[OPINYON] Kapit, kapitan, kapit

Joselito D. De Los Reyes
Maraming gustong tumakbo. Mahigit isang milyong katao. Marahil, isa sa bawat 50 botante sa bansang ito, kandidato. Nagmamalaking madaling lapitan, madaling kapitan si Kapitan.

 

 May status ako sa Facebook noong Abril 18. Narito: 

Bago ko papasukin sa bakuran namin ang mangangampanyang kandidato para sa barangay elections, dahil teacher ako, magpapa-quiz muna ako sa kanila: 

Test 1. Enumerate at least three major functions of a Punong Barangay as stipulated by the Local Government Code. 

Test 2. Can a Punong Barangay overrule an approved ordinance by the Sangguniang Barangay? Discuss your answer in no more than 5 sentences. Cite the specific provision/s you used. 

Test 3. Based on the latest law reinstating the Sangguniang Kabataan, how much of the annual budget can be utilized for the Gender and Development program by a pamahalaang barangay that has a PhP 7.5 million Internal Revenue Allotment using the 55%-45% annual budgetting formula of RA 7160 and COA? Show your solution, encircle your final answer. 

(Share ninyo kung gusto ninyo, bahala kayo) 

Hindi ko masasabing nag-viral, pero marami-rami na ring nag-share. Habang isinusulat ko ito, mahigit 1,000 na. May kulang-kulang 2,000 na ring reax (like, ha ha, sad face, wow, heart-heart). Marami na, ubod nang dami na ring namirata na parang kanila ang status, kumpleto pa sa citation. (Sa totoo lang, hindi ko naman ipinagdadamot talaga dahil naka-public at puwedeng-puwede namang i-share, o kaya mag-attribute man lang, pero pinirata at inangkin pa, hayup na ’yan.) 

Maraming natuwa batay sa comment at maraming nag-tag kung kanikanino na ewan ko kung kumakandidato, o baka may kinamumuhiang kandidato sa eleksiyong pambarangay dahil umagang-umaga kung makapambulahaw sa kampanya. May legit na nagsalin na rin sa Tagalog dahil humingi ng pahintulot sa akin.

Masayang biro lang ang status ko sa Facebook. Sige, may ulterior motive din naman ako, kahit papaano: baka nga sakaling magbuklat-buklat ng libro ang mga kandidato, mag-download ng Local Government Code (LGC) of 1991. Baka sakaling mag-aral, magtanong-tanong. Baka sakaling paghandaan ang papasukang problema. 

Barangay ‘lang’ naman

Sino nga ba naman ang magbibigay ng quiz sa kandidatong ang karaniwang ibino-broadcast tuwing kampanya ay mga segunda- o tersera-klaseng pangako ng kapayapaan at kalinisang mula pa sa panahon ni Kopong-kopong? Kesyo pananatilihing malinis ang nasasakupan sa pamamagitan ng pagbabawal sa pagpapatae ng aso sa kalsada at paglalagay ng poster na may nakasulat na “Tapat Ko, Linis Ko”; ipatutupad nang maayos ang curfew sa kabataan; magpapaliga ng basketball nang walang magaganap na rambol; magpapatigil sa nagbi-videoke pagsapit ng alas-diyes ng gabi; sisiguraduhing may gamot sa botika ng barangay kung may botika nga sa barangay, et cetera.

At ’pansin ninyo ba, pinapansin na kayo ng dating supladong kapitbahay na kandidato pala? Hintayin ninyong matapos ang eleksiyon, “hu u kau?” muli kay neighbor. Lalo’t talo.

Maraming gustong tumakbo. Mahigit isang milyong katao. Marahil, isa sa bawat 50 botante sa bansang ito, kandidato. Nagmamalaking madaling lapitan, madaling kapitan, si Kapitan. 

Mistula kasing madaling pamahalaan ang pinakamaliit na yunit-politikal sa bansa. Barangay lang naman kasi. Halos magkakakilala lahat ang mga tao. May mga simple at praktikal na problemang dapat masolusyonan agad. Maliliit na proyekto. Payak na batas na dapat ipatupad tulad ng curfew, oras ng pagtatapon ng basura, no-parking zone, at iba pa. Mistulang madaling pamahalaan. Pero sa totoo lang, hindi. 

At ito mismong pag-aakalang madaling i-govern ang barangay baka kaya naman maraming nag-aambisyong tumakbo na lagi nang nagkukubli sa mga slogan na sila ay laging maaasahan o maglilingkod nang tapat, matapang, na kesyo may kakayahan at integridad. O dahil popular kasi santambak ang kumare at kumpare mula sa kaliwa’t kanang inaanak sa kasal, binyag, kumpil, Boy Scout. 

Hindi madaling maging kapitan (na, mind you, hindi “kapit” ang salitang-ugat; ang kapitan ay mula sa salitang Latin na “capit,” literal na nangangahulugang ulo, hindi kapit, as in kapitan ng talaba) ng barangay. Walang oras kapag kailangang pumagitna sa away, tumugon sa krisis at pangangailangan. Maliit ang suweldo at napakadaling masangkot sa kontrobersiya, aberya, at gulo. Idagdag pa ang takbuhan at kinakapitan ng mga magpapakasal, namatayan, magpapabinyag, hihingian ng matrikula ng anak ng may anak.  

Tapos, kailangan pang kumilos, dumiskarte, at magdesisyon nang naaayon sa batas, lalo ang LGC at ng santambak na ipinag-uutos sa memo ng COA. 

Mana-mana

Bilang dating naglingkod sa barangay, ehem, at nakakita nang malapitan sa pamamahala ng ilang kapitan sa mga barangay sa lungsod at kanugnog-lungsod namin noon, nagtataka ako noong una kung bakit napakaraming gustong sumabak sa eleksiyong pambarangay sa kabila ng komplikasyon. Hindi lang basta kumandidato, gumastos, at minsan, taya pati buhay. Nagtataka ako noon.

Ngayon hindi na. Nariyan kasi ang usapin ng kapangyarihan gaano man ito kalimitado. Mikrokosmo ng pamahalaang pambansa ang barangay: may ehekutibo (si Kap) kasama ang sandatahang lakas ng mga tanod (batuta, silbato, arnis, baril paminsan-minsan) at mga barangay health workers; may lehislatibo (ang mismong sangguniang barangay, in session, sa pagbabalangkas ng kauutusan at kapasiyahan o ordinance and resolution); at hudikatura (lupong tagapamayapa). At sa bawat sangay na ito, may mumunting poder na dapat proteksiyonan. (BASAHIN: Perks of barangay officials)

Kaya naman maraming kapitan ang “namana” na ang posisyong pinrotektahan na ng ninuno. Posisyon at ang kapangyarihang kasama nito, pati ang pondo gaano man ito kaliit, na ipinamana ng ama o lolo na akala mo birthright na nila ang puwesto. May mga barangay na parepareho ang apelyido ng kapitan at mga kagawad hanggang Sangguniang Kabataan at tanod ex-o. (BASAHIN: Practical questions on SK law’s anti-dynasty provision)

Ang munting kapangyarihang ito ang pinakamumutya kapag sumapit na ang halalang pambansa. Nagagamit ni meyor, ni kongresman, at ni gobernador ang “grassroots” na kapangyarihang ito. 

Ang mga naglilingkod kasi sa barangay ang daluyan ng proyekto ng mga pulitikong pambayan, panlungsod, at panlalawigan. Sa kanila rin dumadaloy ang kampanya kapag ang mga opisyal na ito naman ang kumandidato. Kampihan system. Totoo ’yan. 

Tanungin mo ang mga kandidato

Ilang araw na lang, eleksiyon na naman. Tatlo o mahigit pang taon ang titiiisin mo kung iboboto mo ang nagpainom lang sa iyo ng alak pero alam mo namang hindi magtatrabaho. O nag-invoke sa inyong pagiging magkatuwang na ninong dati sa binyag o sa Boy Scout. Bahala ka.

Ang sa akin lang, puwede na ring seryosohin mo na rin ang aking quiz. Mabilis lang namang mahanap sa Google at i-download ang LGC. Basahin mo dahil naroon ang kanilang silbi. Tanungin mo ang mga kandidato, i-interrogate mo kapag nag-house-to-house sa inyo. 

Pagkakataon mo na habang kampanya. May ilang araw pang natitira. Pagkakataon mo na habang friendly pa sila. Kahit luma o recycled, ipadetalye mo pa rin ang kanilang plataporma. Hindi lang puro porma at pag-display sa tarpaulin na may niretokeng kara. – Rappler.com  

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Dati siyang barangay secretary at naging chief of staff ng Liga ng mga Barangay sa isang lungsod sa Metro Manila.