governance

[ANALYSIS] Epidemya ng pagka-inutil

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Epidemya ng pagka-inutil
Sa huli, ’di babangon ang ekonomiya hangga't hindi aayusin ng gobyerno ang pandemic response nito, at gawing mas lapat sa siyensiya ang mga polisiya

Patapos na ang 2021, at pahirap nang pahirap ang buhay sa Pilipinas.

Una, grabe pa rin ang pagkalat ng sakit. Noong Huwebes, Setyembre 9, naitala ang 22,820 na bagong kaso ng COVID-19, isa na namang all-time high. Parami nang parami sa ating mga kaibigan at kamag-anak ang nagkakasakit. Minsan mistulang obituary na ’yung Facebook timelines natin.

Samantala, lugmok pa rin ang ating ekonomiya.

Bagama’t mas kaunti nang 691,000 ang mga unemployed o walang trabaho noong Hulyo (kumpara noong Hunyo), lagpas 3.4 milyon din ang nabawas sa mga employed o may trabaho.

Bakit? Lagpas 4 milyon kasi and ’di muna sumali sa labor force noon Hulyo. Ayon kay national statistician Dennis Mapa, kalahati noon, o 2.08 milyon, ang na-discourage magtrabaho dahil sa pandemya at sa sobrang hirap ng paghahanap ng trabaho.

Bukod dito, nadagdagan ng 2.3 milyon ang mga underemployed o ’yung mga may trabaho pero ’di sapat ang kinikita o gusto pang magtrabaho nang mas maraming oras.

Paano naman kasi magkakasya ang kita ng marami kung sobrang taas ng presyo ng mga bilihin? Pumalo sa 4.9% ang inflation rate noong Agosto (Figure 1). Mas mataas kumpara sa 4% na inflation rate noong Hulyo, at higit din sa 4% na target ng gobyerno.

Figure 1.

Bakit umarangkada ang presyo ng mga bilihin? Pumalo kasi ang presyo ng karne, isda, at gulay (Figure 2). Mas matindi ang inflation na naramdaman ng pinakamahihirap na pamilya (5.2%) dahil mas malaking porsiyento ng kanilang budget ang napupunta sa pagkain.

Figure 2.
Palpak pa ring pandemic response

Sa kabila ng patuloy na pagragasa ng pandemya at pagkalugmok ng ekonomiya, parang sinukuan na ng gobyerno ang kambal na krisis na ito.

Halimbawa, pagdating sa kanilang pandemic response, sobrang gulo pa rin ng quarantine rules.

Noong Miyerkules, Setyembre 8, dapat nasa general community quarantine (GCQ) na ang Kamaynilaan. Pero noong gabi ng Setyembre 7, ilang oras bago ipatupad ang GCQ, inanunsyo sa balita na binawi ang polisiyang iyon at mananatili ang Kamaynilaan sa modified enhanced community quarantine (MECQ).

Maraming nainis sa biglaang anunsyong ito, mula sa restaurants at salons na naghahanda nang magbukas kinabukasan, maging ang mga simbahan na magbubukas na rin ng kanilang mga pintuan.

’Di tuloy naiwasan ng ilang simbahan na maging passive aggressive sa kanilang paunawa sa publiko. Sabi ng isa sa Facebook, “Dahil po sa pabago-bagong desisyon ng gobyerno, hindi po muna matutuloy ang mga pampublikong misa natin bukas…hanggang sa maging maayos po ang desisyon ng IATF.” Amen.

Pinaplano kasi ng gobyerno ang GCQ na may “granular lockdowns,” kung saan piling mga lugar lang ang isasailalim sa istriktong lockdown. Panawagan din ito ng ilang mga negosyanteng kating-kati nang magbukas ang malaking bahagi ng ekonomiya.

Pero bukod sa community quarantine classifications (GCQ, MECQ, etc.), mayroon ding alert levels 1 to 4. Kaya kahit GCQ na sa isang lugar, maaaring nakasara pa rin ang maraming negosyo.

Jusko, sobrang nakalilito na. Sa totoo lang, wala nang nakaiintindi sa quarantine rules ng gobyerno. Mismong mga nag-iimbento nito, mukhang ’di na rin alam ang kanilang ginagawa. Pare-pareho na tayong lost.

Sa isang confidential Zoom meeting nga, sinigawan ba naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga doktor na tumatanggi sa GCQ at nag-request ng seryosong hard lockdown.

Ayon kasi sa maraming health experts, malamang ay ’di gagana ang granular lockdowns. Lima hanggang walong tao ang puwedeng mahawaan ng taong may Delta variant. At kahit na isolated ang ilang komunidad ay patuloy na kakalat ang sakit sa mga taong ’di naman sakop ng granular lockdowns.

’Yung ibang business groups naman, nagpanukala ng “bakuna bubbles” kung saan magbubukas ang ekonomiya para sa mga bakunado na. Pero ’di rin ito lapat sa siyensiya: Dahil puwede pa ring magkaroon ng COVID-19 ang mga bakunado, baka mag-backfire lang ang bakuna bubbles – lalo na kung ’di pa rin sapat ang testing at contact tracing.

Speaking of testing, alam nating sobrang kulang nito dahil halos 30% na ang positivity rate; dapat 5% lang ito ayon sa mga panuntunan ng World Health Organization. Bagama’t lagpas 70,000 na ang mga tinetest kada araw, ayon kay Dr. Peter Cayton ng UP Pandemic Response Team, sa totoo lang, dapat pitong beses na mas marami rito ang natetest.

Heto pa. Akalain ninyong sa panukalang budget ng gobyerno sa 2022, wala pa ring inilaan para sa libreng mass testing? In fact, babawasan pa ng P170 milyon ang budget ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na pangunahing testing center ng bansa.

Ayon sa paunang pagsusuri ni Zy-za Suzara ng iLEAD, liliit din nang 29% ang budget ng Department of Health para sa epidemiology at surveillance. Wala ring pondo para sa bagong testing laboratories. (BASAHIN: Mali-mali pa rin ang budget priorities ni Duterte sa 2022)

Pagdating naman sa contact tracing, sino pa ba ang sumeseryoso rito? Mismong si Health Secretary Francisco Duque III ang umamin noong Agosto na halos walang impact ang StaySafe app na ipinapagamit nila sa atin. Sa 2022 budget, wala ring perang inilaan para sa contact tracing (na ngayong 2021 ay nasa ilalim ng budget ng Department of the Interior and Local Government).

So, ano na? Maghuhulaan na lang tayo ng kung sino ang may COVID-19?

Pagdating naman sa treatment, bagama’t tataas ang budget para sa health facilities sa 2022, babawasan naman ang budget ng University of the Philippines, at siguradong matatapyasan ang budget ng Philippine General Hospital (na COVID-19 referral hospital ng gobyerno) at Philippine Genome Center (na pangunahing genomic sequencing facility natin, na nagsasabi kung ano-anong variant ang lumalaganap).

Bukod dito, mantakin ninyong wala ring budget para sa benepisyo ng health workers natin sa 2022, kabilang ang kanilang special risk allowance at meals, accommodations, and transportation (MAT) allowance. ’Di mo sila masisisi kung panay ang kanilang protesta at marami nang gustong mag-resign.

Panghuli, mabilis at malawakang bakunahan sana ang sagot sa Delta variant. Pero mukhang bumagal ang bakunahan kamakailan, at sa 2022 inilagay na naman sa “unprogrammed appropriations” ang budget para sa booster shots. Ibig sabihin, hindi mapopondohan hanggang umutang ulit ang gobyerno.

Buti pa ’yung panukalang P28.1 bilyon para sa anti-insurgency task force na NTF-ELCAC, inilagay sa programmed funds at siguradong mapopondohan. Mas priority pa kaysa sa bakuna!

Wala pa ring ayuda

Pagdating naman sa ekonomiya, sa kabila ng kawalan ng maayos na trabaho at matinding pagmahal ng mga bilihin, wala ring inilaang pera para sa ayuda sa 2022.

Sa isang Senate hearing, noong hinamon ni Senador Franklin Drilon si Finance Secretary Carlos Dominguez III hinggil dito, sinabi ba naman ni Dominguez na ’di naman daw puwedeng buksan ang hose at basta-bastang i-sprayan ng ayuda ang lahat ng tao. In Dominguez’s own words, “We’re not just going to open the hose and spray everybody with cash.”

Jusko. ’Di naman po ’yan ang hinihingi ng madla. Sapat na ayuda lang po para sa mahihirap at sa mga manggagawang ’di pa makabalik agad sa trabaho.

Maraming paraan para umayuda ang gobyerno. Halimbawa, puwede sanang ilipat sa ayuda ’yung P28.1 bilyon para sa NTF-ELCAC, o tapyasan ’yung dambuhalang budget para sa infrastructure projects tulad ng Build, Build, Build.

Ika nga, kung gusto may paraan…. Ngunit ang ugat ng problema, allergic talaga ang gobyernong ito sa pamimigay ng ayuda.

Sa huli, ’di babangon ang ekonomiya hangga't hindi aayusin ng gobyerno ang pandemic response nito, at gawing mas lapat sa siyensiya ang mga polisiya.

Sa Mayo 2022, huwag na huwag nating kakalimutan ang kahindik-hindik na pagka-inutil ng kasalukuyang gobyerno, pati ang kawalan nila ng malasakit sa taumbayan. – Rappler.com

JC Punongbayan is a PhD candidate and teaching fellow at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.