Philippine economy

[ANALYSIS] Huwag pabudol sa Maharlika Investment Scam, este fund

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Huwag pabudol sa Maharlika Investment Scam, este fund

David Castuciano

Sa pagpasa ng Maharlika Investment Scam, este fund, mistulang jino-joke time tayo ng gobyerno. At lumalabas na okay lang sa kanilang ipusta o isugal ang pinaghirapang pera ng taumbayan.

Noong gabi ng Disyembre 15, ipinasa na ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magtatag ng Maharlika Investment Fund.

Ito’y matapos i-certify ito as urgent ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaparehong araw.

Sobrang bilis ng mga nangyari: 18 araw lang ang lumipas mula noong unang isinumite sa komite noong Nobyembre 28.

Samantala, ’yung isa pang batas na ipinasa noon ding Disyembre 15 – ‘yung GUIDE bill na ayuda para sa maliliit na Negosyo – Setyembre 2020 pa unang isinumite, at mahigit dalawang taon na in the making.

Grabe rin ang dami ng mga sumuporta sa Maharlika Investment Fund: mula sa anim na orihinal na nagpanukala nito (tatlo sa kanila ay kamag-anak ng pangulo), noong hapon ng Disyembre 15 ay lumobo na sa 280 ang mambabatas na co-authors nito. Iyon ay halos siyam sa 10 na miyembro ng House of Representatives.

Sa huling botohan, 279 ang bumoto para sa Maharlika Fund, at anim lang ang tumutol dito.

Hindi na bago ang ganitong mga eksena sa House of Representatives. Natatandaan pa ba ninyo ang pagbasura nila sa franchise application ng ABS-CBN noong 2020, kung saan 70 ang ’di sumang-ayon, 11 ang sumang-ayon at tatlo ang nag-inhibit o nag-abstain? At naaalala ‘nyo rin ba na noong 2017 ay 119 na mambabatas ang bumotong gawing P1,000 lang ang budget ng Commission on Human Rights para sa taong 2018?

Ngayong Marcos administration, nagpapakitang-gilas ulit ang mga kongresista sa pangulo, upang ipakitang kampi sila sa kanya. Ito’y sa kabila ng mariing pagtutol sa Maharlika Fund ng maraming grupo, tulad ng mga ekonomista, business groups, aktibista, atbp.

Karamihan ng mga ekonomista’y tutol dito

Marahil ang pinaka-nakalulungkot na aspeto rito ay ang pagtulak sa Maharlika Investment Fund ng ilang ekonomistang nasa gobyerno.

Maraming nagsasabi na may “great divide” daw sa propesyon ng economics ngayon. Pero kung susuriin, iilan lang naman ang ekonomistang sang-ayon sa panukala. Karamihan ay tutol.

Kaliwa’t kanang ekonomista na, mula sa mga unibersidad at pribadong sektor, ang nagsabing mali ang timing ng Maharlika fund, at ’di dapat ito ang tinututukan ng gobyerno sa ngayon.

Kabilang sa mga ’di sang-ayon ay mga dating pinuno ng NEDA (o National Economic and Development Authority), tulad nina Winnie Monsod, Ernesto Pernia, Dante Canlas, at Ciel Habito. Tumutol na rin si national scientist for economics Raul V. Fabella, UP professor emeritus Emmanuel de Dios, at dating BSP deputy governor Diwa Guinigundo.

Sa kabilang banda, bilang lang sa kamay ang mga ekonomistang sang-ayon sa Maharlika fund, at sila ay ’yung mga kasalukuyang nasa economic team ni Pangulong Marcos Jr. Kasama rin siyempre si Representative Stella Quimbo ng Marikina, na isa sa original co-authors ng panukalang batas.

Si Finance Secretary Ben Diokno at ang protégé niya na si Budget Secretary Amenah Pangandaman ang pinakamasigasig na economic managers na nagtutulak ng Maharlika fund.

Pero sa totoo lang, maging ang ilang miyembro ng economic team, may mga pag-aalinlangan din.

Halimbawa, si BSP Governor Felipe Medalla, naunang nagsabi sa isang panayam sa Bloomberg noong Disyembre 2 na ’di dapat galawin ang reserbang dolyar ng Bangko Sentral, at may posibilidad din na mangyari sa atin ’yung nangyari sa 1MDB o sovereign wealth fund ng Malaysia (kung saan bilyon-bilyon ang binulsa ng ilang tao, kabilang ang dating prime minister nila).

Samantala, sa kanyang confirmation hearing kamakailan, binasag ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan ang kanyang katahimikan sa Maharlika fund at sinabing ’di noon makakamit ang layuning palaguin ang ekonomiya kung mapupunta lang ang pera sa kung ano-anong proyekto. Isa pa, ang paggalaw raw sa pera ng Bangko Sentral ay maaaring makaapekto sa mandato nitong kontrolin ang inflation o pagtaas ng mga bilihin.

Sa isang joint press statement na inilabas noong Disyembre 9, at pinirmahan nina Diokno, Pangandaman, Balisacan, at Medalla, nagkakaisa raw sila sa paglikha ng Maharlika fund.

Pero kung susuriin, may ilang misleading statements sa kanilang statement.

Halimbawa, ayon sa kanila, “The establishment of a Sovereign Wealth Fund is a tried and tested investment vehicle that has been used by governments in both first world and developing countries to achieve their economic objectives.”

Pinalalabas din ng economic managers na parang sure win na tayo sa Maharlika fund. Makakukuha raw tayo ng mataas na return o balik sa pera ng Maharlika fund, at wala raw duda na makatutulong iyon sa layunin ng gobyernong palaguin ang ekonomiya.

Unang-una, madaling sabihin ng mga politiko at economic managers na kikita agad-agad ng pera ito, dahil ’di naman nila pera ang nakataya roon. Pera ng taumbayan iyon.

Ikalawa, walang kasiguraduhan na kikita agad ng limpak-limpak ang Maharlika fund. Halimbawa, maaari itong pumalpak kung ’di maayos ang pangangasiwa rito. Bagamat may magagandang halimbawa ng sovereign wealth funds sa mundo (tulad ng sa Norway), marami ring nagbigay-daan lang sa korupsiyon at kinurakot lang (tulad ng sa Malaysia).

Alam din natin na ang investments na may mataas na returns, malamang mataas din ang risks.

Masama rin ang timing ng Maharlika fund ngayon, dahil maraming bansa ang lalagpak sa 2023 at makararanas ng tinatawag na “recession.” Sa katunayan, ilan sa pinakamalalaking sovereign wealth funds sa mundo ay malaki na ang pagkalugi sa mga nakalipas na buwan dahil sa sumasamang lagay ng global economy.

Ayon din sa economic managers, dapat daw nating gawing ehemplo ang “successful” na sovereign wealth fund ng Indonesia. Ngunit kasisimula pa lang ng Indonesian sovereign wealth fund noong 2021, at ’di pa puwedeng sabihin na iyon ay “successful.” Masyadong maaga.

Sinabi rin nila na, “In the near and medium term, a Sovereign Wealth Fund will enhance our fiscal space and reduce fiscal pressures as the fund pursues public infrastructure projects…”

Ngunit ’di tulad ng ibang bansa, wala tayong surplus o sobrang pondo na puwedeng ipusta sa Maharlika fund.

Sa katunayan, maaari lang lumala (imbes na ma-“enhance”) ang kaperahan ng gobyerno, lalo na kung kukunin ito mula sa kapital ng mga bangko ng gobyerno (tulad ng Landbank at Development Bank of the Philippines) at Bangko Sentral. (Dati, gusto pa sanang idamay ang pension funds ng GSIS at SSS, kahit na no-no iyon.)

Pambansang scam in the making

Noong Disyemre 13, naglabas ng hiwalay na memorandum si Diokno para kay Pangulong Marcos upang i-request na gawing “urgent” na ang pagpasa ng Maharlika Investment Fund (MIF) bill.

Sinabi roon ni Diokno na, “Surely, the MIF can be a catalyst in changing our economy’s landscape, and will aid in propelling the Philippines towards reaching its maximum potential.”

Mabulaklak na mga salitang walang kongkretong ibig sabihin.

Kaduda-duda rin ang salitang “surely” sa konteksto ng anumang investment. Tulad ng karanasan natin sa araw-araw, dapat ay ’di tayo magpabudol (at huwag nating basta-basta itataya ang pera at ipon natin) sa mga “investment” na nagsasabing siguradong babalik ang pera mo. Malamang sa malamang, scam iyon.

Halimbawa, nabalita kamakailan na may isang negosyante sa Mindanao na nawalan daw ng mahigit P5 milyon dahil sa isang scam patungkol sa “Marcos gold.”

May ibang scams din sa Mindanao na, kalapit ng P500 hanggang P1,000, ay nangangakong magbibigay pabalik ng P500,000 mula sa Marcos wealth. Ang mga grupo ng scammer na iyon? “Maharlika” at “United BBM Loyalist International.” Literal na budol.

Ang MIF, kagaya ng ordinaryong scam na nangangako ng sure wins, maaaring magdulot ng malaking pagkalugi ng pera ng taumbayan, lalo na’t kung ang Pangulo mismo, mga miyembro ng gabinete niya, o ibang politiko o appointees ang mangangasiwa noon.

Ngunit ang kaibahan, ang Maharlika fund ay pinagmumukhang legit o totoo dahil isinusulong ng mga kongresista, pati ng mga ekonomistang may doktorado.

Nirerespeto natin ang mga ekonomistang ito. Ngunit sa kasamaang palad, madalas nananaig ang politika sa matalinong economics. At ang pagsulong ng ilang PhD economists sa Maharlika fund ay halimbawa noon.

Dapat hindi lang sila ang source natin ng impormasyon at opinyon hinggil sa Maharlika fund (o anumang aspeto ng ekonomiya). Pakinggan din natin ang karamihan ng ibang mga ekonomistang tumututol dito dahil sa iba’t ibang dahilan: ’di ito nararapat sa ngayon dahil mali ang timing, walang sobrang pera ang gobyerno, at pinepeligro nito ang kapital ng mga bangko ng gobyerno at maging Bangko Sentral. (BASAHIN: Bakit problematic ang Maharlika fund? Narito ang 4 na dahilan)

Sa huli, pera ng taumbayan – mga buwis at deposito natin sa bangko – ang nakasalalay at itinataya rito.

Joke time

Sa gabing ipinasa ng House of Representatives ang Maharlika fund bill, lumabas din ang latest episode ng Drag Den Philippines, na ang theme ay Pinoy comedy.

Saktong-sakto ’yung huling sinabi ng host na si Manila Luzon, isang drag queen: “Let’s not forget, Filipinos just love comedy starring politicians who treat the Filipino people like a joke. That’s not funny.”

Sa pagpasa ng Maharlika Investment Scam, este Fund, mistulang jino-joke time tayo ng gobyerno. At lumalabas na okay lang sa kanilang ipusta o isugal ang pinaghirapang pera ng taumbayan.

’Di pa naman huli ang lahat. Puwede pang harangin ng Senado ang Maharlika fund. Kausapin natin ang ating mga senador, at himukin silang suriin ang katotohanan sa likod ng pambansang scam na niluluto ng mga Marcos.

Please lang. Bantayan natin ito. At parang awa ‘nyo na: huwag tayong magpabudol. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ Podcast.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.