[New School] Hindi sagabal ang taong may kapansanan dahil lang sa sakit niya

Ronald De Guzman Jr.
[New School] Hindi sagabal ang taong may kapansanan dahil lang sa sakit niya
'Bakit sa lahat ng oras at panahon, ako ang dapat mag-aayos sa aking sarili para makilahok sa komunidad?'

Noong nakaraang taon, natalakay ko ang personal kong buhay bilang taong may autismo, at ang problema sa “inspiration porn.” Ngayon naman, itatalakay ko naman ang relasyon ng pagkakaroon ng kapansanan, at ang lipunan at mundo.

May tita ako noon na may “orthopedic disability” na kung saan gumagamit siya ng wheelchair bilang “assistive equipment” para sa pang-araw-araw niyang gawain. Naaksidente kasi siya bago pa ako isinilang sa mundong ito. Ngunit dahil sa kanyang kondisyon ay ‘di na muling nakabalik sa trabaho ang tita ko.

Aaminin ko noong ‘di ko pa alam na mayroon akong autismo at bipolar disorder, ‘di ko nauunawaan ang sitwasyon ng pagkaroon ng isinasabing mga sakit. Makitid ang aking utak noon tungkol sa sitwasyon ng mga taong may kapansanan tulad ng tita ko.

Ngunit noong nalaman ko na may bipolar disorder ako, onti-onti kong nararanasan ang sitwasyon ng tita ko. Bagamat ang sa akin ay isang “invisible illness” ay halos magkasingparehas lang ang sitwasyon ng tita ko lalo na’t may pagkatulad kaming karansan tulad ng estereotipo, pagtatangi, at diskriminasyon. At dahil nga sa akin ay isang “invisible illness” ay sinabihan ako ng aking magulang noon na huwag sabihin sa iba maski sa mga “school authorities” na mayroon akong sakit kahit na may oras na kailangan ko ng tulong.

Must Read

[OPINION] Persons with Disabilities are not here to inspire you

[OPINION] Persons with Disabilities are not here to inspire you

Noong una, iniisip ko noon na tila sagabal ang pagkaroon ng bipolar disorder at kinalaunan, autismo. Ni tila ang aking sakit ang dahilan kung bakit ‘di ko makakamit ang mga bagay na kayang makamit ng mga taong walang kapansanan.

Ngunit habang lumalaki ako na kung saan lumalawak din ang aking kaalaman, napapaisip ko rin kung bakit sa lahat ng oras at panahon, ako ang dapat mag-aayos sa aking sarili para makilahok sa komunidad kahit na ‘di ko makamit ang ibang mga kinakailangan ko upang gamutin ang aking sakit dahil nga sa kamahalan ng gastusin sa mga serbisyo, programa, at gamot upang mamuhay ako nang normal.

Realidad kung bakit may kapansanan

Paano makikilahok ang mga taong may kapansanan lalo na ang mga mahihirap sa kanilang komunidad kung gagastos pa sila sa kamahal-mahal na “disability-related cost” tulad ng “assistive equipment” at iba pang mga “disability support services?” Gaya ng isinabi ko, palagi-lagi na inaasikaso ko ang “disability-related cost” upang makisabay lang ako sa kasing-edad ko at mamuhay nang maayos. Mabigat sapagkat mahal ang ilang mga treatment tulad ng psychotherapy at gamot na kung kaya’t itinitipid ko ang paggastos sa mga ito kahit na maaari makasama pa ito lalo sa kalusugan ko.

Paano sila mag-aambag sa bayan at maging isang “asset” instead na “liability” kung ipinagkakait ang mga taong may kapansanan na magkaroon ng mga oportunidad tulad ng edukasyon, trabaho, at pamumuno sa gobyerno dahil lang sa kanilang kondisyon? Sa katunayan nga, kahit na may mga batas na nagpapahalaga sa mga taong may kapansanan tulad ng Accessibility Law at Magna Carta for PWD ay patuloy pa rin ang estereotipo, pagtatangi, at diskriminasyon sa kanila. Halimbawa rito ay ang kamakailang isyu tungkol sa maling paggamit ni Pantaleon Alvarez ng salitang “autistic” na siyang pinuna ng Autism Society Philippines.

Dahil dito, mas naunawaan ko na ‘di hadlang ang pagiging taong may kapansanan lalo na’t ito’y ‘di problema ng isang indibwal kung ‘di ito’y isang sistematikong problema.

Ikinondisyon tayo ng lipunan at ng materyal na mundo na ang pagkaroon ng sakit ay isang sagabal sa lipunan at mundo kahit na may iba sa mga taong may kapansanan ay maaaring maging potensyal na “asset” na kung saan mag-aambag sila sa bayan. Dahil doon, itinatanggi sila sa iba’t ibang oportunidad tulad ng edukasyon, trabaho, at pamumuno sa gobyerno at sa halip, nililimita sila sa “social welfare” at “charity services.”

Must Read

Living well despite having bipolar disorder

Ikinondisyon din tayo ng lipunan at ng materyal na mundo na ang mga taong may kapansanan ay walang ibang ipinagtutunguan kung ‘di kamatayan na kung saan dapat mawala na sila sa mundong ito o i-abandona sila upang mamatay sila nang mabilisan. Dahil doon, laganap ang mga kontrobersyal na isyu na kung saan itinatapak-tapakan ang karapatan ng mga taong may kapansanan tulad ng “forced sterilization for PWDs,” “forced euthanasia for PWDs,” at “involuntary treatment for persons with mental or developmental disorders.”

Ang pagbuo ng mga kaisipan na ito ay walang iba kung ‘di lapastangan sa mga may kapansanan tulad ko lalo na’t tila tingin nila sa amin na sagabal kami dahil lang mayroon kaming sakit imbis na ang mga hadlang na ibinuo ng lipunan at mundo tulad ng kawalan ng “reasonable accommodations” at serbisyo ang sagabal na siyang nagtutulak sa amin na ‘di maging produktibo sa lipunang ito. Sa madaling salita, ang dahilan talaga kung bakit nabuo ang salitang “kapansanan” o “disability” ay ‘di dahil sa medikal na rason kung ‘di dahil sa pagkait ng mga oportunidad na sana’y maging daan upang maging produktibo sa komunidad at lipunan kung binigyan man lang ang mga taong may kapansanan tulad ko ng isinasabing oportunidad.

Ang taong may kapansanan ay ‘di dapat itinitignan sa negatibong aspekto dahil lang sa kanilang kondisyon. Isa pa, dapat rin tanggalin ang mga hadlang na binuo ng lipunan at mundo.

Ngunit sa tingin ko, ‘di lang dapat reporma ang solusyon dito lalo na’t ang ikinakaharap naming mga taong may kapansanan ay isang sistematikong problema na matagal na ibinuo ng lipunan at materyal na mundo. Bagkus, ikinakailangan na pabagsakin at ipalit ang isinasabing sistema upang mamuhay kami na kasing-ayos ng mga taong walang kapansanan. – Rappler.com

Si Ronald G. De Guzman Jr. ay isang disability self-advocate. Siya ay kasalukuyang nag-aaral ng kursong BS Mathematics sa Unibersidad ng Pilipinas Baguio.