COVID-19

[ANALYSIS] Bakunahan o ‘Hunger Games’?

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Bakunahan o ‘Hunger Games’?
Unti-unti na sanang nakababangon ang ating ekonomiya ngayong taon. Pero dahil sa nakalilitong lockdown measures na hindi naman sinasabayan ng maayos na pandemic response at sapat na ayuda, lanta pa rin ito.

Sa bisperas ng pangatlong hard lockdown (enhanced community quarantine o ECQ) ng Kamaynilaan, nagmistulang Hunger Games ang bakunahan.

Noong madaling araw ng Agosto 5, gumulantang sa ating news feeds at timelines ang mga eksena ng tulakan, gitgitan, at balyahan sa iba’t ibang vaccination sites, sa Maynila, Antipolo, at Las Piñas. Survival of the fittest ang labanan.

Maraming binalewala ang curfew hours at pumila nang humigit dose oras para lang mabakunahan. ‘Di nila alintana ang pagdagsa ng ibang tao. Paminsan-minsan may takbuhan ding naganap, daig pa ang mga eksena sa Olympics.

‘Di umano, may nagpakalat ng fake news na pagsapit ng ECQ ay ‘di papayagang lumabas ng bahay o ‘di mabibigyan ng ayuda ang mga ‘di bakunado. Kaya ganoon na lang ang panic ng mga tao. Ito rin ang kuro-kuro ng Palasyo.

Ngunit matatandaang si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nanakot sa mga tao sa kanyang latest “Talk to the People.” Aniya, uutusan niya ang mga pulis na i-escort ang mga ‘di bakunado pabalik ng kanilang bahay, dahil “walking spreader” sila ng COVID-19.

Ang problema, ‘yung mismong kumpulan ng mga tao sa vaccination sites noong Agosto 5 ay maaaring naging superspreader events. Bagamat kinansela rin ang bakunahan, baka huli na ang lahat. Ilang segundo lang ng exposure ang kailangan para mahawa ng Delta variant. What more kung dose oras kang nasa pila. Ilan kaya ang nagka-COVID sa mass gatherings na iyon?

Bukod sa kalituhang idinulot ni Duterte atbp., may pananagutan din ang local governments. Wala naman kasing stampedes na naganap sa ibang mga siyudad, na nagawang ayusin ang kanilang mga pila at ‘di basta-basta pinaasa ang mga tao.

Palpak na ECQ

‘Di magandang senyales ang mala-Hunger Games na bakunahan bago ang ECQ. ‘Di pa nga nagsisimula ang lockdown, palpak na agad. 

But wait, there’s more.

Noong Agosto 4, sinabi ni PNP Chief Guillermo Eleazar na bawal ang hatid-sundo sa mga APOR (Authorized Persons Outside of Residence) dahil baka abusuhin ng mga may sasakyan ang paglabas ng bahay. Pero kinabukasan, binawi niya rin ito, marahil natakot sila sa negatibong reaksyon ng madla. 

Gayunpaman, ani Eleazar, kailangan pa rin daw magdala ang drivers ng certificate of employment ng APOR na kanilang hinahatid o sinusundo, pati kopya ng business permit ng employer ng APOR. Jusko. Next level ng pasakit na naman ito sa mamamayan. ‘Kala ko ba sinabi ni Duterte sa kanyang huling SONA, “We have taken away the misery of public commuting”?

Bigla-bigla at walang ano-ano ring binago ni Eleazar ang konsepto ng “NCR Plus bubble”: magkakaroon na raw ng “tiny bubbles” ang bawat siyudad. Ibig sabihin, ‘di tulad ng dati, bawal nang tumawid basta-basta sa ibang siyudad. 

Siyempre, maraming nagitla sa bago at arbitrary rule na ito, lalo na ‘yung mga kailangan talagang tumawid araw-araw. ‘Yung iba naman, idinaan na lang ang frustration sa pagkanta ng Tiny Bubbles ni Nora Aunor, at napatanong: Noranian kaya si PNP Chief?

Mahigit tatlong oras bago sumapit ang Agosto 6, saka pa lang din nila inanunsyo na pati Laguna ay isasailalim sa ECQ, habang Modified ECQ (MECQ) naman ang ipatutupad sa Cavite, Rizal, Iloilo, at Lucena City sa Quezon. Grabeng gulatan ito. 

Sa kabuuan, sobrang nakalilito at arbitrary pa rin ng lockdown rules. Parang umuulit lang ang mga eksena noong 2020, at para tayong nakakulong sa isang bangungot na time loop na ‘di matapos-tapos. (BASAHIN: Lockdown, puro na lang lockdown)

Umaasa ang mga opisyal ng gobyerno na magiging huling lockdown na ito. Pero duda ako. Wishful thinking lang iyon. 

Nasaan ang ayuda?

Ang pinakanakababahala, pagdating sa ayuda, mukhang iiwan na naman ng gobyerno ang taumbayan (lalo na ang mahihirap) sa ere.

Maraming trabaho at kabuhayan ang siguradong masisira na naman ng ECQ. Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), nasa P105 bilyon ang mawawala sa ating ekonomiya kada linggo ng ECQ. Kung dalawang linggo ang ECQ, eh di P210 bilyon ang mawawala. Maaari rin daw madagdagan ng 177,000 ang bilang ng mahihirap at 444,000 ang bilang ng walang trabaho. 

May ibibigay naman daw ang gobyerno na P1,000 kada tao o ‘di hihigit sa P4,000 kada pamilya. In fact, may P10.9 bilyong maibibigay daw ang Department of Budget and Management sa Department of Social Welfare and Development pagsapit ng Agosto 5, bago ang ECQ. Pero nagsimula na ang lockdown, di pa rin nila ito magawa dahil wala pa raw approval ni Duterte. ‘Onting sense of urgency naman diyan! 

Nagkukumahog din ang economic managers kung saan pa sila mangangalap ng pondo para sa karagdagang ayuda. Ang sabi-sabi, manggagaling daw sa savings ng ilang ahensiya at korporasyon ng gobyerno.

Ang puno’t dulo ng problema, ‘di kasi sila naglaan ng sapat na budget para sa ayuda ngayong taong ito. At ‘yung panukalang batas na Bayanihan 3, na lagpas P400 bilyon ang halaga, hanggang ngayon ‘di pa rin ginagawang “urgent” ni Duterte. Matagal din itong binalewala ng economic managers.

Samantala, sa gitna ng ECQ, akalain ninyong gusto pa sanang ipagbawal ng mga otoridad ang community pantries at ibang “humanitarian activities”? Niluwagan naman ito sa kalaunan, pero kailangan daw mag-coordinate ng mga organisasyon sa local government officials. 

Gobyerno na nga itong ‘di nagbibigay ng sapat ng ayuda, sila pa ang may ganang pigilan o pahirapan ang boluntaryong pagtutulungan at bayanihan ng mga tao. ‘Di ba sila natutuwa na may pumupuno na sa kanilang maraming pagkukulang? O insecure lang ba sila?

Lantang ekonomiya

Sa susunod na linggo, malalaman na natin ang pinakabagong statistics hinggil sa lagay ng ating ekonomiya. 

Sa huling meeting ng Development Budget Coordination Committee, tumaya ang economic managers ni Duterte na lalago ang ekonomiya natin ngayong 2021 nang 6-7%

Suntok sa buwan ito. Noong unang quarter ng 2021 kasi, lumiit pa rin ang ekonomiya natin nang 4.2%. Maaaring magkaroon ng positive growth sa pangalawang quarter, dahil sa sobrang lala ng paglugmok natin noong nakaraang taon. Ngunit siguradong magdurusa ulit ang ating ekonomiya dahil sa ECQ season 3. (BASAHIN: Malubha ang state of the nation)

Unti-unti na sanang nakababangon ang ating ekonomiya ngayong taon. Pero dahil sa nakalilitong lockdown measures na hindi naman sinasabayan ng maayos na pandemic response (testing, tracing, treatment – the works) at sapat na ayuda, lanta pa rin ito. At mananatili itong lanta hanggang ayusin sa wakas ng gobyerno ang trabaho nito. – Rappler.com

JC Punongbayan is a PhD candidate and teaching fellow at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

JC Punongbayan

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations.