Philippine languages

[OPINYON] Buwanin mo ng wika ang mukha mo

Ralph Vincent Mendoza

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Buwanin mo ng wika ang mukha mo
'Para sa akin, ang pagdiriwang sa buwan ng wika ay parang marangyang kurtina lamang na ginamit ng pamahalaan para pagtakpan ang isang natitibag na dingding'

Binago na ng pandemya ang karaniwang daloy ng mga pagdiriwang. Malayo na sa kinasanayang tanawin noon. Kaya hindi nakapagtataka kung may mga kagaya ko na naninibago sa kawalan ng sigla at ingay na dulot ng Buwan ng Wika sa espasyong walang limitasyon ng mobilidad at walang banta ng salot.

Dati-rati, masasaksihan ang makukulay na palamuti sa mga entablado, klasrum, at bulwagan. Tampok din ang mga pambansang simbolo na nagpapakita diumano ng pagkamakabayan gaya ng barong at saya. Pati ang mga amoy tokador na salita sa bawat talumpati, naglalabasan. Parang nasa panahon nina Rizal uli ang mga tao. Tapos, susundan ng pagtatanghal ng mga estudyante. Sabay-sabay isisigaw ang kanilang piyesa para sa madulang pagbigkas, O kaya’y sasayaw sa saliw ng musikang “Tayo ay mga Pinoy” o “Dakilang Lahi.”

Gayunpaman, gaya ng negosyo, edukasyon, at libangan, sa isang iglap, nagawang maikahon sa pamamagitan ng teknolohiya ang naturang pagdiriwang. Sa katunayan, binaha noong mga nakaraang taon ang newsfeed ko ng mga sanaysay, tula, at dagli na isinulat ng iba’t ibang tao. Pati ang ilang dakilang politiko — na ni hindi mo man lang nakitaan ng tindig noon sa asasinasyon ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo — nanawagan na mahalin at pahalagahan ang sariling wika sa kanilang paskil kalakip siyempre ang malaking litrato ng kanilang pagmumukha. Nakisabay din ang mga Facebook page na nangunguna sa pamumulis ng wika. Idinikta kung paano gamitin nang tama ang isang salita sa isang partikular na pangungusap batay sa isang lente ng school of thought. Siguradong maraming maiimpluwensiyahan lalo na kung pasibo ang nagbasa.

Nabulabog din ang notification ko dahil sa mga tao na humihingi ng like o heart reaction para sa kanilang lahok sa isang kompetisyong pangwika na ang popularidad ay kasama sa criteria of judging. Na hindi naman pwedeng hindi pagbigyan. Lalo na kapag nakita mo ang larawan ng mga minamahal na Lakan at Lakambini ng Wika. Na lagi’t lagi ay sentro ng pagdiriwang (kahit ang totoo ay nalalabuan pa rin ako hanggang ngayon sa ugnayan ng pageantry at wika). Sa rangya ng kasuotan, sa kapal ng make up at blush on ng bawat kalahok, talagang mahihiya kang hindi man lang magbigay ng like o heart reaction.

Ngunit ang tanong: gaano katagal mananatili ang sigla at ingay sa mga ganitong gawain? Isang linggo? Isang buwan? Nakakalungkot isipin na pagkatapos ng Agosto, hindi na muli pa nating makikita ang anomang talumpati o paskil ng isang politiko na nakatuon sa isyung may kinalaman sa wika. Wala ka nang maririnig mula sa kanila na programa para palakasin ang kultura ng pagbabasa at pagsusulat, halimbawa. Sabagay, kung tradisyonal na politiko ka nga naman, parang kusa mo nang pinatay ang political career na ilang dekada mong pinaghirapan kung tuturuan mong mag-isip at magsalita ang mga tao. Sabi nga ni Jun Cruz Reyes: “Sambayanang walang alam sa sarili? Iyan ang gusto ng manlulupig.”

Isa-isa na ring maglalaho ang mga lokal na kompetisyon sa pagsulat ng mga akdang pampanitikan. Malamang sa malamang, kasabay na rin nitong maglalaho ang mga kalahok na hindi sinsero sa kanilang isinulat; sumali lamang sa ngalan ng gantimpala at parangal. Ang mga antigong salita na ginamit sa mga talumpati, ibabalik na uli sa tokador. Mangingibabaw muli ang mentalidad na ang kahusayan ay nasusukat batay sa kakayahang magsalita at magsulat nang maayos sa Ingles. Na ang sinomang gumamit ng wikang Filipino sa pagpapahayag ng saloobin ay may mababang uri ng talino at ang sinomang sumuway, rebelde. Mapapagalitan. Kaya ang mga estudyante, lalong nahihirapang makiisa sa mga gawain sa loob ng klase dahil sa mga polisiyang gaya ng English Only Policy

Ang mga diktador naman ng wikang Filipino, mananatili ang pagkahirati sa lipas at kupas na alituntunin na napulot nila mula sa bakuran ng social media. Ituturing iyon bilang gospel truth. Matatagalan pa siguro bago matuklasan na mayroon pang ibang perspektibong ginagamit upang suriin ang wika nang mas siyentipiko. Ang masaklap ay kung naging guro na’t lahat, hindi pa rin nagawang igpawan ang antigong alituntunin sa kabila ng mga bagong pananaliksik na nakahain. Tiyak na lalong lalago ang mikonsepsiyon sa wika. Samantala, ang mga Lakan at Lakambini ng Wika, ‘wag na lang nating pag-usapan. Ang mahalaga, may bago na silang display photo sa Facebook.

Kaya minsan ay hindi ko na mapigilang pagdudahan ang esensya ng Buwan ng Wika (lalo pa’t sa kabila ng mga pananaliksik na nagsasabing mabisang wikang panturo ang Filipino upang higit na matutunan ng estudyante ang isang aralin, pilit pa ring isinusulong ng kasalukuyang pangulo ang kanyang ideal na sistema ng edukasyong huhulma ng mga estudyanteng Inglesero). Ang mga mauunlad na bansa naman ay walang ganitong pakulo. Tayo lang sa buong planeta ang nagdiriwang para mabigyan diumano ng pagmamahal at pagpapahalaga ang ating wika. Ngunit magandang pagnilayan sa panahong ito na kung ang pagbabatayang pamantayan sa pagmamahal at pagpapahalaga sa sariling wika ay ang pagsasagawa ng pagdiriwang para dito, ibig sabihin ba niyon, walang pagmamahal at pagpapahalaga ang mga bansang hindi nagdiriwang ng buwan ng wika? 

Para sa akin, ang pagdiriwang sa buwan ng wika ay parang marangyang kurtina lamang na ginamit ng pamahalaan para pagtakpan ang isang natitibag na dingding. Na sa halip na ayusin ang dingding na nagsisilbing pananggalang mula sa panghihimasok ng tumitinding neokolonyalismo, dinekorasyonan pa iyon ng mga pambansang sagisag para ipangalandakan ang pagmamahal sa bayan. 

Kung sakali mang totoo ang multiberso, mas gusto kong matunghayan ang bersiyon ng Pilipinas na ang mga Pilipino ay nakakapagsalita gamit ang sariling wika nang hindi itinuturing na mangmang at rebelde sapagkat walang umiiral na polisiya sa loob ng bansa na kumikiling sa mga wikang banyaga kaysa sa berisyong ito na may nakalaan ngang isang buwan para sa dekoratibong pagdiriwang sa wika ngunit  pagkatapos naman ay muli nating mararamdaman ang pagiging alipin sa sariling bayan. – Rappler.com

Si Ralph Vincent V. Mendoza ay residente sa Atimonan, Quezon at kasalukuyang nag-aaral sa Leon Guinto Memorial College sa ilalim ng kursong Batsilyer ng Sekondaring Edukasyon – Filipino. Siya ay naging kontribyutor sa Rappler, Vox Populi PH, Aksyon: Dagli ng mga Eksenang Buhay; Balintuna: Mga Kwentong Kakatwa; at Lakbay: Mga Tulang Lagalag. Ang kanyang mga personal na sanaysay ay nakatanggap ng pagkilala mula sa Gawad Rene O. Villanueva at Gawad Pilantik 2022.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!