2022 Philippine Elections

[New School] Kinalimutan ‘nyo kami

Isaac Gonzales
[New School] Kinalimutan ‘nyo kami
'Dapat pinalaki 'nyo na lang kami na mangmang at hindi pinapasok sa mga paaralan kung ayaw 'nyo kaming magising'

Dalawang araw bago ang eleksyon, sinubukan kong kumbindishin ang nanay ko na iboto si Leni Robredo. Isiganawa ko ito sa matino at maayos na paraan. Inuna kong intidihin ang panig niya. Nagtanong ako kung bakit siya ang kaniyang napusuan. Hindi ako isang hater ni Ping Lacson. Kung hindi ko lang alam ang mga ibang credentials ni Leni Robredo, hindi malabong mangyayari na susuportahan ko din si Ping. Gayun din ang balak ko noong una sa aking nanay. Na baka makumbinsi ko siya na mas magiging epektibo ang kaniyang boto kung pipiliin si Leni. Nagbabakasakali ako. 

Ngunit sa unang salita ko pa lamang ay hostile ka na sa akin. Sinabihan lang kita ng katagang, “Ma, gusto kita kausapin sa eleksyon sa Monday.” Binara mo agad ako ng, “Bakit?” na ang tono ay para bang nadidismaya ka. At totoo nga, nadismaya ka nga. Na kinain na ako ng politika. Habang sinusubukan kong kausapin ka nang matiwasay at maayos na paraan, tsaka mo ako sinambitan ng salitang, “Bakit parang kailangan kong ipaliwanag sayo ang boto ko?” 

Iyon ang tunay na nagpaiyak sa akin. 

Na hindi mo ko kayang pakinggan kahit lumapit ako sa iyo nang sobrang pagmamahal. Hindi mo alam gaano kasakit na marinig ang mga katagang iyon. Na para bang wala kang pakialam sa kinabukasan ko dahil walang saysay ang pagmamakaawa ko sayo na ipaliwanag sa akin na bakit si Ping. Wala nga kay Ping ang problema ko – nasa iyo. Ang katotohanan na hindi mo ko pinayagan na sabihin ang opinyon ko dahil sarado na isipan mo. Sino bang anak ang hindi iiyak dahil sa tinanggalan siya ng boses na isalba ang kaniyang kinabukasan? 

Akala ko ay iyon na ang pinakamalalang salita na magpapaiyak sa akin, ngunit nagkamali ako nang lubusan. 

Must Read

[New School] Marcos’ victory is the price of elite democracy

[New School] Marcos’ victory is the price of elite democracy

Ni-redtag at pinagbantaan mo pa ako na, “Ano? Baka matulad tayo kay Loren Legarda nan.” Bihira akong umiyak, ni “Son of God” na paulit-ulit nating pinapanood tuwing Holy Week ay wala nang epekto sa akin sa mura kong edad na pito. Sa segundong binitawan mo ang mga salitang iyon, hindi ko na alam paano muli kang tingnan sa mga mata. Hindi ko alam kung dahil ba sa poot, hinagpis, o halo ng dalawa ang rason para dun. 

Habang hagulgol na lang ang maririnig sa pamamahay, ipinaulit-ulit ko ang tanong na kung bawal na ba talaga kitang kumbinsihin. Kahit hindi na kita makumbinsi, basta mapagisipan mo ulit ang mga kandidato mo. Hinangad ko na baka may kakarampot, kakaunting parte diyan sa puso mo na pakinggan ako at ang hiling ko dahil kapag pinagisipan mo ulit, para bang mararamdaman mo na binigyan mo pa ako ng pagkakataon na mabuhay sa magandang kinabukasan. 

Masyadong magandang pakinggan para magkatotoo. 

Hindi ‘nyo alam gaano kalala at kamakasalanan ang pagsarado ‘nyo ng isipan, tenga, at mata sa boses ng kabataan na nagmamakaawa, naghuhumikahos na bigyan kami ng tyansa upang ipagtanggol ang aming kinabukasan. Hindi ako papayag na unti-unting pinunit ang aming kinabukasan sa aming harapan na kabaliktaran ng pagpunit ng sedula ng mga bayaning Pilipino sa makasaysayang Pugad ng Lawin; ang pagpupunit nila ay para mayroon silang kinabukasan samantalang ang pagpunit ‘nyo ngayon ay kabaliktaran, tinatanggalan kami ng kinabukasan. 

Hindi lamang ito tungkol kay Bongbong, Leni, Ping, at iba pang kandidatong tumatakbo. Ito ay tungkol na sa inyong pagkatao. Pilit ‘nyong tinatapon sa basurahan ang mga sinasabi naming mga kabataan. Ayaw niyong kilalanin ang pagkakamali ‘nyo na ayaw niyo kaming pakinggan kaya may uupo na naman na Marcos. Hindi ‘nyo ba naisip na maaaring maranasan natin ang pangalawang yugto ng kawawa at ginahasang Pilipinas o sadyang kinain na kayo ng pagiging ignorante at ganid ‘nyo? 

Must Read

[New School] Why majority of overseas Filipinos in Taiwan support Marcos

[New School] Why majority of overseas Filipinos in Taiwan support Marcos

Bakit kayo ganyan? Bakit ang bilis makalimot ng mga nakatatanda sa mga lagim ng nakaraan? Gustong gusto nilang maliitin ang kabataan. Nariyan lamang sila kung kami ay nakakakuha ng matataas na grado sa eskwelahan, nakakapasok sa mga prestihiyosong paaralan, at nananalo sa mga patimpalak. Ngunit sa segundo na lumayas kami sa gapos ng nakakasakal na sistema ng edukasyon ay pagsasambitan na kami ng mga salitang “nanlaban” o “aktibista.” Sabihin ‘nyo sa akin: Ano ang punto ng pag-aaral namin kung puro kuda lamang kami ng kuda at walang aksyong ginagawa? Madaming laman ang utak na teorya at konsepto pero hindi maaaring gamitin para sa kapakanan ng lipunan? Dapat pinalaki ‘nyo na lang kami na mangmang at hindi pinapasok sa mga paaralan kung ayaw ‘nyo kaming magising sa nakakasulasok na sistema ng pamumuhay natin. 

Anong karapatan ‘nyong mga matatanda na tanggalan kami ng pag-asa para sa mas magandang Pilipinas? Marahil inggit lang kayo dahil hindi ‘nyo ito maabutan, pero hindi namin kasalanan na sumabay kayo sa agos ng korapsyon sa bansa. 

Oras na para kami’y pakinggan, sa ayaw at sa gusto ‘nyo. Kung ayaw ‘nyong sumamang tumindig para sa kinabukasan natin dahil “madami pa kaming matututunan,” “hindi namin alam ang aming mga ginagawa,” at “kabataan lamang kami,” kami na mismo ang magpapanday at titindig para sa kinabukasan nating lahat. Hiling na lamang namin ay huwag ‘nyong hintuin ang mga yapak namin patungo sa mas magandang Inang Bayan na bigo ‘nyong nakamit noong henerasyon ‘nyo. Kung pumayag kayo na kalimutan ang halaga ng eleksyon, pwes aalalahanin namin bawat segundo kung paano ‘nyo kami dinala sa delubyo. 

Sa pakikiisa namin sa mga gawaing aangat sa mga kababayan naming nasa lansangan, hinahayaan namin maging target kami ng estado at gobyerno para i-redtag. Bilang isang anak ng magulang na ninakawan ng kinabukasan, sana alam ‘nyo na may pananagutan kayo pag nadakip ako.

Must Read

[New School] My post-election crossroads

[New School] My post-election crossroads

Pagod na kaming kabataan na patahimikin. Pagod na kaming hindi seryosohin. Pagod na kaming nakawan ng pagkakataon upang lumaban at ipaliwanag ang aming panig. 

Tulad ng sinabi at tumatak sa akin noong pinag-aaralan namin ang Noli Me Tangere ng guro kong Marcos apologist, lubos na atang mahalin ng Pilipino ang kanilang mga pamilya at kinalimutan na mahalin din ang kaniyang Inang Bayan.

Sinampal sa akin ng halalan ngayong taon kung gaano nakakasuklam, nakakapanlumo, at nakakapamatay ang kalakaran sa ating bansa. Na minsan hindi natin napagtatanto, kasama na pala tayo o di kaya ang mga m(in)ahal natin sa buhay sa mga suspek kung kaya’t patuloy na umiiral ang nakakapanggalit na tatsulok sa ating lipunan. 

Ito ang tinig ng isang kabataan na nais ang pagbabago sa sistema dahil ayaw kumilos ng mga nakatatanda. Aangkinin na namin ang responsibilidad upang isalba ang bansang iyo na pinabayaan ‘nyo. Kami ay kabataan, handang tumindig para sa bayan. – Rappler.com

Isaac Gonzales is a student scholar who has been proudly writing as a campus journalist for seven years and counting.