US basketball

[OPINYON] Sa kabila ng krisis ng coronavirus

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Sa kabila ng krisis ng coronavirus
Ang hirap maghangad ng masama sa kapwa, pero hindi ko magawang hindi isiping sana mabutas lahat ang botelya ng rubbing alcohol at amagin sana lahat ang face mask na sinugapa nila

 

  Sa kabila ng lahat ng ito, gusto ko sanang sumulat ng magandang kuwento naman. Kaya ang ginawa ko, naghanap sa internet, sa mapagkakatiwalaang sources tungkol sa brighter side of this crisis. Halimbawa, kung malapit na bang matuklasan ang vaccine, o kung ano ang dapat gawin sakaling tamaan ng salot, mga karanasan at ninja moves mula sa mismong survivors.  

Sa vaccine development, napakaagresibo ng reseach, pero kung ihahambing sa bilis ng paglaganap ng sakit, mabagal. Napakabagal. Akala ko kasi parang sa mga apocalyptic na pelikula lang ang lahat. Iyong tipong sa huling sandali ng pagkumot ng virus sa sangkatauhan, matutuklasan ang mistikal na vaccine. Tapos, iineksiyonan ang lahat; tapos, in a matter of minutes, gagaling. Tuloy ang mankind. Tagumpay ang mankind. Hindi pala sa tunay na buhay. Napakabilis na ang isang taon. O, gaya ng kapangahasan ng ilang kompanya, ilang buwan lang kaya na raw, bago pa masabing may subok na subok nang pangontra sa salot. 

At least ngayon, malapit na ang paglaganap ng murang testing kits na na-develop ng unibersidad na rally nang rally, UP.  

Magandang balita rin kahit papaano ang maraming bilang ng nagsigaling na. Ang iba sa kanila, isinalaysay ang kanilang ordeal. Bagamat gusto kong magtira ng agam-agam sa mga istoryang ito. Iba-iba kasi ang kakayahan para sagupain ng katawan natin ang salot na ito, iba-iba rin ang health care system, or sometimes the lack thereof, sa bawat bansang dinapuan ng sakit.  

Sa atin, hindi pa natatanghal ang istorya ng nagsigaling. Mas natatanghal ang pagkalat, ang bilang ng pinaghihinalaan, dinapuan, namatay; natatanghal ang paraan at sistema (again, or the lack thereof) para hindi na lumaganap ang sakit na kumitil na, as of this writing, ng mahigit 4,000 tao sa buong mundo. Na sana ay hindi na madagdagan pa. (I-BOOKMARK: Novel Coronavirus Outbreak: News, Advisories, Explainers)

Marami sa mga kakilala ko ang Team Bahay ngayon hanggang – hanggang kailan nga ba? Sino ang makapagsasabi? Marami sa mga Team Bahay na ito ang nakatunghay sa social media para maghintay at maghanap ng balita – legitimate source man o hindi – para gamiting reference sa ikikilos nila hanggang humupa o masugpo ang sakit. Kung kailan nga ito, ito ang mas masakit na pag-usapan. Pero huwag na lang muna. Kasi nga positive vibes ang hangad ko. 

Wala pa tayong mapaghuhugutang karanasan para mataya kung sapat na ba ang ating paghahanda. Hindi ito katulad ng bagyo na may signal number at nata-track sa satellite at radar. Hindi ito katulad ng lindol na may aftershocks kapag lumipas na ang pinakamalakas na pagyanig. Sa dalawang kalamidad na ito, kayang sabihin ng dalubhasa na the worst is over. 

Kasi nga hindi nga natin alam kung hanggang kailan ito. Ayokong gawing padron ang nangyari sa Wuhan o sa kabuuan ng Tsina. Lagi akong duda sa impormasyong nanggagaling sa kanilang pamahalaan. Ayoko namang gamitin ang karanasan ng Singapore o Taiwan o South Korea. Malayo sa health care system natin ang sistema nila. Besides, mas may laman ang bungo ng mga pinuno doon. 

Hindi ko magawang maghanda for the long haul. Una, dahil hindi naman talaga natin alam kung hanggang kailan nga ito. Ikalawa, wala namang panghanda. Iyong kapirasong contingency fund ko, wala na. Ipinambili ng bitamina at maintenance drugs para sa akin, para sa asawa ko, at para sa biyenan ko. Ipinambili ko ng mga monosodium glutamate-based na pampalasa at de-lata para puwedeng ihalo sa gulay na inaani dito sa lalawigan. Tsk, alam ko, unhealthy living. Priority ko muna ang maging alive hanggang malagpasan ito. 

Narito ako ngayon sa lalawigan. Kanselado ang klase ko sa matandang unibersidad sa matandang lungsod ng Maynila. Kanselado pansamantala ang cloud campus, isang internet platform kung saan kami puwedeng magturo. Kanselado dahil kailangan munang mag-settle sa isang komportableng estado ng self-quarantine o limited engagement sa labas ng kanilang mga bahay. Paano nga naman makakapag-aral kung kakaba-kaba dahil inoobserbahan ang sarili at mga kasama? Kung sino ba sa nakasalamuha noon ang positibo sa sakit ngayon? Ganoon din naman kami. Propesor man ay tao rin, lalo sa panahong itong kaliwa’t kanan ang ligalig. 

Maging dito man sa bayan kung saan kami naroroon ng pamilya ko, magpapatupad ng self-quarantine, lalo’t dumagsa ang galing sa Kalakhang Maynilang hindi muna makakapasok sa kanikanilang trabaho o sa unibersidad na pinag-aaralan. Malay ba kung sino doon ang carrier? Kaya ang masayang bayang masaya kahit Mahal na Araw, kanselado pati ang itinatanging festival, ang Pahiyas. Sa isang taon na muli magdiriwang ng pasasalamat sa mabiyayang ani mula sa mabiyayang lupa – again, kung matatapos agad ang salot na ito. Sana. 

Sana matapos agad para ang may maruruming kaluluwang nang-hoard ng rubbing alcohol at surgical mask para ibenta sa napakataas na halaga, malugi. Ang hirap maghangad ng masama sa kapwa, pero hindi ko magawang hindi isiping sana mabutas lahat ang botelya ng rubbing alcohol at amagin sana lahat ang face mask na sinugapa nila.

***

Okay, sige, susukuan ko na muna. Wala akong malinaw na kuwentong positibo hinggil sa krisis na ito. Ako man ay nangangapa, pinapapayapa ang sarili, inihahanda sa kawalang katiyakan ng buhay na ito. Sa akin humuhugot ng lakas ng loob ang pamilya ko. Dapat mabakas sa akin ang kumpiyansa, na focused ako kahit na, sa totoo lang, maraming alinlangan. 

Mag-iiwan na lang siguro ako ng ilang tagubilin: 

Ngayong ipatutupad ang limitadong pagkilos natin upang maiwasan ang pagkalat ng salot, payo ko, makipag-ugnayan nang madalas sa minahamahal sa buhay na malayo sa inyo by way of texting, tawag, PM, video call. Kayang-kaya ninyo yan. Madalas ngang magpakalat ang marami sa atin ng balitang walang batayan. Pansin ko nitong mga huling araw, umuusok ang mga kinabibilangan kong chat group ng mga forwarded messages na ang mga detalye ay unproven at unfounded. Mag-iingat sana tayo. Dahil sa panahong ito, ang malinaw at totoong impormasyon ay sandata na rin para labanan ang sakit na ito. 

I-personalize ang pangungumusta. Bukod sa pag-aalaga sa sarisarili, magkumustahan ang mga Team Bahay. Magbigay ng update. Makipagbiruan online. Malaking bagay na ang mabalitaang maayos ka. Hindi mo alam kung anong gaan sa alalahanin nila ang malamang ligtas ka pa rin. Makatutulong ang kapanatagan ng loob para harapin at malagpasan ang pagsubok na ito. 

Basahin ang mga biniling aklat na ipinangako sa sariling babasahin kapag nagkaroon ng sapat na oras. Tumuklas ng ibang karunungan.  

Sa kabila ng lahat ng ito, magpatuloy tayong magpakatatag at magpakatao.

Dahil higit nating makikilala ang ating mga sarili at ang ating kapwa pagkatapos nito. Mag-iingat kayo. Kalingain ang kapwa. Sa pagkakaalam ko, ang kaligtasan ng iyong kapwa ay makatutulong din para ka maging ligtas.  

Isipin at unawain ang bawat sandali dahil may matututuhan tayong lahat sa nangyayaring ito. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing program ng Unibersidad ng Santo Tomas. Concept creator siya dati ng isang masayang palabas sa telebisyon. 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!