Francisco Balagtas sa panahon ng FB

Vim Nadera
Mas maiintindihan ng bagong henerasyon na na-Napoles ang pondo ng bayan sa Kongreso at hindi na si Adolfo ang tauhan kundi sina 'Tanda, si Pogi at si Seksi' batay sa 'social media'

Nitong Abril 2, 226 na taong gulang na si Francisco Balagtas.

At, mas malamang kaysa hindi, agad tayong puputaktihin ng katawa-tawa’t kakatwang reaksiyon sa panahong ito ng Facebook at iba pang social media.

Mula sa inosenteng: “Balagtas who?” hanggang ignoranteng: “Weno ngayon?”

Si Francisco Balagtas lamang naman po ay ang ating Pambansang Makatang pantapat natin kay William Shakespeare ng Inglatera!

Mula nang magkaroon ng Proklamasyon Blg 926, ipinagdiwang na ang Araw ni Balagtas tuwing ikalawang araw ng Abril. Para sa 2014, iniayon ang selebrasyon sa paksang Bayan, Bayani, at si Balagtas.

Muling dinakila natin si Balagtas sa 3 lunang mahalaga sa kanya.

Una, inuna pa rin sa Pandacan, Maynilà. Doon siya tumira noong 1835. Doon niya nakilala si María Asunción Rivera o ang kanyang Musang itinago niya bilang Selya na matatagpuan sa pasakalye ng Florante at Laura. Pero, ayon sa mga anak, ang M.A.R. talaga ay si Maria Ana Ramos. Ano’t ano man, naipakulong pa rin si Balagtas ng maykaya niyang karibal kay Rivera na si Mariano Capule. Pinaahit daw niya ang buhok ng kanyang kasambahay. Sa bilangguan, naisulat ang kanyang obra maestra sa Tagalog samantalang ang panitikang naghahari noon ay Espanyol!

Minsan pa, nag-aalay ng bulaklak ang Komisyon sa Wikang Filipino, National Book Development Board, National Historical Commission of the Philippines, at National Commission for Culture and the Arts. Nagtanghal ng sipi mula sa Florante at Laura ang piling mag-aaral ng Maynilà, bago ang susing pananalita ng bagong “Ama ng Maynila” na si Kagalang-galang Joseph Ejercito Estrada.

Ikalawa, isinunod ang Bulacan. Ang Bigaa ang kasalukuyang tinatawag na Balagtas, Bulacan. Sa baryo ng Panginay, siya ang naging supling ni Juan Baltazar na isang panday at ni Juana de la Cruz na isang maybahay. Si Felipe ang kanyang kuya at sina Concha at Nicolasa ang kanyang mga ate. Nag-aral siya sa isang paaralang pamparokya. Namasukan siya bilang boy sa pamilyang Trinidad  sa Tondo. Pinag-aral siya ng teknolohiya, pilosopiya, at batas sa Colegio de San Juan de Letran kung saan niya naging guro sina Mariano Pilapil at José de la Cruz o Huseng Sisiw na naghasa sa kaniyang pagtula.

Sa kauna-unahang pagkakataon, lumabas sa Pandacan ang KWF, Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas, at Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo sa pagpupugay kay Balagtas. Ngayon lamang nagkaroon ng “Biyaheng Balagtas.”

Tatlong bus ang tumulak sa Balagtas, Bulacan. Nag-alay ng bulaklak sina Kagalang-galang Romeo Castro at ng pamahalaang bayan ng Balagtas. Pinamunuan ni Kagalang-galang Roberto Añonuevo, Direktor Heneral ng KWF, ang paggagawad ng Dangal ni Balagtas kay Teodoro Antonio. Doon hindi si Teo ang nagputong kundi siya ang pinutungan!

Tayo ang naatasan, o nautusan, na bumasa ng in-email na tugon ng naturang kasalukuyang “Hari ng Balagtasan”: “Inilarawan ni Balagtas ang kanyang lipunan na “isang madilim gubat na mapanglaw” na “sa loob at labas ng bayan kong sawi/ kaliluha’y siyang nangyayaring hari./Kagalingan bait ay nalulugami/ininis sa hukay ng dusa’t pighati.”

Kung iuugnay ito sa nangyayaring “pork barel scam” ay di na ito maiintidihan ng bagong henerasyon. Mas maiintindihan nilang na-Napoles ang pondo ng bayan sa Kongreso at hindi na si Adolfo ang tauhan kundi sina “Tanda, si Pogi at si Seksi” batay sa “social media” o talastasang pangmandla.”

Ikatlo, inihuli ang Bataan. Tumuloy siya sa Balanga noong 1840, dalawang taon matapos niyang ipalathala ang Florante at Laura, upang maging tagasalin sa hukuman at tagasulat din ng mga komedya sa mga pista ng bayan. Pagkuwan, nagtrabaho siya sa Udyón, o Orion ngayon, bilang Juez Mayor de Sementera at Teniente Mayor, nagpakasal kay Juana Tiambeng noong ika-22 ng Hulyo 1842, nagkaanak ng 11, at namatay noong ika-20 ng Pebrero 1862 sa edad na 73.

Kaya pagka-pananghalian, tumungo ang caravan sa Bataan. Hindi lamang ito pag-aalay ng bulaklak sa pamumuno ng alkaldeng si Kagalang-galang Antonio Raymundo Jr ng Orion at gobernador na si Kagalang-galang Albert Garcia ng Bataan. Dumalo, sa puntong ito, ang mga kaanak ni Balagtas sa Bataan na lahat nagbaliktanaw!

Bukod dito, isa pa sa pinakahihintay ng lahat ay ang pag-aanunsyo ng mga nanalo sa Talaang Ginto 2014.

Ang itinanghal na Makata ng Taon ay si Ezzard Gilbang. Pumangalawa sa kanya si Mark Angeles at pumangatlo si John Torralba.

Kinatampukan din ito ng Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario, ang kasalukuyang tagapangulo ng KWF, na nagbalita ng mga gawaing maka-Balagtas.

Nariyan ang pagbubunsod ng Kaalamang Bayan ng Cordillera sa Baguio; ang Sulong: Dangal ng Filipino 2014 sa Sagada sa Abril 13-17 at sa Pili, Camarines Sur sa Abril 20–23; at ang kumperensyang Kur-it ken Kurditan sa Vigan sa Abril 25–27.

Sa darating na Mayo, nakatakdang magkaroon pa ng Seminar sa E.O. 335, Kapihang Wika, at Retooling ng mga Guro sa Filipino sa Tersyarya subali’t ang pinaghahandaan ng karamihan sa mga alagad ni Balagtas ay ang Pandiwa: Lathalaan para sa Literatura at Araling Kultural na nangangalap ng mga sumusunod:

(1)  natatanging saliksik sa literatura at araling pangkultura

(2)  reprint ng makabuluhang pag-aaral sa naturang larang

(3)  teoretikal na pag-aaral hinggil sa literatura at kultura na may kalakip na pagpapaliwanag sa layunin at metodong ginamit

(4)  interbyu sa mga kinikilálang iskolar o tagapagtaguyod ng kulturang Filipino

(5)  ribyu ng mga aklat at kaugnay na literatura. 

Kung baga, Pandiwa ang hakbang upang itaguyod ang wika at kulturang Filipino at iangat ang paggamit ng Filipino – “bilang isang wikang ginagamit sa mga seryoso, pormal, at mabibigat na usaping akademiko sa magkakaibang mga larang at disiplina.”

Wala pong iniwan ito sa bisyon at misyon ng Wikapedia! – Rappler.com 

Vim Nadera is a performance art therapist who has served cancer survivors, persons with AIDS, drug patients, “comfort women,” street kids, sexually abused children, and men and women caught in the crossfire, human-made, and natural calamities.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.