Philippine economy

[ANALYSIS] Handa na ba tayo sa ‘cash-lite’ na Pilipinas?

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Handa na ba tayo sa ‘cash-lite’ na Pilipinas?

DR Castuciano

Marami pang kailangang gawin, at walang dahilan para mayayaman o middle class lamang ang dapat makaranas ng mga benepisyong dulot ng isang cash-lite society

Sa column na ito, lagi nating sinasabi na lubhang mabagal at matagtag ang recovery ng ating ekonomiya. 

Ngunit sa totoo lang, may mga sektor ng ekonomiya natin na grabe naman ang paglago, kahit sa gitna ng patuloy na pandemya. Pinakamagandang halimbawa nito ay ang internet economy ng Pilipinas.

Ayon sa report na e-Conomy SEA 2021, sa anim na pinakamalalaking bansa sa ASEAN, ang internet economy ng Pilipinas ang nakapagtala ng pinakamalaking growth (93%) mula 2020 hanggang 2021 (Figure 1). 

Malayo na ang sumunod sa atin, Thailand, na nagtala lamang ng 51% growth. At ’di hamak na malayo ang 93% sa tinatayang 4-5% growth ng pangkalahatang ekonomiya natin noong 2021.

Figure 1.

Bakit umabot sa 93%? Makikita sa Figure 2 na grabe kasi ang inilaki ng e-commerce sa bansa (132%), lalo na ang online shopping (isipin ang Shopee, Lazada, etc.). Mataas din ang growth ng konsumo ng online media (37%), transport and food deliveries (36%), at online travel nang medyo nagluwag ang ekonomiya noong 2021 (31%). 

Figure 2.

By the way, Pilipinas din ang nakapagtala ng pinakamalaking porsiyento ng bagong digital consumers noong 2020 at 2021 (20% ng lahat ng digital consumers), kumpara sa mga karatig-bansa sa ASEAN.

Parami rin nang parami ang online merchants and sellers na ginawang coping strategy ang pagnenegosyo sa internet – lalo na iyong mga nawalan ng trabaho o kita ngayong pandemya. In fact, ayon sa report, 39% ng digital merchants ang nagsabing marahil hindi nila masu-survive ang pandemya kung wala ang iba’t-ibang digital platforms.

Sinabi rin ng digital merchants na marami sa kanila ang mas paiigtingin pa ang paggamit ng online platforms sa susunod na isa o dalawang taon – lalo na ang digital payments, digital remittances, digital insurance, at digital lending.

Speaking of online payments, naitala rin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na parami nang parami ang gumagamit ng InstaPay at PESONet, dalawang automated clearning houses na ginagamit ngayon para sa electronic retail payments (Figure 3).

Figure 3.

Naitala rin ng BSP na nahigitan na ng InstaPay ang volume ng ATM withdrawals ngayong pandemya. Samantala, lumiliit na rin ang gap sa pagitan ng volume ng mga tseke at PESONet.

Sa kabuuan, noong 2020 ay umabot na sa 20.1% ang hati ng digital payments sa volume ng lahat ng retail transactions sa bansa (mula 14% lang noong 2019). Samantala, umabot na sa 26.8% ang hati ng digital payments in terms of value of transactions (mula 24% noong 2019). Malaking salik ng paglaking ito ang payments sa merchants, pero kabilang din ang person-to-person transfers at consumer lending.

Sa nakalipas na dalawang taon, nakita rin natin ang pag-usbong ng contactless o RFID payments sa expressways (NLEX, SLEX, etc.), pati ang electronic na pamimigay ng ayuda sa mahihirap. Umabot na rin ’di umano sa 50 milyon ang nakapagparehistro sa national ID system o PhilSys noong 2021. Eventually, maaari raw gamitin ang national ID na ito sa pag-avail ng social and financial services.

Room for improvement

Hindi coincidence na lumalago ang internet economy ng Pilipinas sa gitna ng pandemya. In fact, masasabi nating pinabilis o pina-accelerate ng pandemya ang paggamit natin ng online transactions. 

Para sa marami sa atin, naging eye-opener ang pandemya sa benepisyo ng online transactions at financial digitalization. Imbes na pumunta sa bangko para mag-deposito o mag-withdraw o magbayad ng bills, puwede pala nating gawin lahat ng iyon sa bahay gamit ang apps at iba pang porma ng financial technologies. Imbes na humawak ng cash (na tadtad ng germs) ay puwede palang mag-scan na lang tayo ng QR codes o magkabit ng RFID stickers sa headlights ng ating mga sasakyan. 

Ngunit marami pang kailangang gawin para lalo pang umusbong ang online payments at internet economy.

Unang-una, kailangan pang palakasin ang internet infrastructure ng bansa. 

Bagamat’ bumuti ang global ranking ng Pilipinas sa 2021 Digital Quality of Life Index – dahil sa mas mabilis at mas-secure na internet – mababa pa rin ang ating ranking pagdating sa imprastraktura. Mababa pa rin ang internet penetration ng bansa sa 63% (samantala, 68% lang ng ating internet users ang gumagamit ng consumer services tulad ng e-commerce o online deliveries).

Pangalawa, kailangang patatagin pa ang kumpiyansa ng mga Pilipino hinggil sa privacy ng kanilang mga online na transaksiyon.

Noong Disyembre 2021, naging malaking iskandalo ang pagka-hack ng BDO na nagdulot ng biglang pagkawala ng pera sa 700 accounts nito. Tinatrabaho na ang pagbawi sa pera ng naapektuhang depositors. Pero ang pagka-hack ng BDO in the first place ay isang malaking red flag na nagpapababa sa kompiyansa ng depositors (at would-be depositors) na gusto sanang maglagak ng pera sa mga bangko. 

Ayon sa datos, umakyat din nang 21% ang credit card fraud mula noong simula ng pandemya. Kailangang patatagin ang security ng mga bangko upang ’di na maulit ang ganitong mga pangyayari. 

Pangatlo, kailangan pang pagbutihin ang edukasyon ng mga tao hinggil sa internet economy.

As of 2nd quarter ng 2021, 41 milyon o lagpas kalahati lang (53%) ng adults ang may accounts, whether sa bangko o gamit ang e-money. Target ng BSP na pataasin sa 70% ang porsiyentong ito by 2023.

Samantala, ayon sa Pulse Asia, noong Setyembre 2021, 99% ng internet users ang nasa social media, pero 22% lang ng internet users ang gumagamit ng online shopping. By 2023, target ng BSP na pataasin ang hati ng digital payments sa 50%, mula sa 20.1% noong 2020. 

Bridging the digital divide

Matagal nang target ng BSP na maging “cash-lite” ang Pilipinas. Ang nangyayaring financial digitalization ngayong pandemya ay bahagi na ng “new normal” at magiging susi sa patuloy na paglago ng ating internet economy – at recovery ng pangkalahatang ekonomiya. 

Ngunit marami pang kailangang gawin, at walang dahilan para mayayaman o middle class lamang ang dapat makaranas ng mga benepisyong dulot ng isang cash-lite society. Kailangan pa itong i-promote at gawing mas accessible ng gobyerno (’di lang ng BSP) para sa karamihan ng mga Pilipino. 

Walang magandang panahon para gawin iyon kundi sa pandemya. Strike while the iron is hot, ika nga. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.