literature

[New School] Panitikan ng Pilipinas: Salamin ng isyu ng lipunan

Jennifer Lomboy

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[New School] Panitikan ng Pilipinas: Salamin ng isyu ng lipunan

Illustration by Nico Villarete

'Natatalakay ng panitikan ng Pilipinas ang mga ordinaryo hanggang sa mabibigat na isyu ng lipunan na magsisilbing sandata hinggil sa pang-aabuso sa ating karapatang-pantao'

New School features opinion pieces by young writers aged 19 and below, highlighting youth issues and perspectives.

Maraming pangyayari sa Pilipinas ang nananatiling nakatago. Makikita na nakakubli sa bawat sulok ng ating bansa ang mga isyung panlipunan na nararapat lamang na pagtuunan ng pansin. May iba’t ibang boses ng paghihirap, paninikil, pagpatay, diskriminasyon, hustisya, korapsyon, pangangamkam, at iba pang uri ng pang-aabuso sa karapatang-pantao. Isa pa, malawak ang kabuuang sakop ng ating bansa, maraming tao ang walang sapat na kakayahan patungkol sa mga nangyayari sa lipunan.

Dahil dito, malaki ang naging kontribusyon ng pag-aaral ng panitikan ng Pilipinas. Maituturing ito bilang bahagi ng yaman ng ating bansa. Isa sa mga instrumento upang maging mulat ang mga tao sa mga kasalukuyang nangyayari sa paligid. Hindi lang basta tinatawid ng panitikan ng Pilipinas ang kaisipan ng tao, tinutulungan din nitong maging malay sa kasalukuyang kaganapan ang mga mambabasa, na maaring maging daan sa mapagpalaya at makataong kaisipan. 

Inaangat o binibigyang-pansin ng panitikan ang mga kasariang nasa laylayan. Sa katunayan, wala namang mas mataas na uri ng kasarian, lahat ng ito ay pantay-pantay lamang. Ngunit, patriyarkal na lipunan ang Pilipinas. Inilahad ni Stearman (2004) sa kaniyang aklat na Modern World-Feminism na dominante ang kalalakihan sa ating lipunan, magmula sa pagkakaiba ng pisikal na anyo hanggang sa pagtingin sa iba’t ibang bagay.

Mahalaga ang pag-aaral ng panitikan ng Pilipinas dahil dito nagkakaroon ng kalayaan ang mga awtor na alisin ang hindi pantay-pantay na pagtingin sa kasarian ng bawat tao. Ito ay nagsisilbing boses ng mga kasariang marhinalisado. Bilang suporta, ang mga mensahe ng ilan sa mga babasahin ay taliwas sa itinalagang pamantayan ng lipunan. Ito ay nagpapakita ng katapangan sa usaping isinasantabi ng iilan. 

Pagkat lalaki ka, Anak,
Matuto kang umiyak.
Mapait langgasin ng luha ang gunita
O ang bagong sugat ng huling pagkadapa
Subalit malinis at subok ang bias
Ng luha sa pagtanggal ng mga mikrobyo
Sa isip, puso at buong pagkatao.

Sipi mula sa “Pagkat Lalaki Ka” ni Michael Coroza

Makikita sa bahagi ng tulang ito ang pag-alis sa nakasanayang pananaw ng lipunan; kung saan hindi nararapat umiyak ang mga kalalakihan.  Kadalasang nagmumula pa ito sa pamilya na dapat ay bumubuo sa pagkatao ng isang bata. Maririnig sa ating mga magulang na kapag umiyak ang isang batang lalaki, may kasunod agad itong pag-atake sa piniling kasarian ng iba. “Hindi umiiyak ang lalaki, bakla lang ang umiiyak, anak.” Dahil sa maling pagpapalaki, madadala ito ng isang bata hanggang sa siya ay tumanda. Kaya naman, karamihan sa mga lalaki ay takot magpakita ng emosyon. May batayan din pala ang pagiging isang lalaki? Sa totoo lang, walang masama sa pagpapakita ng emosyon, hindi ito maituturing na kahinaan dahil ang pag-iyak mismo ay nagpapakitang malakas ka. Ang mga lalaki ay tao rin naman, nananatiling bulag lamang ang lipunan sa dapat ay normal lang na katangian.

Must Read

London attackers had Molotov cocktails, tried to hire truck – police

London attackers had Molotov cocktails, tried to hire truck – police

Sa tulong ng panitikan, matapang na nailalahad ng awtor ang kaniyang kaisipan patungo sa mga mambabasa. Isa itong paraan para alisin ang maling pananaw na nakasanayan ng lipunang ating ginagalawan. Hindi dapat ibatay ang mga hindi kaya o kayang gawin dahil sa lalaki ka. Malaki ang ambag ng panitikan sa mga ganitong usapin dahil tinutulungan tayong maging bukas sa mga paksang hindi napapansin ng lipunan. 

Bukod pa rito, ang panitikan ng Pilipinas ay may kakayahang magbigay ng impormasyon sa kasalukuyang kalagayan ng mga Pilipino. Ang mga Bakwit ay nakararanas ng kaguluhan at pagpatay sa Mindanao. Tinanggalan rin sila ng DepEd ng sariling paaralang itinayo nila noong taong 2007 kahit pa gustong mapaunlad ng mga kabataan ang kanilang kaalaman. Sa pamamagitan ng panitikan, nalalaman ang nakakubli nilang problema. Sa kasamaang palad, sila ay nasa liblib na lugar at mayroong kakulangan sa pagpaparating ng kanilang kalagayan. Kaya naman, malaki ang gampanin ng panitikan ng Pilipinas sa pagbabahagi ng impormasyon ng mga Bakwit.

Sana kapag nabasa mo ito,
mga sundalo’y di na bumalik sa baryo.
Para sakaling ako’y kumustahin mo
masasabing mabuti naman ako.

Sipi mula sa “Awit ng Bakwit’ ni Vijae Alquisola

Dulot ng napakaraming digmaan, nagsisikap ang mga Lumad na unti-unting makabangon ang kanilang komunidad. Kaya naman, malaya ang mga ito na sumali sa lipunang makapagpapaunlad sa kanila. (Situational analysis of the Philippine Population, UNFPA 2005).

Must Read

The story behind the Cebu Bakwit schools

The story behind the Cebu Bakwit schools

Sa aking napanood na dokumentaryo at mula sa siping aking nakuha sa Awit ng Bakwit, ang panitikan ay ginamit nila sa pag-aasam ng kapayapaan sa kanilang lugar. Labis na kinakailangan ng mga Lumad na sila ay mapakinggan at matulungan patungkol sa pagkamkam ng mga paramilitary groups sa kanilang lupain. Ang mga kabataan na nagnanais makapag-aral at maibalik ang kanilang mga paaralan ay gumawa ng paraan para sila ay matulungan.

Maraming mga Lumad ang nagagawi sa kamaynilaan para maging boses ng kanilang komunidad. Kung tutuusin, kulang na kulang ang mga Lumad sa suporta ng gobyerno. Bagama’t mayaman ang kanilang kultura, maituturing ang kanilang pangkat bilang pinakamahirap sa Pilipinas. Isa ang panitikan sa ginamit nilang daan para maiparating ang hindi makataong karanasan nila sa kamay ng mga sundalong ang pangunahing hangad lamang ay ang pagmimina sa kanilang lupain. Ang mga indigenous people ang apektado sa kawalan ng lupa at hindi sapat na serbisyo. Gayundin ang pagsasawalang-bahala ng gobyerno sa edukasyon ng mga kabataang Bakwit. 

Ang mga Mangyan din ay isa sa mga indigenous groups dito sa Pilipinas na matatagpuan sa pulo ng Mindoro. Hindi lang pang-aabuso sa kanilang lupain at pagkitil sa buhay ang kanilang nararanasan, dahil maging ang diskriminasyon sa lungsod ay paulit-ulit nilang natatanggap. Makikita ito sa isinulat ni Jeng De Dios na pinamagatang, “Ako, Mangyan.” Isinasalaysay rito ang kanilang mapait na karanasan, magkaroon lamang ng pagkaing maihahandog sa kanilang pamilya. Hindi sila pinapasakay sa pampublikong sasakyan dahil itinuturing silang marurumi at mabababang uri. Ito ay karaniwang nangyayari sa kasalukuyan, hindi sila itinuturing bilang tao dahil inaalis ng lipunan ang kanilang karapatan. May pagkakataon pang sinasamantala ng iba ang kanilang kahinaan at kawalan ng pagkakataong tumanggi. Sa bahaging ito napatutunayan ang kahalagahan ng pag-aaral ng panitikan sa Pilipinas dahil nalalaman ng bawat isa na sa kabila ng paghihirap, mayroon pa ring pag-asa ang mga Lumad na balang-araw ay maipagtatanggol din nila ang kanilang lahi; na darating ang panahon na sila ay mapakikinggan at ang panitikan ang isa sa magiging daan para magkaroon ng boses sa lipunan. 

Must Read

[ANALYSIS] A lesson from the hills: Confronting sickness and infections among the Tau-Buhid

[ANALYSIS] A lesson from the hills: Confronting sickness and infections among the Tau-Buhid

Sa iba’t ibang sitwasyong nabanggit, malaki ang responsibilidad ng gobyerno na tulungan ang kapwa natin Pilipino. Ngunit may aksyon ba? Lalo lang nagpahirap ang pasistang rehimeng ito na siyang naging taksil sa sariling bansa. Maraming pinapatay dahil ang puno rin ay isang mamamatay-tao. Kung tutuusin, hindi isang krimen ang paglaban sa karapatan ng mga Lumad sa kanilang lupain. Walang kasalanan ang mga ito para mapagkaitan ng pagkakataong mabuhay.          

Ang Inkwentro: Antipasista ay ang boses ng bayang patuloy na nagdurusa sa rehimeng Duterte na ang dulot lamang ay ang pagpapahirap at patuloy na pagpatay sa mga inosenteng Pilipino. Ito ang pinakamahalagang dahilan kung bakit dapat pag-aralan ang panitikan ng Pilipinas — gisingin ang mga Pilipino sa ilalim ng isang berdugo. Ang panitikan ay maaaring maging isang paglaban. Paglaban, hindi lang para sa sarili kundi maging sa bayan. Natatalakay ng panitikan ng Pilipinas ang mga ordinaryo hanggang sa mabibigat na isyu ng lipunan na magsisilbing sandata hinggil sa pang-aabuso sa ating karapatang-pantao. Ang panitikan ng Pilipinas ang susi sa progresibong lipunan. – Rappler.com

Jennifer Lomboy is a 19-year-old college student at Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela. She dreams of being an English teacher someday.

Voices features opinions from readers of all backgrounds, persuasions, and ages; analyses from advocacy leaders and subject matter experts; and reflections and editorials from Rappler staff. 

You may submit pieces for review to opinion@rappler.com. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!