[OPINYON] Sa panahon ng krisis, hinay-hinay sa isine-share

Joselito D. De Los Reyes
[OPINYON] Sa panahon ng krisis, hinay-hinay sa isine-share
Maging masinop. Huwag lang puro screen-grabbed at forwarded messages.... Manatiling nakatapak sa katotohanan ng laban na ito na, masakit mang isipin, wala pang katiyakan kung kailan matatapos

 

  Dahil sa dami ng oras at suson-susong pangamba, manipis at maramdamin ako ngayon. Lalo’t nakaharap sa Facebook at nakabuyangyang sa newsfeed ko ang mga balita. Kaunting buyo lang, napipikon; makabalita lang ng hindi maganda, nagngingitngit, nagagalit, o napapraning para sa aking sariling kalusugan at kalagayan ng pamilya ko; makalanghap lang ng kahit katiting na positibong balita buhat sa mapagkakatiwalaang source, ipapamahagi.

Halos hindi ko na makilala ang sarili kong mapanuri, mabagal, laging nagninilay-nilay sa maaaring implikasyon ng anumang ise-share ko, o sa mga status ko na, sa kabila ng madalas na kakuwelahan at pang-aasar o maximization ng sarcasm, ilang ulit sumailalim sa komplikadong pag-eedit at pinag-isipan nang husto. Naks. 

Noon, ipinangako ko sa sarili ko, hindi dapat ako ang taong click muna bago think. Kapag naaanyayahan akong magsalita sa mga paaralan at unibersidad, lagi kong ina-advocate ang responsible social media use. Ipinapaliwanag ko ang dynamics ng herd mentality ng mga influencers of the private and public types, lalo sa bansang itong adik na adik sa social media. Tinatalakay ko rin na ang number of followers ay hindi tagasunod kung hindi number of subscribers lang naman talaga sa account ng kahit sinong may social media; na ang thread ay madalas nagiging batayan ng mga social media lurkers para maghanap ng katuwiran o papanigan, kaya lagi kong pinaghuhusay ang diskurso kahit na troll ang sumasagot sa kabilang dulo. Kapag nai-raise ko na ang point. Block. Singkahulugan ng drop mic. 

Mistulang alam kong lahat ito. Katunayan ang pagbuo ng social media dynamics bilang elective subject at pagtuturo ko ng New Media sa graduate school ng antigong unibersidad na pinaglilingkuran ko. Ang saya ko habang itinuturo ko ito noon. Sabay-sabay kami ng mga MA at PhD students ko na tumutuklas ng karunungan sa tulong ng mga awtoridad at practitioners na inimbitahan namin (karamihan ay kinulit ko lang talaga para dalawin kami sa klase with an ungodly schedule of Saturdays, 8-11 am). Last semester iyon. December last year ang katapusan ng huling semestre. Nito lang. Katatapos lang. Pero sa dami ng nangyari, para bang napakatagal na ng lahat. Napakatagal na. Ang laki na ng itinanda ko mula noong Disyembre hanggang ngayong tinitipa ko ito. Hindi talaga sa edad nasusukat ang tanda, sa dami ng dapat tinandaan. At sa dami ng dapat kong matandaan, may ibang gusto ko nang kalimutan. O iisang-tabi muna.

I practice what I preach. Maingat ako. Dumaraan sa maraming layers ng pagkilatis kung mapagkakatiwalaan ang impormasyon bago ko i-share, bago ako magkomento o pumuna. Friendly ang mga status ko. Funny most of the time. Polite madalas kahit umuusok na ang malalaking butas ng ilong ko sa galit. Kailangan kong maging mabuting halimbawa kung paano irerespeto ang platform na kinahihibangan ng maraming Pinoy. 

Iyon ay kung hindi ganito ang panahon.  

Kunsabagay, walang mag-aakalang sasapit tayo sa ganito. Stranded sa loob ng kani-kanilang bahay, mansiyon, o barong-barong para mapahupa ang salot sa paglaganap, habang kaliwa’t kanan ang pagpapa-testing ng mga asymptomatic na senador at matataas na opisyal at sipsip sa pamahalaan.  

Marami tayong time. Lalo’t hindi naman apektado ang serbisyo ng kuryente at telcos. Lalo’t narito pa rin ang platform ng karunungan at pagmamangmang: ang social media. Pero hindi ito ganito kadali. Apektado rin ang ating pagkatao sa tuwing haharap tayo sa monitor ng gadget na kargado ng mabigat na damdamin. Dito nagiging epektibo ang nagpapakalat ng maling balita. Sa panahong ito, kahit na ang inaasahan ko minsang mapagnilay na indibiduwal ay nabibiktima rin ng maling impormasyon. Kaya nga, di ba, manipis at maramdamin ako ngayon. 

Gaya ninyo, marami rin akong Facebook group. Bawat facet ng social existence ko ay may kinapapaloobang grupo. Mahilig ako sa vintage watch? Check. Grupo na mahilig sa isang brand ng relo? Check. Dito pa lang, sa variety pa lang ng mga relo, ilan na agad. Puwera pa ang pagkahilig ko sa fountain pen. Ibang grupo pa rin. High school at elementary FB groups? Meron. College? Meron lalo. Sa trabaho? Lalo na. Bawat committee na kinabibilangan ko – believe me, marami ito – may kinaaaniban akong grupo. Iba pa ang writers’ at literary orgs na kinaaaniban ko rin. Marami. Kaydaling maging bahagi ng birtuwal na grupo sa panahong ito. 

Kung hindi ko ia-unfollow o imu-mute ang mga grupong kinabibilangan ko, mistula na sigurong orchestra ang tunog ng notifications ko sa dami ng walang magawa kung hindi mag-forward ng balita at impormasyon. Hindi nakapagtataka. Saklot tayo ng pangamba at kawalang katiyakan. Hindi rin ako magkandatuto kapapaalalang fake news ang kanilang nai-share. Lalo kung ang paksa ay mga tungkol sa mga secret cure sa COVID-19. Mabentang-mabenta ang mga ganitong uri ng disimpormasyon. 

Sa ngayon, ang sinusundan ko ay ang mga legitimate – meaning, may pananagutan sakaling mali ang ibalita – na news agencies. Nakalulungkot nga lang isipin na ang mga nagbabalita man at mga tao sa likod ng produksiyon ay unti-unti nang nababawasan dahil sa panganib na dulot dun ng COVID-19. Mabuti’t may mangilan-ngilan pang nagko-cover ng balita dito sa ating bansa. (BASAHIN: My heroes, our journalists)

Bueno. Ngayon higit kailanman, be informed. Armas din sa panahong ito ang tama at sapat na impormasyon. Maghanap ng matatalino at may pinagbabatayang opinyon at haka-haka hinggil sa sitwasyon natin. Huwag manalig lamang sa isang source. Narito na rin lang tayo sa masalimuot na internet, humanap na rin tayo ng ibang pang panggagalingan ng maayos na balita. Alam ko, sa paghahanap natin ng pag-asa, napakadali nating maniwala sa mga impormasyong susuporta sa ating pinananaligan: lilipas din ito, mawawala o magagamot ng vaccine. (BISITAHIN: Novel Coronavirus Outbreak: News, Advisories, Explainers

Maging masinop. Huwag lang puro screen-grabbed at forwarded messages. Tamang humanap ng positibong istorya para gumaan ang pakiramdam natin, pero magtira ng espasyo sa isip na nananatiling nakatapak sa katotohanan ng laban na ito na, masakit mang isipin, wala pang katiyakan kung kailan matatapos. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing program ng UST. 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.