inequality

[New School] Bakit peyborit ko ang mga kuwentong barbero?

Bernard Emil Barrera
[New School] Bakit peyborit ko ang mga kuwentong barbero?
'Minsan, mapapabilib nalang ako sa kanilang mga komentaryo dahil tunay na nakakapagpalawak ito ng pagkaunawa at pananaw'

“NAGBABAGANG BALITA: Utot na Nilagay sa Ref, TUMIGAS,” matawa-tawang banat ng isang manggugupit sa katahimikan ng barber shop,.

“Luma na ‘yan,” singit naman ng isang parokyano, “Narinig mo na ba ‘yong tindahan ng pampaswerte, minalas!” 

“Buntis na photographer, nakunan,” punchline naman ng isa pang barbero, “Ay ambot…kayo na gyud! (Ay ewan…kayo na talaga!) Mga kwentong barbero,” at binalot ng halakhak ang loob ng pagupitan.

Nakasanayan ko nang pumunta sa barberya isang beses kada tatlong linggo. Patakaran kasi sa aming paaralan noong hayskul na magpagupit ng “2×3” haircut o ang Filipino-Style Barber’s Cut tuwing unang Lunes ng buwan. Sa pangambang masita sa araw ng inspeksyon, mahigpit ko itong sinusunod. Kalaunan, naging bahagi na ito ng aking buwanang kalakaran maski hanggang ngayon.

Hindi ka nga naman talaga maiinip sa loob ng barberya. Kung hindi ‘80s new wave hits at mga modernong remixes, pagkalakas-lakas na teleserye at mga pelikulang aksyon ang maaabutan sa loob. Kadalasan, suki rin sila ng mga balitang panlipunan at usaping pampulitika na maririnig sa isang istasyon ng radyo. Marahil nga’y kung tungkol lamang sa pinakalatest update sa laban ni Pacquiao o mga palabas na patok sa takilya, sila ang pinakatamang lapitan. 

Gayunpaman, isang bahagi lang ito ng buhay sa loob ng barberya. Kung nasa kondisyon ang mga manggugupit, makakasaksi ka ng isang case analysis ng mga pambansang paksa sa pagitan ng mga barbero. Sa maniwala kayo o hindi, magagaling silang mga kritiko. Hindi magkamayaw ang balitaktakan ng argumento, interpretasyon, at sentimiyento nila tungkol sa mga pinakamalaking mga balita tulad ng pork barrel fund scam, agawan sa Scarborough Shoal, kamakailang sakuna, at iba pa. Minsan, mapapabilib nalang ako sa kanilang mga komentaryo dahil tunay na nakakapagpalawak ito ng pagkaunawa at pananaw. 

Must Read

[OPINION] Stop the inequality virus!

[OPINION] Stop the inequality virus!

Tulad ng ibang kabataan, mayroon akong suki roon. Siya ay si Kristian, ang pinakabatang manggugupit sa barbeyang iyon. Ka-edad ko siya, dyesinwebe noong ako’y fourth year bago ito tawaging ikasampung baitang sa programang K-12. Ito siguro ang dahilan kung bakit sa dami ng manggugupit, pinakakomportable ako sa kaniya. Naaalala ko pang una ko siyang naabutan sa barber shop na iyon bilang tagalinis hanggang maging ganap na manggugupit. Halos dalawang taon din niya akong ginupitan. Karaniwan, mga mobile games na pareho naming nilalaro kagaya ng Mobile Legends ang laman ng aming pag-uusap. Napakapayak at ordinaryong barkada ang tingin ko kay Kristian.

Dahil pareho kaming mahiyain, karaniwang maikli lamang ang diskusyon namin. Mapalad na kung aabot ng limang minuto. Uupo ako sa sulok kung saan ang puwesto niya, ipapakita ang litrato ng gusto kong gupit, uumpisahan niyang tabasan ang gilid-gilid ng aking buhok, at saka ko sasambitin ang all-time favorite intro ko, “Sino’ng hero na ang ginagamit mo?” at kung may paksang kawili-wiling pag-usapan, doon lamang ito masusundan. Ganito man ang siste namin, mayroong natatanging pagkakataon na hinding-hindi ko malilimutan. 

Iyon ay ‘yong kauna-unahan niyang tinanong kung saan ako nag-aaral. Sinagot ko ang kaniyang tanong saka dagdag na magtatapos na ako ng programang K-12. Tinanong niya kung ano ang kukunin kong programa sa kolehiyo. Sinabi kong balak ko magmedisina sa UST. Nakita ko ang pagkamanghang bakas sa mukha niya at sabay kabig pabalik ng tanong. 

Dito ko napag-alaman na si Kristian ay mula pala sa Cebu na lumuwas sa kalakhang Maynila. Siya ay nakapagtapos na ng Grade 10 ngunit dalawang taon na siyang huminto sa pag-aaral gawa ng kakulangan sa piskal na kakayahan. 

“Wala pa kasing arep (pera). Ta’s pagtatapusin ko pa mga kapatid ko,” ani niya. 

Pabiro man niya itong sinabi, ibang katapatan ang naramdaman ko sa bawat salitang lumabas sa bibig niya. Dahil dito, pinili niya makipagsapalaran sa maingay na siyudad, mag-isa at malayong-malayo sa pamilya. Dagdag niya na gawa ng panibagong programang K-12, kailangan niya naman kumuha muli ng panibagong dalawang taon upang tanggapin ng mga unibersidad. 

Must Read

[OPINION] Life is unfair

[OPINION] Life is unfair

Tinanong ko kung babalik pa ba siya sa pag-aaral. “Oo naman! Babalik ako sa Cebu ta’s magsi-seaman,” sagot niya nang may may kasamang ngiting puno ng pag-asa.

Dito ko napagtanto na bagaman pareho ang aming mga edad, magkaibang-magkaiba ang aming mundo. Habang ang pagpasok ko sa barberya ay isang bagay na hinimok ng motibong magmukhang #gwapings o naman kaya’y #heartthrob, kay Kristian, isa itong paghahatol ng kaniyang pangarap na makapag-aral muli. Ito ay pagpapasya ng kaniyang kinabukasan at hinaharap ng kaniyang mahal sa buhay.

Siguro, totoo nga na lahat tayo ay may bente-kwatrong oras sa isang araw. Makatwiran ring sabihin na ang takbo ng buhay natin ay ayon sa kung paano natin ito gagamitin pang-araw-araw. Gayunman, hindi oras ang batayan ng katuparan sa kabiguan ng pangarap o ang matiwasay sa maalong pamumuhay dahil kahit pantay man ang oras na ibinibigay sa atin, iba’t ibang pagkakataon ang nakabukas sa bawat isa. 

Sa aking isipan naglalaro na habang ang tanging hinaing ko lamang ay ang dami ng akademikong gawain at kakulangan sa tulog, may Kristian pala na kumakayod ng sampung oras maghapon upang maranasan ang walang hirap at mapalad kong natatamasa pang-araw-araw. Ang edukasyon na malayang nakahain sa akin ay kailangan paggugulan ng iba. Parehong bente-kwatrong oras, magkaibang oportunidad upang umunlad. 

Tinanggal na niya ang telon at pinahiran ako ng hair gel. Kinuha muli ang pang-ahit para sa finishing touches, pinagpag ang natirang mga buhok, at sabay sabing, “Gwapings ka na, lodi!” Nag-abot ako ng tip, nagpasalamat, at umuwi bitbit ang kaniyang kuwento. Hindi sing-pulido tulad nang nakaraan niyang gupit pero sulit at makahulugan ang pakiramdam ko sa pag-upo roon sa kaniyang sulok na pwesto. 

Makalipas ang sunod na buwan, nabalitaan kong bumalik na si Kristian upang umuwi sa Cebu. Tatlong buwan pa ang lumipas at nagsarado ang barberyang iyon. 

Malamang iba-iba ang pakahulugan natin sa kuwentong barbero. Sa karamihan, ito ay mga kuwentong walang katunayan at pawang sabi-sabi. Kung minsan, ito ay ‘yung mga mahirap paniwalang mga balita na naghihintay ng katibayan. Sa pinakapambihirang pagkakataon naman, maaari itong pagpulutan ng mga praktikal at tunay na karunungan ng buhay at marahil ito ang dahilan kung bakit peyborit ko ang mga kwuentong barbero. – Rappler.com

Si Bernard Emil N. Barrera ay isang mag-aaral ng Faculty of Medicine and Surgery ng University of Santo Tomas. Kung hindi siya nag-aaral o nagbabasa sa umaga, malamang tambak ang gawain niya sa gabi.