng pinunong may pagpapahalaga sa Kasaysayan, upang managot ang dapat managot!

Kasaysayan ang nagsasalaysay ng ating pakikibaka, pagmamahal, at kalayaan. Kasabay ng pagsulong natin sa kahalagahan ng pag-aaral nito para sa pagbuo ng bayan, dapat ay nananawagan rin tayo na kailangan natin ng pinunong handang pangunahan ang mamamayan sa pag-alala, at hindi sa paglapastangan nito. 

Tandaan: Ang may sala lamang ang natatakot sa kasaysayan. Ang nagpapahalaga ay hindi natatakot. – Rappler.com

Si Ana Kristina Eraga ay guro ng Araling Panlipunan sa PUP Laboratory High School at kasalukuyang naninilbihan bilang Ingat-Yaman ng High School Philippine History Movement, isang samahan na naglalayong maibalik ang Phillippine History sa Junior High School. Kasalukuyan siyang kumukuha ng Masterado sa Antropolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.