Philippine languages

[New School] I love your Filipino accent

Juliana Talde

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[New School] I love your Filipino accent

Nico Villarete/Rappler

'Hindi kailanman magiging kahinaan ang pagkakaroon ng maraming wika sa Pilipinas'

Ang wika ay isang makapangyarihang salik na siyang nagbubuklod sa isang nasyon. Partikular na sa kung paano nagkakaroon ng diskusyon na siyang nagbubunga ng iba’t ibang bagay tulad ng pagbabago at pagkakaisa. Ngunit kung lubos na iisipin, sa napakaraming wikang mayroon ang Pilipinas, may dapat nga ba tayong ituring na superyor? Sa mga wikang nananaig sa bansa, may dapat na ba tayong limutin upang magkaroon ng pokus sa iisang wikang lilinangin ng lahat? 

Madalas na maging tampulan ng kutya ang mga kababayan nating nagsasalita ng Bisaya. Kwento nga ng kaibigan kong mula sa Cebu ay pinagtawanan siya nang mali niyang mabanggit ang salitang knowledge habang pinapangunahan niya ang pagdarasal sa isang programa. Dagdag niya pa sa akin ay para bang napilipit ang kanyang dila kung kaya naman naging matigas ang pagsambit niya nito, na nagresulta sa pagtawa ng marami.

Bagaman lahat tayo ay Pilipino ay tila nagkakaroon ng dibisyon sa tuwing mayroong nagtatanong kung saang probinsya nagmumula ang taong nakakasalamuha natin. Maaring ginagawa natin ito upang makahanap ng pakiramdam ng pagkakapareho mula sa ating kausap at magkaroon ng punto ng kaisahan. Ngunit sa ibang pagkakataon ay nagiging tanong ito dahil sa kakaibang intonasyon ng pananalita ng isang tao. Hindi ko na nga rin mabilang ang mga pagkakataon kung kailan naitanong ako kung saang probinsya ako nagmula. Masaya ko namang sinasagot na mula ako sa Western Visayas at memoryado ko na rin ang karugtong na sinasabi ng kausap ko, “Ah kaya pala, kakaiba kasi ang accent mo.” Sa puntong ito ay muli ko na namang iisipin kung ano nga bang mali sa pagsasalita ko. 

Mula sa mga teleseryeng napapanuod sa telebisyong nagpapakita ng mga kasambahay na mayroong matigas na tono ng pananalita ng Tagalog, hanggang sa pagpapakita ng depiksyon ng dayong tila nalilito sa lahat ng nangyayari sa kanyang paligid, masasabi na ang pananaw ng karamihan sa Luzon ay higit na nagpapababa sa mga nagmumula sa Visayas at Mindanao. Nagkakaroon ng konsepto ng pagiging superyor at nakatataas ang mga naninirahan sa ka-Maynilaan kaugnay na rin sa kung paano magsalita ang kanilang kausap, lalo na kung ito ay kakaiba mula sa kanilang nakagisnan. 

Kung lubos na bibigyang pansin, napakahalaga ng wika sa buhay ng maraming Pilipino. Hindi lamang ito instrumento ng pagpapahayag ng sarili o ng pagkikipag-usap ngunit isa ring tanda ng pagkakakilankilan at ng mapagpalaya nating pagkakaiba. Kung kaya naman hindi na dapat na nanaig ang pagkakaroon ng diskriminasyon o mababang pagtingin sa mga kababayan nating hindi maalam at bihasa sa pagtatagalog, lalo na rin sa Ingles dahil hindi lang ito ang wikang mayroon ang Pilipinas. Sa pagpapatuloy, mainam na makita ang kahalagahan ng wika sa pagkatuto ng mga mag-aaral lalo na sa primarya. Ang wika ang siyang nagiging tulay sa pagkatuto, at kung hindi mabisa ang paraan ng pagsasalin ng kaalaman sa mga mag-aaral ay para lamang tayong nagtatapon ng oras at kagamitan sa pagtuturo. 

Ang planong pagtatanggal ng mother tongue sa paaralan ay isang pagtapak sa pagpapayabong at pagpapaunlad ng napakaraming wika sa ating bansa. Para bang ang nais na lamang tunguhin ng edukasyon ay isaksak ang Ingles at iba pang aralin sa isipan ng mga kabataan sa halip na siguraduhing tunay itong nauunawaan ng mag-aaral. Dahil pa sa laganap na diskriminasyon sa kung paano nagsasalita ng Tagalog at Ingles ang mga taga-Visayas at Mindanao ay mas lalo lamang nagkakaroon ng apoy sa usapin ng pagtanggal ng mother tongue dahil mas nilalayon na maging bihasa ang kabataan sa pagsasalita ng Ingles sa halip na aralin ang wikang sinasambit ng lahat sa kaniyang komunidad. 

Must Read

‘Matatag’: DepEd launches ‘less congested’ K-10 curriculum

‘Matatag’: DepEd launches ‘less congested’ K-10 curriculum

Maliban sa Tagalog ay mayroon pang mga wika sa bansa na na siyang ginagamit ng mga Pilipino upang makipag-ugnayan; kabilang dito ay ang Cebuano, Ilocano, Hiligaynon, Waray, Bikolano, Kapampangan, Maranao, at marami pang iba. Kaugnay sa pagsasaad ng mga wikang ito ay dapat ring isipin na ang wikang opisyal sa Pilipinas ay Filipino na siyang nagpapatungkol sa napakaraming wika na mayroon tayo sa bansa. Ang ideya ng pagkakaroon ng Tagalog-centric na pag-iisip ay nagiging hadlang din upang mapaunlad ang ibang wikang nanaig. Bagaman malawakang ginagamit ang mga wika sa mga probinsya kung saan ito nagmula ay para bang pinapatay na agad ng Kagawaran ng Edukasyon ang matagal nang pagkakakilanlan ng ating bayan. 

Ang pagkakaroon ng Pilipinas ng maraming wika ay isang identidad nito na siyang nagpapakita sa kung paano tayo nagiging magkaiba ngunit nagkakaisa. Ang pagkatuto ay hindi rin dapat maikukulong sa midyum ng pagtuturo sa paaralan. Sa laging pag-aasam na makasabay sa pamantayang pambanyaga ay lalo lamang bumabansot ang ating sariling pagkatuto. Sa pagpupumilit na limutin ang ating pagkakakilanlan ay lalo lang tayong umaatras sa progresong nais nating tunguhin. Hindi at hindi kailanman magiging kahinaan ang pagkakaroon ng maraming wika sa Pilipinas ngunit isang kasalanan na isantabi ito upang makapasok sa ideya ng kagalingan ng ibang nasyon. 

Walang wika sa Pilipinas ang dapat na mapag-iwanan. Lahat ng wikang ginagamit sa tatlong malaking pulo ng bansa ay mahalaga at nararapat na bigyan ng karampatang suporta upang mapagyabong. Ang progreso ng mga usaping pambansa ay nag-uumpisa sa wika at sa kakayahan nitong magpaunawa sa masang Pilipino ng nararapat at ng mahalaga. – Rappler.com

Kasalukuyang kumukuha ng kursong Bachelor of Arts Major in Communication Arts si Juliana Talde sa Pamantasang De La Salle Maynila. Siya rin ay isang lider-estudyante at mamamahayag pangkampus sa nasabing unibersidad.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI