Ferdinand Marcos Jr.

[ANALYSIS] Ikasisira ng Pilipinas ang Marcos presidency 2.0

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Ikasisira ng Pilipinas ang Marcos presidency 2.0
Kung manalo ang anak ng diktador – God forbid – iyon ang magiging pinakamalaking pagkakamali ng sambayanang Pilipino. Imbes na sumulong, aatras tayo nang deka-dekada.

Sa aking pamilya, ang bawat road trip ay pagkakataon upang pag-usapan ang malalalim na tanong katulad ng: Bakit ba mahirap pa rin ang Pilipinas?

Ganito rin ang nangyari noong sinundo ko kamakailan ang isang balikbayang tito mula sa Canada, at inihatid siya sa Ilocos Sur dahil sa mahalagang family business.

Habang binabagtas namin ang mga expressway at highway, at sinuyod ang mga bayan-bayan, maraming obserbasyon si tito. Halimbawa, mula sa Rosario, La Union, bakit wala pa ring expressway na dire-diretso na papuntang Ilocos region? Ang buong akala niya, pagkalabas ng TPLEX, Ilocos Sur na. Sana raw tinuloy-tuloy na.

To be fair, mayroon nang ipinapanukala ang San Miguel Corporation na extension ng TPLEX mula Rosario papuntang San Juan, La Union. Pero matagal pa ito. Tuloy, hanggang ngayon, umaabot ng pitong oras ang biyahe mula Maynila papuntang Ilocos Sur.

Bukod sa kawalan ng expressway na iyon, napansin din namin ang payak na pamumuhay sa ilang bayan ng Ilocos, kung saan marami pa ring 3rd and 4th  class municipalities – ’di lang sa Ilocos Sur, kundi maging sa Ilocos Norte, baluwarte ng mga Marcos.

Halimbawa, ang Sarrat, kung saan ipinanganak ang diktador na si Ferdinand Marcos Sr., ay 4th class municipality pa rin hanggang ngayon. Maging ang bayan na ang tawag ay Marcos, 4th class municipality rin.

Bakit sa tinagal-tagal ng panahon na nasa puwesto ang mga Marcos sa Ilocandia – bilang representante, gobernador, mayor, atbp. – marami pa ring bayan doon ang mahirap at hindi maunlad kumpara sa ibang panig ng bansa?

Ngayong pandemya, nahirapan din ang Ilocos region: mula 2018 hanggang 2021, dumoble ang porsiyento ng mahihirap na tao sa Ilocos Sur – mula 11.26% naging 22.48% – samantalang bahagyang tumaas din iyon sa Ilocos Norte.

Bukod sa kaunlaran ng Ilocos, dumako rin ang usapan namin ni tito sa kabuuang kaunlaran ng Pilipinas. Madalas sabihin ni tito na kahit gaano katagal siya sa abroad – nakapagtrabaho na siya sa Kuwait, Libya, US, at Canada – maraming bagay sa Pilipinas ang parehas pa rin. Some things never change, ika nga.

Again, to be fair, marami na ring nagbago sa mga nakalipas na dekada. Halimbawa, mula 1986, mahigit apat na beses na mas malaki na ang taunang kabuuang kita ng bansa noong 2021. Mahigit doble na rin ang average na kita ng Pinoy. 

(Madalas, naiisip kong na-stuck ang maraming overseas Filipinos sa kanilang pananaw sa ating bansa noong umalis sila deka-dekada na ang lumipas. At kailangan silang i-update sa mga nangyari.)

Pero tama rin si tito: sa bayang ito, talamak pa rin ang korupsiyon, tongpats, lagay, kickbacks – at lahat ng ito’y hinihila ang Pilipinas pababa.

Marahil wala nang lalala pa sa korupsiyon na naganap noong Batas Militar. Sa diktadura ni Ferdinand Marcos, tinatayang $5 bilyon-$10 bilyon ang ninakaw nila, ’di lang mula sa kaban ng bayan, kundi pati na rin sa samut-saring negosyo ng cronies.

In fact, si Marcos pa rin ang may Guinness World Record para sa “Greatest Robbery of a Government.” (For some reason, tinanggal ang web page na iyon, at down pa rin hanggang ngayon.)

Ang kahindik-hindik na korupsiyon noong Marcos dictatorship ang isang malaking dahilan kung bakit mahirap pa rin tayo ngayon. (BASAHIN: Just how bad was corruption during the Marcos years?)

Gayunpaman, sinabi rin ng tito ko na bagama’t di naman siya Marcos fan, sumasang-ayon daw siya sa isang sinabi ni Marcos: “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.”

Kawalan daw ng disiplina ang pangunahing sanhi ng pagiging mahirap ng mga Pilipino, at kailangan natin ng lider na magdidisiplina sa mga Pilipino – katulad daw ng nangyari sa Singapore at South Korea na dati’y mas mahirap sa atin.

To be fair, ang sentimyentong ito ay talamak, ’di lamang sa overseas Filipinos kundi pati sa mga Pilipino in general. Matatandaang sumentro din sa disiplina ang kampanya ni Duterte noong 2016, at nag-resonate ito sa masa.

Ngunit matatandaan ding ang quote na iyon hinggil sa disiplina – “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan” – ay direktang linya ng rehimeng Marcos noong idineklara ang Batas Militar noong 1972 at itinatag ang “Bagong Lipunan.” Five years old pa lang si tito noon, at malamang na-expose siya sa Marcos propaganda sa murang edad.

Ang sabi ko kay tito, kahit disiplina ang panawagan ng rehimeng Marcos noon, nasaan ang disiplina sa kanyang rehimen?

Halimbawa, nasaan ang disiplina sa paggastos sa pera ng taumbayan? Bagama’t maraming proyektong pang-imprastraktura noon, maraming gusali ang ipinatayo dahil sa kagustuhan ni Imeldang ipagmalaki sa mga bisita ang “kaunlaran” ng Pilipinas – mga gusaling sa totoo’y itinago ang kahirapan ng taumbayan.

Nasaan ang disiplina sa pangungutang? Mula 1970s hanggang sa pagpapatalsik ng mga Marcos noong 1986, mahigit $25 bilyon ang nadagdag sa utang panlabas ng Pilipinas. Isa ito sa pangunahing dahilan kung bakit sumadsad ang ekonomiya natin noong 1984 at 1985. (BASAHIN: Marcos debt: Ano ang katotohanan?)

Nasaan ang disiplina sa pag-manage ng ekonomiya? Dahil sa kaliwa’t kanang mga utang panlabas, madalas maubusan ng dolyar ang rehimeng Marcos. Isa ito sa naging dahilan kung bakit nagkaroon ng “labor export policy” ang gobyerno: hinikayat ang maraming Pilipino na mangibang-bansa, at umasa ang rehimeng Marcos sa mga dolyar na remittances ng OFWs upang mapunan ang kaban (international reserves) ng bayan.

Sa ganitong usapin, na-trigger si tito dahil naalala niya ang mga pang-aabusong inabot ng OFWs sa Middle East, at marami sa kanila ang ’di man lang tinulungan ng gobyerno noon. Sa katunayan, nag-ugat ang ganoong exodus ng mga Pilipino sa mga problema ng ating ekonomiya noong rehimeng Marcos.

Ayon sa mga survey, nangunguna ngayon si Ferdinand Marcos Jr. sa karera sa pagkapangulo. Pero dapat ba nating ibalik sa Malacañang ang anak ng diktador na nagpabagsak sa ating ekonomiya at lipunan? Dapat bang biyayaan at maghari muli ang pamilyang nagnakaw sa kaban ng bayan – at pinagtatakpan pa ang kanilang pagnanakaw?

Kung manalo ang anak ng diktador – God forbid – iyon ang magiging pinakamalaking pagkakamali ng sambayanang Pilipino. Masasadlak ulit ang ating bayan. Imbes na sumulong, aatras tayo nang deka-dekada.

Malapit nang bumalik sa Canada ang tito ko. Sana lang, pagbalik niya X years from now, madatnan niya ang Pilipinas na ’di hamak na mas maunlad at nasa mas magandang kalagayan.

Sa Mayo 9, nasa kamay natin kung mangyayari iyon o hindi. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.