SUMMARY
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
![[New School] Budol ang Brigada Eskuwela](https://www.rappler.com/tachyon/2023/08/ns-brigada.jpg)
Bayanihan, tulungan, ambagan, at lokohan – ganiyan ang Brigada Eskuwela.
Taon-taon bago magsimula ang pasukan, isinasagawa ang Brigada Eskuwela na layong boluntaryong tumulong ang mga guro, mag-aaral, magulang, at iba’t ibang pribadong sektor para linisin at ayusin ang mga silid-aralan at ibang pasilidad ng paaralan. Pero sa kada taon na naghahawak-kamay ang bawat isa sa ngalan ng bayanihan, nagdiriwang ang opisyales ng pamahalaan lalo na ang DepEd para sa isa na namang matagumpay na panloloko sa taumbayan.
Nakukuha ko naman ang esensya ng Brigada Eskuwela bilang isang testamento sa espiritu ng bayanihan ng bawat Pilipino at dedikasyon upang mabigyan ng kalidad na edukasyon ang bawat bata. Sa pamamagitan nito ay lumalabas ang likas na kabutihang loob nating mga Pilipino pati na rin ang hindi natitinag nating kasipagan para kayaning magtulungan at magbuklod para sa kapakinabangan ng kabataan sa pag-aaral.
Kaso lang, sa pamamagitan ng Brigada Eskuwela ay lumalabas din ang likas na pagiging palpak ng ating gobyerno na tila ba ang dapat tungkulin at responsibilidad nila ay ipinasa na at pinasan na nating taumbayan.
Tignan niyo nalang, kada Brigada Eskuwela, kani-kaniya ang paglilinis sa mga silid-aralan, pag-aayos at pagkukumpuni ng mga upuan at gamit, pagbabaklas ng mga sirang bagay, pagpipintura ng dingding, pagdadala ng panlinis na materyales, pagpalit sa mga pinaglumaan nang mga gamit, at kahit ang pagbili ng mga kulang na kagamitan tulad ng electric fan.
Napakadami, hane? Pero hindi pa ‘yan ang lahat. Kumbaga sneak peak lang ‘yan ng mga nangyayari at ginagawa natin tuwing Brigada Eskuwela; napakahaba pa ng listahan ng mga ginagawa natin para lang maayos at mapaganda ang sari-sarili nating mga paaralan.
Sa sobrang dedikado nga natin tuwing Brigada Eskuwela, halos ma-dedo na tayo sa mga pinaggagagawa natin, ‘di ba? Pagtapos ng ilang araw at walang tigil na paglinis at pag-ako sa responsibilidad ng gobyerno, matinding pagod ‘yong nararamdaman natin. Madalas nga idinadaan nalang natin ‘yon sa mga selfie, video, Facebook post, tweet, IG post, at social media story para man lang maibsan ‘yong pagod tsaka guminhawa ang pakiramdam natin.
Pero kahit nakakapagod man, eh sa wala naman tayong choice kundi makiisa sa Brigada Eskuwela kasi wala naman tayong maasahan sa gobyerno natin, kaya ang boluntaryo sanang aktibidad ay naging obligasyon na. Isa pa, kapag natapos din naman tayo ay lalabas ‘yong likas na pag-iisip nating mga Pilipino na pagbubunyi na natapos na tayo.
Kaso lang, kahit idaan sa kahit anong positibong paraan at tignan sa maliwanag na lente, niloloko lang natin ang mga sarili natin tuwing Brigada Eskuwela. Bakit tinatakasan ng gobyerno ‘yong responsibilidad nila? Bakit natin pinapasan ‘yong tungkulin nila? Hindi naman masamang makibahagi sa mga paghahanda para sa pasukan, pero kung akuin na natin lahat na para bang wala tayong pamahalaan, hindi na sumisimbolo sa tulungan o ambagan o bayanihan ‘yang Brigada Eskuwela eh; lokohan na ‘to – harap-harapang bastusan na ‘to. Sinasampal na tayo ng realidad na binubudol tayo ng sarili nating gobyerno.
Reality check lang, paulit-ulit ginagawa kada taon ang Brigada Eskuwela na paulit-ulit ding sumesentro sa paghahanda sa pasukan at paulit-ulit na sinusuportahan nating mga Pilipino. Pero imbis na tumigil ay tila umuulit-ulit lang din ang mga problema at balakid at paghihirap na kinakaharap ng sektor ng edukasyon. Mas dumami ang mga kulang na silid-aralan para sa paparating na pasukan, marami pa ring mga sira-sira at pinaglumaang kagamitan sa mga paaralan, at kulang-kulang pa rin ang mga pasilidad at kagamitan para sa mas mabisa at kalidad na edukasyon.
At hindi na natin ‘yan kasalanan dahil matagal na nating nagawa ang parte natin tuwing Brigada Eskuwela at maging pagkatapos nito. Ang mga problemang patuloy na kinakaharap ng sektor ng edukasyon ay nag-uugat na sa pamahalaan dahil tinakasan nila ang kanilang responsibilidad na magbigay ng kalidad na edukasyon at ipinasa nalang sa ating ordinaryong mamamayan.
Kung tutuusin, napakadaming puwedeng gawin ng pamahalaan para mabigyang solusyon ang mga problema sa sektor ng edukasyon na hindi kakailanganing akuin ng taumbayan ang responsibilidad nila. Isang malaking hakbang ang paglalaan ng 6% ng GDP ng bansa sa edukasyon na international standard, na napakalayo sa kasalukuyang 3% GDP spending para sa naturang sektor. At isa ring hakbang ang pagtatanggal ng P150 million confidential at intelligence funds sa budget ng DepEd at paglatag nalang nito sa mga may pakinabang na proyekto ukol sa edukasyon, dahil hindi naman saklaw ng mandato ng kagawaran ang pambansang seguridad. Sa pamamagitan nito, maiibsan ang mga problema sa sektor ng edukasyon at makakapagdulot ng pangmatagalang epekto para sa ating lahat.
Sa paggawa rin ng mga nabanggit, ang nakagisnang Brigada Eskuwela na tila obligasyon at lubos na nakakamatay sa pagod ay babalik na sa orihinal nitong layunin; isang bersyon ng Brigada Eskuwela kung saan ang inisyatibo ay nagmumula mismo sa pamahalaan, ang pagtatrabaho ay pinangungunahan ng pamahalaan, at ang pakikilahok ng mga mamamayan ay tunay na boluntaryo at nakaugat sa kagustuhang tumulong sa pamahalaan at hindi sa pagsalo sa kanilang kapalpakan.
Pero hangga’t hindi ‘yan nangyayari at hangga’t wala tayong ginagawa para iyon ay mangyari, magpapatuloy ang Brigada Eskuwela kung ano siya ngayon: pagbabayanihan sa mata ng taumbayan pero pambubudol talaga ng pamahalaan.
Oo, testamento ang Brigada Eskuwela sa bayanihan ng mga Pilipino. Pero kapag inabuso na ang bayanihang ito para tayo ay mabudol, nagiging testamento na ang Brigada Eskuwela sa kapalpakan ng pamahalaan na tupdin ang responsibilidad nila na tugunan ang mga pangangailangan ng sektor ng edukasyon pati na rin ang kapal ng mukha ng opisyales ng gobyerno para ipasa sa atin at asahang aayusin natin ang mga kapalpakan nila.
Nakasanayan na nating gawin ang Brigada Eskuwela kada taon. Pero hindi naman lahat ng nakasanayan ay tama – ang iba, gaya ng nakasanayan nang pambubudol na ito, ay nararapat itama. – Rappler.com
Si Joshua Brian T. Buenviaje, 17, ay Grade 12 student ng Rizal National Science High School at miyembro ng kanilang pahayagang pampaaralan. Siya ay may interes sa mga sosyo-politikal na isyu at kadalasa’y nagsusulat ukol sa mga ito.
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.