Philippine economy

[ANALYSIS] Mapipigilan ba ni Marcos ang pagbagsak ng piso?

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Mapipigilan ba ni Marcos ang pagbagsak ng piso?

JANINA MALINIS

Gumastos na ang BSP ng tinatayang $8 bilyon para lang depensahan ang piso. Ang tanong, magkano ang willing pang gastusin ng BSP para sa polisiyang ito?

Sa mga nakaraang buwan, tuloy-tuloy ang paghina ng piso kontra sa dolyar. Umabot na nga tayo sa P59 kada dolyar – ang pinakamababang palitan sa ating kasaysayan.

Sa isang banda, mabuti ang mahinang piso para sa sinumang kumikita ng dolyar, tulad ng OFWs. Mas malaki kasi ang katumbas ng kanilang kinikita.

Ngunit sa kabilang banda, masama ang mahinang piso para sa sinumang gumagastos ng dolyar, tulad ng mga nag-iimport. Mas malaki kasi ang kailangan nilang bayaran sa bawat $1 ng imported goods.

Ang problema, net importer ang Pilipinas para sa marami sa ating mga pangangailangan, tulad ng pagkain (bigas, asukal, asin, atbp.) at mga produktong petrolyo (gasolina, diesel, atbp.). Kaya naman ang patuloy na paghina ng piso ay inaasahang magpapalala sa inflation o pag-arangkada ng mga presyo.

Dahil dito, nag-iba na rin ang linya ng economic managers ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa mahinang piso.

Noong Mayo 2022, sinabi ni dating BSP governor (at ngayo’y Finance Secretary) Benjamin Diokno na ’di raw siya nag-aalala sa humihinang piso. Aniya, “You have to look at it in relation to the other currencies in the region, our competitors. And we’re right smack in the middle.”

Noon, lagpas P52 kada dolyar pa lang ang palitan.

Fast-forward ngayong Oktubre, sinabi ni Diokno na handa raw ang gobyerno na depensahan ang piso at panatilihin ang exchange rate sa antas na ’di lalagpas sa P60 kada dolyar.

Ang pagdepensa sa piso ay may basbas daw mismo ni Pangulong Marcos Jr., na nagsabi rin kamakailan sa Twitter na “we may have to defend the peso in the coming months.”

Ito ang dahilan kung bakit – kung napansin ninyo – nananatili sa P59 kada dolyar ang palitan mula noong katapusan ng Setyembre. ’Di pa tayo talaga lumagpas sa P60 kada dolyar.

Pero hanggang kailan kayang depensahan ng gobyerno ang piso?

Sustainable ba ito?

Dinedepensahan ng gobyerno ang piso sa pamamagitan ng pagbebenta ng dolyar sa merkado, upang dumami ang supply ng dolyar at humina ang halaga nito kontra sa piso.

Saan kukunin ang dolyar? Sa ating reserba (“international reserves”), at okay lang daw ito, ayon kay Secretary Diokno. Aniya, “We are willing to spend some more [dollars] just to defend [the peso]. Let’s not worry about drawing down reserves. That’s the reason why we’re building up our buffers.”

Sa unang tingin, mukhang may sense naman ang pagdepensa sa piso at ang pag-anunsyo noon sa publiko. Allergic pa naman ang masa sa mga balitang lalong humihina ang piso.

Pero problematic ito sa maraming dahilan.

Una, bakit pinapangunahan ni Secretary Diokno ang istratehiya ng Bangko Sentral ng Pilipinas, samantalang pinuno siya ngayon ng Department of Finance, at hindi na gobernador ng BSP? Kung may magsasalita man hinggil sa pagdepensa ng piso, iyon dapat ay si BSP Governor Felipe Medalla.

Ikalawa, may dahilan kung bakit tikom ang bibig ni BSP Governor Medalla hinggil sa kanilang istratehiya: ang pag-commit sa palitan na P60 kada dolyar ay mahirap pangatawanan at panindigan.

Una, sinabi ni Diokno na kung siya ang tatanungin, maaaring kumuha ang gobyerno ng $10 bilyon mula sa ating international reserves upang depensahan ang piso.

Ngunit kakarampot iyon, sa totoo lang. Malamang mas malaki sa $10 bilyon ang dapat ibenta sa merkado para depensahan ang piso.

Ikalawa, ’di naman puwedeng magwaldas tayo ng dolyar para lang depensahan ang piso.

Oo, sapat pa naman ang supply natin ng foreign currencies, bagama’t mabilis ang pagbagsak ng supply nito mula pa noong 2021 (tingnan ang graph sa ibaba).

Ngunit huwag nating hintayin ang oras na tuluyang bumagsak ang reserves, sa puntong nanganganib na ang kakayahan nating magbayad ng ating mga bayaring dolyar (katulad ng imports at utang).

Ngayong 2022, ayon sa isang report, gumastos na ang BSP ng tinatayang $8 bilyon para lang depensahan ang piso. Ang tanong, magkano ang willing pang gastusin ng BSP para sa polisiyang ito? Ilang bilyong dolyar pa ang gagastusin nila sa mga susunod na buwan?

Magdudulot ng speculation?

Ikatlo, ang pagsasabi na pananatilihin ang palitan sa P60 kada dolyar ay magdudulot ng spekulasyon at reaksiyon sa traders na maaaring makasama pa lalo.

Dahil ginagawang mas malakas ang piso (at mahina ang dolyar) kaysa sa inaasahan, maaaring bumili ng dolyar ang mga pribadong traders mula sa BSP.

Ngunit lalo nitong uubusin ang supply ng dolyar ng BSP, at baka umabot sa puntong bibitiwan ng BSP ang pangakong ipako sa P60 kada dolyar ang palitan. Kapag mangyari iyon, tutubo ang traders na bumili ng dolyar. Ang tawag dito ay “speculative attack.”

Kapag mabigo ang BSP na depensahan ang piso, at lumagpas ang palitan sa mahigit P60 kada dolyar, maaaring mawalan sila ng kredibilidad.

To be fair, tutulong naman daw ang mga bangko sa BSP upang iwasan ang speculation at pag-hoard ng dolyar. Ngunit counterproductive dito ang pagsasabi ni Diokno na ipapako nila ang palitan sa P60 kada dolyar – lalong magkakaroon ng speculation sa mga trader.

Sa huli, mahirap talaga ang pag-defend ng piso sa panahon ngayon.

Ito mismo ang dahilan kung bakit ang suhestiyon ng International Monetary Fund (IMF) sa central banks sa buong mundo ay hayaang humina ang kanilang mga salapi kontra sa dolyar, dahil sinasalamin ng mahinang currencies ang mga bagong kaganapan sa mundo ngayon (lalo na ang pagtaas ng inflation at interest rates).

Ayon sa IMF, “Given the significant role of fundamental drivers, the appropriate response is to allow the exchange rate to adjust, while using monetary policy to keep inflation close to its target.”

Kung magmahal man ang mga bilihin dahil sa mahinang piso, pabababain nito ang demand para sa imported goods, at ito’y magpapababa sa pangungutang ng Pilipinas mula sa ibang bansa.

To be fair, sigurado naman tayong ginagawa ng BSP ang trabaho nito, at binabalanse ang pros at cons ng iba’t ibang polisiya. Ngunit sana’y iwasan ng ibang opisyal ng gobyerno na makialam sa istratehiya ng BSP.

Noong Oktubre 24, iginiit ni Finance Secretary Diokno na patuloy na rerespetuhin ng Malacañang ang independence ng BSP.

Ito’y sa kabila ng press statements niya na tila pinangungunahan ng BSP at nakadudulot na ng kalituhan at kaguluhan sa merkado. Aniya, “I’ve always been transparent: I say what I mean, and mean what I say…”

Ito ba ang “best and brightest” na laging ipinagmamalaki ni Marcos Jr.? – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

1 comment

Sort by
  1. ET

    “Best and brightest” with a super-superiority complex? To the point that President Marcos Jr. could no longer control that person/those persons?

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.