freedom of expression

[New School] Hanggang saan ang hangganan ng malayang paglalahad

Krisha Victoria Bal Krishen
[New School] Hanggang saan ang hangganan ng malayang paglalahad
'Ang kalayaang maglahad ay hindi nangangahulugang malaya tayo mula sa pananagutan'

Sa pagbubukas ng social media platforms, iba’t ibang anyo ng paggamit sa kapangyarihan ng malayang paglalahad ang tatambad sa social media users sa kaniya-kaniya nilang pag-su-surf sa kanilang mga news feed. Naging pampalipas oras, labasan ng sama ng loob, at maging panibagong mundo na ang social media para sa marami. Nakakalungkot man, ngunit naging kaakibat rin nito ang hindi na mawala-walang eksena ng hate speech sa nasabing mga plataporma. 

“Kaka-bike mo naging negro ka na, panget tignan ‘nak,” komento ng isang tita sa post ng pamangkin.

“Ang dami mong sinasabi, wala ka pa namang napapatunayan,” komento ng isang nakatatandang kakilala sa isang political post ng kaibigan.

“Sana ma-rape ka, puro pa-sexy pino-post mo,” komento ng isang propesyonal sa larawan ng isang aktres.

“Puro kabaklaan kasi tinuturo niyo sa mga kabataan ngayon kaya puro reklamo lang ang alam,” caption ng kamag-anak sa isang shared news article.

Ilan lamang ang mga iyan sa mga pahayag na natunghayan ko mismo sa pag-browse ko ng social media ngayong araw. 

Ang higit na nakababahala pa rito, kapag tinanong mo ang ilan sa mga aktibong kalahok ng social media sa kung ano ang problema sa mga pahayag sa itaas, ang kalimitang sagot nila ay nahuhulog sa tonong, “Wala, ganyan lang talaga sa internet,” at “Karapatan naman nilang sabihin ang kanilang opinyon.”

Must Read

[OPINION] Freedom of expression and online trolls

Tila ba naging bahagi na ng normal na daloy ng lipunan ang imahe ng hate speech sa social media at naging karaniwan na lamang ang mga pahayag na may tema ng cyber-bullying, racism, body shaming, misogyny, at homophobia. Ang ganitong uri ng mga pahayag ay may kaakibat na negatibong implikasyon at epekto hindi lang sa damdamin ng ating kapwa ngunit pati na rin sa kalidad ng diskusyon sa online platforms. Batid man ito ng marami, hindi pa rin ito nahihinto o nabibigyang solusyon, pangangatwiran nila – “I am entitled to my own opinion,” at “Freedom of speech ko ito.”

Hindi ko tuloy maiwasang pagbulayan kung hanggang saan nga ba ang hangganan ng malayang paglalahad. 

Sa paghahanap ko ng kasagutan napagtanto kong matagal na palang sinusubukan, at marami na ang sumubok na tukuyin ang limitasyon ng malayang paglalahad. Ngunit hanggang ngayon, dalawang daan at tatlong pu’t-isang taon matapos maisabuhay ang First Amendment, mistulang wala paring malinaw na linyang guguhit sa hangganan ng kalayaang maglahad. 

Ayon sa datos na inilabas noong 2021, tinatayang nasa pitongpu’t tatlong milyong Pilipino ang aktibong gumagamit ng social media kung saan ang 66.5% nito ay binubuo ng mga kabataan. Ang datos na ito ay ang bilang ng populasyon na nakatatamasa ng kalayaang maglahad, ngunit ang parehong bilang din na ito ay ang populasyon na nakasasaksi sa pabayang paggamit ng iilan sa kalayaang maglahad sa pamamagitan ng mapang-abuso, mapang-mata, at mapang-maliit na mga pahayag sa social media. 

Nagkalat ang mga social media influencers na ginawang kabuhayan at content ang pakiki-sawsaw at pakikialam sa buhay ng ibang tao online. Pagpapahayag lamang daw nila ito ng kanilang mga “opinyon” ngunit kadalasan ay may mga pagpapahiwatig at patutsada na ang mga ito sa sensitibong mga paksa na maaaring magdulot ng pinsala sa tao, relasyon ng tao, at hanapbuhay nito. Pangangatwiran nila? “I am entitled to my own opinion.”

Must Read

[OPINION] Toni Talk: What’s wrong with ‘respecting my opinion?’

[OPINION] Toni Talk: What’s wrong with ‘respecting my opinion?’

Ngayong nalalapit ang halalan, hindi na ata mawawala sa eksena ng politikal na diskurso at pangangampanya ang mga ad hominem na pag-atake sa mga kandidato at kanilang mga taga-suporta, kasabay ng naglipanang disinformation sa social media. Nakakalungkot lang at kung minsan ay nadadamay pa sa mga ganitong diskusyon ang kasarian, antas ng pamumuhay, at katawan. Pangangatwiran nila? “Freedom of speech.”

Ano na lamang ang maiiwang impresyon at leksyon sa mga kabataan ng pabaya nating paggamit sa demokrasyang makapagpahayag at maglahad? Na kahit anong sabihin nila, ayos lang dahil sa kalayaang likas na bahagi ng kanilang mga karapatan? 

Sa totoo lang, hindi naman kasi talaga masama ang kalayaang maglahad, bagkus isa pa nga itong biyaya at mahalagang kasangkapan sa pagsulong ng sangkatauhan at pagbalanse ng lipunan. Sabi nga ni John Stuart Mill sa On Liberty, dahil sa freedom of speech, nagkakaroon ng diskurso at nahahamon ang pag-iisip ng bawat isa. Dahil sa freedom of speech, nabigyan tayo ng layang magpahayag ng paniniwala, maglahad ng nararamdaman, bumatikos, maglabas ng hinaing, at lumaban sa mukha ng kawalan ng katarungan. 

Sa mata ng batas at lipunan, ang kalayaang maglahad ay bahagi na ng likas nating karapatan bilang tao. Gayunpaman, ang kalayaang ito ay hindi marapat na katwiran upang manghamak, mang-api, at manakit ng minorya o ng sinoman. 

Ang hangganan ng ating malayang paglalahad ay dapat naaayon sa kakayahan nating panagutan ang ating mga pahayag. At magsisimula ito sa sariling kagustuhang humakbang sa mapanagutang at responsableng paggamit ng demokrasyang tinatamasa. 

Dahil ang kalayaang maglahad ay hindi nangangahulugang malaya tayo mula sa pananagutan. – Rappler.com

Krisha Victoria Bal Krishen, 17, is a Filipino-Indian student in Ateneo de Manila Senior High School studying Accountancy, Business, and Management from San Fernando, Pampanga. She finds her purpose by conversing with others and expanding her worldview. In the future, she wishes to pursue law and be of greater service for the community.