2022 Philippine Elections

[OPINYON] Wala akong pakialam sa politika

Ralph Vincent Mendoza

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Wala akong pakialam sa politika
'Malaking salik ang politika sa araw-araw nating buhay. Sa ayaw mo man o gusto, apektado tayo ng bawat desisyong napagkasunduan at mapagkakasunduan pa ng mga nasa katungkulan.'

“‘Wag na kayong magtalo-talo. Kandidato lang ‘yan. Kahit sino naman manalo, nasa sa ‘yo pa rin naman kung mababago ang buhay mo e.”

Iyan ang madalas kong makitang litanya sa mundo ng social media — partikular sa Facebook — sa tuwing sumisilip sa comment section ng mga news article na ang nilalaman ay tungkol sa parating na halalan. O kaya’y kapag nagkakaroon ng malusog na pagtatalo ang dalawa kong kaibigan tungkol sa kani-kanilang kandidato. May biglang magmimistulang referee na sisingit para umawat. Tapos, babanggitin ang nasabing litanya. Ginagamit din ang litanyang ito sa oras na hainan ng malusog na kritika ang isang tao na nasukol sa debate upang depensahan ang kanyang desisyon o pagpili na nakasandig sa lisyang pamantayan at kaduda-dudang sanggunian.

Sa kabilang banda, hindi ko itatanggi ang katotohanan na may kakayahang ipinagkaloob sa atin para tayo ang magdisenyo ng sariling kapalaran. Halimbawa, kung babalewalain ko ang pagkakataon na mayroon ako ngayon para makapag-aral, malaki ang potensyal na hindi ko mabigyan ang sarili ng maayos na kapalaran sa mga susunod na panahon. Pero ang eleksyon ay hindi lang naman tungkol sa akin. O sa ‘yo. Tandaan na may mga sektor sa lipunan na pinagkaitan ng mga batayang pangangailangan at karapatan. Marami pa ring kabataan ang walang pagkakataon para makapag-aral sapagkat kinakailangang tumulong sa magulang dulot ng kinagisnang kalagayan sa buhay. Lalo na ngayong pandemya na nagpalala sa sitwasyong kalunos-lunos na’y mas naging kalunos-lunos pa. Matatandaan na sa ulat ng DepEd noong Agosto 2020, 23 milyon ang mga estudyanteng nakapag-enroll sa mga paaralan — pribado o pampubliko man. Halos mahigit dalawang milyon ang natapyas sa bilang ng mga estudyanteng nakapag-enroll noong 2019 na umabot sa 27.7 milyon. Ang isa sa itinuturong dahilan ng paglobo ng bilang ng mga out-of-school youth, pinansiyal na suliranin.

Kaya sa mga propesyonal at estudyante — lalo na ‘yung mga nasa kolehiyo — na nagsu-subscribe sa litanyang binanggit ko sa itaas, dapat siguro basahin n’yo uli ang dayalogo nina Ginoong Pasta at Isagani sa Kabanata 15 ng El Filibusterismo ni Jose Rizal. 

Must Read

#PHVote Guides for the 2022 Philippine elections

#PHVote Guides for the 2022 Philippine elections

Malaking salik ang politika sa araw-araw nating buhay. Sa ayaw mo man o gusto, apektado tayo ng bawat desisyong napagkasunduan at mapagkakasunduan pa ng mga nasa katungkulan. May kakayahan ang mga kandidatong maihahalal natin na idisenyo ang mga polisiya at batas na nakakiling sa uri na matagal nang pinagsasamantalahan, pinagkakaitan, at inaabuso. Kaya nga mahalaga ang pagdalo ng kandidato sa mga debate nang sa gayon ay madali nating matutukoy kung sino sa kanila ang may malinaw at kongkretong plano para masolusyonan ang isang partikular na isyu. 

Nasa kamay ng mga manunungkulan ang mga desisyon kung wawakasan ang kontraktwalisasyon; kung magbibigay ng abot-kaya pero de-kalidad na edukasyon at healthcare system; kung itataas ang sahod at ibababa ang cost of living; kung aalisin ang VAT at excise tax sa gasolina; kung bubuwagin ang Rice Tarrification Law na lubhang nagpapahirap sa mga magsasaka; kung ipapakulong ang mga pinunong lumabag sa karapatang pantao at nagnakaw sa kaban ng bayan; at higit sa lahat, nasa kamay nila kung magbibigay ng sistematikong tugon sa pandemya na nakasandig sa espiritu ng siyensya.

Kaya huwag magtaka kung bakit may mga kumikilos at nagsasalita para kalampagin ang mga nasa posisyon. O kung bakit maraming akademikong nilalabanan ang laganap na distorsyon sa impormasyon at kasaysayan. Normal sa mamamayan ng isang bansang demokratiko ang makisangkot sa mga isyung makakaapekto hindi lamang sa personal niyang buhay, kundi maging sa buong bayan. Ang hindi normal ay ang patuloy na maging kimi sa kabila ng laksa-laksang krisis. Sapagkat ang mismong hindi pagpanig sa kung ano ang tama at mabuti ay pagpanig sa kung ano ang mali at masama.

Matagal nang pinatunayan ng kasaysayan ang mga benepisyong ipinagkakaloob ng mga pagkilos at pakikisangkot sa mga isyung panlipunan at/o pampolitika para makamit ang kolektibong pagbabago. 

Must Read

#PHVote Challenge: Beyond voting, how to take action in the 2022 Philippine elections

#PHVote Challenge: Beyond voting, how to take action in the 2022 Philippine elections

Isipin mo: kung hindi nagsimulang mangialam ang mga manggagawa sa Estado Unidos noong 1886, baka hanggang ngayon ay lampas 8 oras pa rin ang maximum na oras ng trabaho. Kung hindi pakialamera ang mga babaeng Filipino noong 1937, baka puro lalaki pa rin ang mga bumoboto. Baka puro lalaki rin ang nasa gobyerno at baka walang maipasang mga batas na pabor sa kapakanan ng kababaihan gaya ng Republic Act No. 11210 o Expanded Maternity Leave Law. At kung hindi naglakas-loob mangialam ang milyon-milyong Filipino na dumalo sa Rebolusyong EDSA noong 1986, baka nasa ilalim pa rin tayo ng diktaturya.

Oo, hindi absolutong nasolusyunan ng mga pakikisangkot na binanggit ang mga suliraning panlipunan na hanggang ngayon ay sinusuong natin. Marami pa ring walang tirahan. Laganap pa rin ang korupsiyon at kagutuman sa kahit saang lupalop ng bansa. Tapos, ilang taon na lang, mararanasan na natin ang irreversible effect ng climate change kung hanggang 2030 ay hindi mapipigilan ang patuloy na pagtaas ng temperatura sa mundo.

Pero kung tuluyang susupilin ang sinomang nagtatangkang makipagdiskuso nang maayos sa mga umiiral na isyu, nabibigyan ng pagkakataon ang mga politiko na gawin ang mga bagay na para lamang sa kanilang personal na interes sa halip na paglingkuran ang sambayanan. Kapag hindi napulsuhan ang nagngingitngit na galit ng taumbayan, baka lalong nasadlak ang mundo sa mas malalang kalagayan na mayroon ito ngayon. – Rappler.com

Si Ralph Vincent V. Mendoza ay mag-aaral sa Leon Guinto Memorial College sa ilalim ng kursong Batsilyer ng Sekondaring Edukasyon-Filipino. Siya ay naging kontribyutor sa Rappler, Vox Populi PH, Aksyon: Dagli ng mga Eksenang Buhay; Balintuna: Mga Kwentong Kakatwa; at Lakbay: Mga Tulang Lagalag. Ang kanyang personal na sanaysay ay naging shortlisted sa kauna-unahang Gawad Rene O. Villanueva.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!