overseas Filipinos

[New School] Tungkol sa pagmamahal ng bawat magulang

Stephanie Agatha Gonzalvo

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[New School] Tungkol sa pagmamahal ng bawat magulang

MEMORIES. The author with her dad.

Contributed photo

'Ang pagmamahal sa Pilipinas ay dapat katulad ng pagmamahal ng bawat magulang – ang pagmamahal na walang ibang nais kundi ang pinakamakabubuti sa iyo'

“Dati bilog ka lang.”

Ito ang palagiang sambit ni Papa sa akin tuwing naaalala niya ang aking batang sarili. Mababalikan at makikita sa mga dating litratong kinuha niya. Ako ang paksa ng larawan, ang napakalusog na bersyon ni Dora. Tulad niya, kung saan-saan ako napapadpad, ngunit noon ay idinadaan at ipinapakita ko ito sa paglikha ng sining gamit ang makukulay na  krayola. Ang naging paborito kong guhitin para kila Mama at Papa ay ang aming family picture kahit stickman lang ito. Tulad ng kagustuhan kong gumuhit para sa kanila, sila rin dedikadong nagsasakripisyo para sa amin ni Kuya. Mula noon at hanggang ngayon, ang nangunguna sa aming isip ay ang isa’t isa. Ang bawat itinatahak na hakbang ay para sa pamilya. At isa sa naging pinakamalaking hakbang ay ang pagiging OFW ni Papa. 

Noong Mayo 2010, dumating ang araw ng unang pag-alis ni Papa. Hinatid namin siya sa airport kasama ang halos buong angkan. Damang-dama ang iyak ng kalungkutan, ngunit sinusubukang magpakatatag at tumahan. Sa kanyang pagdating sa ibang bansa, iilang beses sa isang linggo lamang kami nakapag-uusap gamit ang sinaunang Skype at Facebook. Hindi ko man naramdaman ang pagkukulang ng teknolohiya noon, pero higit pa ito sa sapat noong panahong iyon. Maraming kwento sa amin si Papa tungkol sa kanyang mga bagong karanasan sa ibang bansa. Sa kabila ng pagsubok, ni minsan ay hindi siya nagreklamo dahil alam niyang lahat ng kanyang sakriprisyo ay para sa amin. Bilang anim na taong gulang, naipaliwanag sa akin at naintindihan ko rin na kailangan nila Papa magtrabaho, kaya inatupag ko nalang kung anong dapat kong gawin, ang mag-aral nang mabuti. Kaya, hindi ko namalayan ang lungkot noong unang taon na wala si Papa. 

Ang pinakanangingibabaw sa aking alaala ay ang sorpresa ng kanyang unang pag-uwi. Ako ay sinikmura dahil sa nakalululang tuwa. Laking gulat sa akin na nakauwi siya para masabit ang aking akademikong medalya. Simula niyan, doon ko naramdaman ang pag-iwan sa akin ni Papa. 

Binalot ng lungkot ang bahay sa kanyang pangalawang pag-alis, at nasundan ito ng ilan pa. Mga ilang selebrasyon na walang litrato kuha at kasama si Papa. Ang tanging kasama sa family picture ay ang selpon na hawak-hawak ang mukha niya. Mga ilang sining at proyekto na hindi ko naipakita sa kanya. Hanggat sa tumanda na ako at nagkaroon ng ibang pinagkakaabalahan at libangan. Mga ilang pagtulog na hindi ko mayakap nang magkasama sila Mama, at hindi namin marinig ang malakas na paghilik ni Papa. 

Sa bawat taon na lumipas, nagkaroon naman ng seguridad at katahimikan ang buhay namin. Nakapagpundar sila Mama para sa komportableng bahay, magandang sasakyan, at iba pa. Habang wala si Papa, kami ni Kuya ay lumaki na, at sumabay din ang aming pangangailangan bilang  pamilya. Kaya gaano man kahirap ang mapalayo, itiniis ni Papa ang bawat araw nito para sa ikagiginhawa ng aming buhay. Lahat nga naman ng magulang ay naghahangad ng magandang  kinabukasan para sa kanilang mga anak. Dahil sa kawalan ng trabaho sa Pilipinas, marami ang naghahanap ng trabaho sa ibang bansa. Ang karagdagang kita ay nakapagbibigay-seguridad para sa edukasyon ng mga anak, mga medikal na gastos, at iba pang mahahalagang pangangailangan. Kaya kahit mahirap ang mangibang-bansa, nagiging magandang oportunidad ito para tugunan ang pangangailangan ng pamilya. Ito ang isinasaisip ng mahigit isang milyong Pilipinong nagiging OFW, kasama na si Papa. 

Habang ako naman ay laging napapaisip noon, ano kaya ang naging buhay ko sana kung hindi umalis si Papa? Ang daming posibleng nangyari at hindi ko na ito mabibigyan ng kongkretong detalye pa. Ang iniisip ko nalang ay ang naging bunga nitong landas na pinili nila. 

Must Read

‘Gone in a snap’: OFW families bear brunt of weak peso

‘Gone in a snap’: OFW families bear brunt of weak peso

Matapos ang limang taong pagtratrabaho sa ibang bansa, nakauwi si Papa noong Mayo 2015. Ang paglalakbay niya bilang OFW ay totoong hindi naging madali, ngunit ito ang nagturo sa amin ng kahalagahan ng pagpupursigi, pagtitiyaga, at pagsasakripisyo. Kung wala ito, hindi namin ganap na matatamasa ang nagbungang magandahang hinaharap. Sa aming mga sariling paglalakbay, ang bawat pagsubok ay patuloy naming pagtatagumpayan, at hindi namin ito haharapin nang mag-isa. Sa hamon ng buhay, kahit anong landas pa ang aming piliin, alam namin na ang pamilya ang nandiyan lagi at mananatili. Kahit man magkaroon ng mga hadlang, ibinubuo kami ng pagmamahal at pagsuporta nila Mama at Papa. 

Siguro nga kinailangan dayuhin ni Papa ang malayong lugar upang mapalayo ang mararating ng aming pamilya. Kahit ganon, wala akong naging bahid ng sama ng loob kanila Mama at Papa. Habang ako ay tumatanda, mas naunawaan ko pa nga ang kanilang paghihirap at pagmamahal sa amin ni Kuya. Mula sa panunuod ng Dora, ako ay naging ganap na Dora. Dahil sa kanila Papa at Mama, kung saan-saan na kami napupunta. Mula sa aking munting imahinasyon, kami ay nakarating sa mga lugar na may iba’t ibang tanawin at kultura. Sa aking personal na paglalakbay, marami pa akong lalakbayin at tatahakin. Walang kasiguraduhan ngunit umaasa sa magandang kinabukasan.

Ang sigurado ay sa oras na ako ay maging magulang na rin, hindi ako magdadalawang-isip na magsakripisyo at gawin ang makabubuti sa aking pamilya. Ngunit, hindi  ko hangarin ang mangibang-bansa at mahiwalay sa kanila. Kung gayon, saan nga ba ako mapupunta? Kung ang Pilipinas ay aalagaan at pauunlarin patungo sa maka-Pilipinong ekonomiya, mabibigyan ko pa ng magandang kinabukasan ang aking mga anak nang hindi nawawalay sa kanila. Ang pagmamahal sa Pilipinas ay dapat katulad ng pagmamahal ng bawat magulang – ang pagmamahal na walang ibang nais kundi ang pinakamakabubuti sa iyo. Ang pagmamahal na habang-buhay kong pagpapasalamatan kila Mama at Papa. – Rappler.com

Si Stephanie Agatha C. Gonzalvo ay kasalukuyang nag-aaral sa De La Salle University Senior High School-Manila. Siya ay mahilig lumakbay sa kanyang bungantulog at sa totoong buhay.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!