healthcare workers

[New School] Tungkulin ng puso: Pag-aatubili sa hamon ng medisina

Allyson Jann Camerino

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[New School] Tungkulin ng puso: Pag-aatubili sa hamon ng medisina
'Ang aking hiling at abela: kolektibong pagpapahalaga para sa dedikasyon ng mga propesyonal sa ating bansa na nagbibigay-kontribusyon sa pagpapanatili ng kalidad ng kalusugan ng bawat Pilipino'

Isa sa pinakamahalagang yugto sa buhay ng isang Pilipinong mag-aaral ay ang pagpili ng kurso para sa kolehiyo – isang simpleng desisyon na may kakayahang magdikta ng destino ng isang tao. Sa pagbubukas ng mga aplikasyon para sa mga unibersidad, maraming estudyante ang puno ng pananabik para sa kanilang mga pangarap na itinakda na mula pa pagkabata. Ang iba naman ay katulad ko na naglalatag pa lamang ng sariling landas habang sinasalubong ng mga hamon at bagabag hinggil sa hinaharap.

Ambisyon kong pasukin ang dakilang larangan ng medisina. Kilala para sa mapaghamong likas nito, tiyak na kailangan kong maglaan ng oras, lakas, at tiyaga upang makapagtapos at manatili sa taluntong ito. Matinding pagsisikap at pagsasakripisyo ang hinahangad sa mga propesyong medikal, kaya’t lubos kong pinagninilayan kung sapat ba ang aking adhikain upang magpatuloy o kailangan ko pa ng mas malalim na dedikasyon upang magtagumpay.

Ang diwa ng paglilingkod sa kalusugan

Bilang una sa aking pamilya na mag-asam na pumasok sa larangan ng medisina, tila pagtapak sa makabagong teritoryo ang aking pagtanaw sa tunguhing ito. Sapagkat limitado ang aking malalapitan na tagapag-gabay, halos mag-isa kong tinatamo ang pagpili ng aking kurso batay lamang sa aking mababaw na kaalaman sa medisina mula sa aking sariling pag-aaral. Ang aking persepsyon sa paksang ito ay hango rin sa ideyalismong inilapat ng lipunan tungkol sa kanilang propesyon.

Mula pagkabata, nakaukit na sa aking isipan na tinitingala ang mga medikal na propesyonal para sa kanilang pagpupunyagi sa mapaghamong trabaho sa layon na makatulong at makapaglingkod sa pangangailangang pangkalusugan ng mga Pilipino. Gayunpaman, sa aking pagtanda’y namulat ako na ang pasalitang papuri sa kanila ay hindi natatapatan ng pagpapahalaga sa kanilang propesyon pagdating sa kondisyon ng pagtatrabaho.

Subalit marami ang nakapagtatapos ng pag-aaral sa larangan ng kalusugan sa bansang Pilipinas, pinipili ng mga medikal na propesyonal gaya ng mga nars na mag-migrate sa ibang bansa na nag-aalok ng mas mainam na kabayaran at ganansya para sa kanilang propesyon. Sa kadahilanang ito, nagkakaroon ng kakapusan ang ating sariling bansa sa lakas-tao sa medisina.

Bilang isang estudyante, hindi ko mapigilang mag-alinlangan sa pagpili ng kurso sa larangan ng medisina dahil sa mga komplikadong aspeto nito mula sa edukasyon hanggang sa paghahanap ng trabaho. Sa dami ng mapagdadaanan mula pa lamang sa pag-aaral ng mabibigat na siyentipikong konsepto, madadagdagan pa ang aking pagkabahala sa mahirap na pagtatamo ng magandang trabaho sa Pilipinas. Gustuhin ko mang manatili sa aking bansang kinalakihan, ang mga oportunidad sa karera at ekonomiya sa ibang bansa ay tunay na makakatulong sa aking mga hangarin para sa aking pamilya at pansariling tagumpay.

Must Read

[OPINION] 5 thoughts about the Philippine healthcare system

[OPINION] 5 thoughts about the Philippine healthcare system
‘We give the world our best’

Kamakailan lamang, kumalat ang mga balita tungkol sa kasabihang “We give the world our best” na natagpuan sa isang bus sa London kasama ang litrato ng isang Filipino-British na nars na si May Parsons, ang kauna-unahang nangasiwa ng bakuna para sa COVID-19. Bagaman hindi pa umano opisyal ang nasabing tagline ayon sa Kagawaran ng Turismo, maraming Pilipino na ang naglahad ng halo-halong kuro-kuro at hindi pagsang-ayon sa konteksto nito.

Habang marapat na bigyan ng mataas na karangalan ang mga OFWs, kailangan ding harapin ang katotohanan na ang pag-alis ng mga magagaling at dedikadong indibidwal sa ating bansa o “brain drain” ay humihila sa ating ekonomiya at sistema ng pangangalaga sa kalusugan. Ang kinakailangan ng mga Pilipino ay hindi lamang mga salita, kung hindi mga konkretong solusyon at aksyon para sa pagkakaroon ng sapat na trabaho at maunlad na kabuhayan sa bansang kanilang kinabibilangan, sa piling ng kanilang mga pamilya at mahal sa buhay.

Sa murang edad na 16, dala ko ang hinaing at ambisyon ng mga kabataang nangangarap at mga indibidwal na nagpupursigi sa larangang medikal. Higit pa sa aking pansariling suliranin, itinataguyod ko ang pagbabago sa kasalukuyang kalagayan ng empleo sa larangan ng medisina. Ang aking hiling at abela: kolektibong pagpapahalaga para sa dedikasyon ng mga propesyonal sa ating bansa na nagbibigay-kontribusyon sa pagpapanatili ng kalidad ng kalusugan ng bawat Pilipino. 

Sa loob ng aking mausisang isipan, ang tanging umaaligid ay mga katanungan. Ilang destino kaya ang magbabago kung nabigyan ng sapat na suporta ang mga mahuhusay na propesyonal sa ating bansa? Matutugunan kaya ang agam-agam ng ating kapwa? Ilan kaya ang mga batang mangangarap at mananampalataya? Ang mga pagbabagong ito’y masasaksihan ko pa kaya? – Rappler.com

Si Allyson Jann L. Camerino, 16, ay isang mag-aaral ng SHS-STEM sa Pamantasang De La Salle. Siya ay interesado sa papel at tungkulin ng kabataan sa mga panlipunang suliranin, lalo na sa larangan ng agham, medisina, at teknolohiya.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!