education in the Philippines

[OPINYON | Youth] Pagbabalik-eskwela sa darating na Enero

John Caileb Cabudol

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON | Youth] Pagbabalik-eskwela sa darating na Enero
'Handa na ba ako? Handa ka na ba? Sa wari ko ay hindi pa.'

Bukas-palad nating ipinagdaos at sinalubong ang taong 2020 noong Enero, subalit tila mga dagok sa kalusugan at kalamidad sa kapaligiran ang ating nararanasan, Pebrero pa lamang hanggang sa kasalukuyan. Nariyang sumabog ang Bulkang Taal na bumalot ng alikabok sa halos lahat ng lugar sa Batangas, Cavite at mga karatig na probinsya, pati na ang Metro Manila. Sinundan ito ng paglaganap ng salot na COVID-19, na nagpapahirap ngayon sa atin. Kamakailan lamang ay nakaranas tayo ng mga malalakas na bagyo dulot na rin ng penomenon na La Niña. 

Sa paggising natin ng Marso 15, 2020, nakatanggap tayo ng balita sa paaralan na isasara ito hanggang sa hindi pa matukoy na araw dahil na rin sa paglaganap ng virus na COVID-19 na nagmula sa bansang Tsina.

Pinangambahan ng mga awtoridad na ang mga bata at mga matatanda ang mga taong lubos na maaapektuhan nang masama ng nasabing sakit. Kaya, ipinagutos ang dagliang pagpapasara ng mga paaralan, mga establisyamento, pagawaan, at maging ang mga tanggapan ng pamahalaan. Naniniwala ang mga propesyunal medikal na ang mga bata ang mas mabilis na makakapasa ng virus sa mga kaawa-awang mga matatanda sa mga kabahayan.

Sa kasalukuyan, hindi pa nasusugpo nang lubusan ang sakit, ngunit marami nang mga hakbang ang isinagawa at isinasagawa sa pagtutulungan ng gobyerno at ng pribadong sektor, na ipinaloob sa mga panuntunan ng community quarantine, kung saan ang mga kabataan at mga matatanda ay mananatili lamang sa loob ng mga bahay. 

Ilang linggo na lamang ay Enero na, bagama’t may mga nababalitaang mga bakuna na maaaring lumaban sa pagkahawa sa sakit na COVID-19, hindi pa ito lubos na napatutunayang magpapahinto sa laganap na sakit, at mas pinangangambahan ang wala pang test sa masamang dulot nito sa tao sa mahabang panahon. Sa ngayon, lahat ng mga antas ng paaralan ay nagsasagawa ng alternatibong pagpapatuloy ng pag-aaral sa tulong ng internet, teknolohiya, at mga modyul.  Ang Kagawaran ng Edukasyon, pati na rin ang pribadong mga paaralan, ay naghanda ng mga babasahin at mga gawaing pwedeng isagawa ng mga mag-aaral sa bahay. 

Must Read

IN PHOTOS: Students, teachers struggle as classes open during pandemic

IN PHOTOS: Students, teachers struggle as classes open during pandemic

Sa pagdaan ng mga malalakas na mga bagyo noong nakaraang mga linggo, nasira ang mga paaralan, pati na rin ang mga computers at mga modyul, na lubos na ikinalungkot ng mga tao lalo na sa Luzon. Marami ang nanawagan ng tulong hindi lamang ng pagkain kundi mga gamit sa pag-aaral. Ito naman ay tinutugunan ng ating pamahalaan sa tulong ng mga pribadong indibidwal at mga samahan.

Hindi man natin kayang mahinto ang sakit at mga kalamidad na dumarating sa ating bansa, mas maging handa sana tayo sa pagharap sa mga ito. Sa larangan ng edukasyon, mas palakasin ang imprastraktura sa impormasyon tulad ng pagkakaroon ng mabilis at accessible na internet connection sa mga lungsod at mga probinsya, lalo na sa mga liblib na lugar. Wala mang pisikal na pagsasagawa ng pagtuturo at pagkatuto, naisasakatuparan ang pag-aaral sa pamamagitan ng mga learning management systems, modyul, at mga video na maaaring mapanood online.

Ngunit ilang linggo na lamang ay Enero na, narito pa rin ang mapanganib na virus na COVID-19, walang linaw na gamot at bakuna. Kulang pa rin ang imprastraktura sa impormasyon, at mas matindi, nasira ang maraming gamit sa pagtuturo at pagkatuto. Handa na ba ako? Handa ka na ba? Sa wari ko ay hindi pa. – Rappler.com

Si John Caileb Pagsuguiron Cabudol ay nagaaral sa Justo Lukban Elementary School sa Paco, Maynila. Siya’y nasa ikaapat na baitang, sa nangungunang section, Sun.

Ang sanaysay na ito ay bahagi ng kanyang aralin sa kahandaan ng mga paaralan sa face-to-face classes sa Enero 2021. Mahilig siya sa mga online games, pagnood ng mga balita sa telebisyon, at pagkinig sa mga balita sa radyo ng kanyang Tatay Inyong. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!