youth activism

[New School] Kung ako lamang ang mikropono

Timothy James Sampang
[New School] Kung ako lamang ang mikropono

Illustration by Nico Villarete

The following piece was supposed to be delivered by the author during his high school graduation this year, but was denied by school officials for being 'subversive'

New School features opinion pieces by young writers, highlighting youth issues and perspectives.

The following piece was supposed to be delivered by the author during his high school graduation this year, but was denied by school officials for being “subversive.”

Hanggang ngayon, nabubuhay ako sa pahayag ni Propesor Renato Constantino na, “Education is a vital weapon of a people striving for economic emancipation, political independence, and cultural renaissance.”

Ngunit, paano tayo magiging kasangkapan ng sinasabi ng propesor na pagbabago, kung hanggang ngayon ay pilit tayong inaagawan ng kahirapan ng mikropono tuwing magsasalita laban sa tunay na ugat nito?

Isang palaban at mapagpalayang araw sa mga kabataan, kaguruan, mga magulang, at sambayanan na ngayo’y ipinagdiriwang ang araw kung saan pipitasin natin ang mga bunga ng pag-gaod ng aralin at pagkatuto sa taong ito.

Isinampal sa mga mamamayan ng iba’t-ibang sektor ng lipunan ang pinakamalaking hamon na kinakaharap ng ating henerasyon sa ngayon. Sinubok ng pandemya ang katatagan at prinsipyo nating mga estudyanteng apektado sa krisis sa edukasyon. Nasa estado na tayo kung saan ang mabuhay lamang ay isa nang panalo sa kabila ng kawalan ng tugon sa mga mag-aaral na maaapektuhan sa mental na aspeto habang sinusuong ang ganitong pangyayari.

Isinusulat ko ang pahayag na ito para sa mga tangan ang toga, hindi bilang isang hamak na kinatawan ng mga magsisipagtapos ngayon, kundi representante ng lahat ng mga estudyante sa kalunsuran na nawalan ng oportunidad at suporta, at ng mga katutubong Tumandok na nanganganib mawalan ng lupang ninuno. 

Must Read

[OPINION] No one is talking about the Tumandok Massacre

[OPINION] No one is talking about the Tumandok Massacre

Bilang anak ng dalawang OFW na pinaghiwalay ng bansa na may mababang oportunidad sa paggawa, hindi madali sa akin na sapagkat natutugunan ang pinansiyal na pangangailangan, nabigyan naman ng puwang sa emosyonal na aspeto habang lumalaki. Nariyan naman ang tiyahin ko upang subukan na tugunan ito, na siya ring namayapa noong nakaraang taon dahil sa kawalan ng maayos na paggamutan sa Pilipinas na nilalapastangan ng mga korap na pulitiko. 

Kaya naman, malaki ang pasasalamat ko sa ina, ama, at ang buong pamilya ko na sa kabila ng pagsusunog ng kilay sa ilalim ng hindi makataong labor conditions, iginaod pa rin ang ilang taon na pagbuhay, pagbihis, at pagpapaaral sa akin. Hindi ko rin malilimutan ang tiyahin ko na sinuong ang responsibilidad bilang pangalawang ina-inahan ko hanggang sa kaniyang huling hininga. 

Iniaalay ko rin ang tagumpay na ito sa lahat ng magkakaklase na inaagapayan ang isa’t-isa tuwing may kapwa na nasasadlak sa mga gawain dahil sa kani-kaniyang internal na suliranin. Hindi rin dapat kinakalimutan sa ganitong mga pahayag ang mga kaibigan natin na nagiging pundasyon ng bawat pakikibaka kandong ng palpak na sistemang pang-edukasyon.  

Must Read

Distance learning in the Philippines: A year of hits and misses

Distance learning in the Philippines: A year of hits and misses

Ikinapopoot ko na lumilitaw ang mga kapwa ko estudyante sa mundong pinag-aralan ko na may kondisyong pinagkakaitan ng ligtas na espasyo para sa karunungan sa pamamagitan ng iba’t-ibang lente tulad ng mga asignaturang Siyensiya, Matematika, at Araling Panlipunan. 

Mula sa masusing pagsusuri, bukod sa pagpupunyagi ay dapat magsilbing malaking hamon sa ating may mga pribilehiyo na lagyan ng direksyon ang ating pag-aaral. 

Mag-aral tayo hindi lamang para maging hamak na siyentista kundi isang siyentistang tutulong sa masang anakpawis. 

Mag-aral tayo ng matematika hindi upang magbilang lamang ng numero kundi maging mga magigiting na tagapagsuri ng lipunan. 

Sikapin rin nating aralin ang lipunan hindi lamang dahil may kapalit ito na grado, kundi tinitingnan natin kung papaano baguhin ang nabubulok na materyal na kondisyon kung saan ang pag-aaral ay karangyaan na para lamang sa iilan at ang mga uring katutubo ay kailanma’y tinatanggalan ng karapatan sa lupa at edukasyon. 

Must Read

[OPINION] In defense of the Lumad schools

[OPINION] In defense of the Lumad schools

Lubak-lubak ang daanan ng ating nilakbay bilang mga mag-aaral. Iniyakan, kinabaliwan, at iginapang tulad ng marami. Kaya naman sa araw na ito, ipinangangako ko na ang patuloy na pagpapakadalubhasa ko ay iaalay ko sa pagpapanawagan ng ligtas na balik-eskwela at pagpapanday ng susunod na henerasyon, kung saan wala nang matutulad sa akin na kailangang iiwan ng nanay at tatay habang nasa duyan pa lamang upang mastustusan na hindi magagawa dito sa bansa dahil sa pang-ekonomikong krisis.

Kakambal ng sama-sama nating pagkalas sa tanikala ng neoliberal na sistema ay ang pagtataguyod ng isang lipunang hindi magbubunga ng parehong sitwasyong nagluwal sa hindi pagkakapantay-pantay at inhustisya. 

Isang malaking hamon ang mga ito sa kapwa ko kabataan na makiisa, makialam, makisangkot, at huwag magpakulong sa apat na sulok ng silid-aralan at mga pahina ng mga aklat. At nawa’y ang pagsusuri na ito’y magamit natin sa pag-uugat ng kahirapan hindi bilang inspirasyon kundi pangunahing hadlang sa ating mga pangarap. Hugot ang kolektibong lakas ng sambayanang Pilipino, piliting iwaksi ang humaharang sa atin sa pagkulay ng bahaghari sa kinabukasang naghihintay.

Pagpupugay sa lahat ng tinatamasa ang ginhawa ng pagtatapos at ang mga mag-aaral na sinusubukang hubugin ang lipunan na aangkop sa atin. Kabataang Pilipino, huwag hayaan na ipinta ng ating mga grado ngayon ang ating magiging hinaharap. 

Lahat tayo’y minimithi na ilagay sa pedestal ng mga magsisipagtapos ngayon at sambitin ang mga salitang magpapaluha sa mga kapwa estudyante. Kaya lang, pinagkakakaitan ang kabataan ng boses dulot ng kawalan ng suporta sa edukasyon. Sana ay mamulat tayo sa isang lipunan kung saan may pagkakataon tayong isigaw ang kani-kaniyang mga talumpati.

Kung lahat lamang tayo ay may mikropono. – Rappler.com

Timothy James P. Sampang is a Grade 10 student journalist from Calinog, Iloilo.

Voices features opinions from readers of all backgrounds, persuasions, and ages; analyses from advocacy leaders and subject matter experts; and reflections and editorials from Rappler staff. 

You may submit pieces for review to opinion@rappler.com.