Philippine economy

[ANALYSIS] 11.8% ‘growth’ ng ekonomiya? Ilusyon iyon

JC Punongbayan
[ANALYSIS] 11.8% ‘growth’ ng ekonomiya? Ilusyon iyon
Unang-una, malaking bahagi ng numerong iyon ay dulot ng mathematical illusion na tinatawag ding 'base effect'

‘Di sumasalamin sa katotohanan ang lahat ng statistics.

Noong Agosto 10, ibinalita ng Philippine Statistics Authority (PSA) na lumago raw ang ekonomiya natin nang 11.8% noong 2nd quarter. Ayon ito sa pinakahuli nilang sukat ng GDP (gross domestic product), na kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyong nililikha ng ating bansa.

Sa unang tingin, mukhang impressive iyon. 

Una, bago ang pandemya, naglalaro sa lagpas 6% ang growth. Masaya na tayo roon. Ang huling beses na nagtala tayo ng double-digit growth rate ay noon pang huling quarter ng 1988, o higit 32 taon nang nakalipas. 

Pangalawa, dinaig ng 11.8% ang projection ng mga analyst, na ang median forecast ay 10.6% lamang.

Pangatlo, ito rin ang unang quarter kung saan lumaki ang ekonomiya natin sa gitna ng pandemya. Umpisa pa lang kasi ng 2020, limang magkakasunod na quarter tayong nakaranas ng negative growth o pagliit ng ekonomiya. 

Pero hep, hep. ‘Wag basta-basta masilaw sa 11.8% growth rate na iyon.

‘Base effect’

Unang-una, malaking bahagi ng numerong iyon ay dulot ng mathematical illusion na tinatawag ding “base effect.” 

Inihahambing kasi natin ang GDP sa 2nd quarter noong 2020, kung saan sobrang lumagpak ang ating ekonomiya. Nabasawan noon ang GDP nang mahigit P846 bilyon o nang 17%, pinakamalala ito sa kasaysayan. Kaya kaunting pagbangon lang ay magdudulot talaga ng malaki-laking growth rate.

Para mas maintindihan ito, narito ang simpleng halimbawa. 

Kunwari’y may dalawang magkaibigan, sina Mariel at Sarah. Parehas silang rumaket at kumita ng P50,000 bawat isa.

Si Mariel ay may P1 milyon sa bangko. Yamanin. Dahil sa kinita niyang P50,000, tumaas ang savings niya nang 5%.

Si Sarah naman, P50,000 lang ang savings. Mas malaking bagay sa kanya ‘yung extra P50,000. At dahil doon, tumaas nang 100% ang savings niya.

Parehas silang kumita ng P50,000, ngunit mas malaki ang growth rate ng savings ni Sarah (100%) kumpara kay Mariel (5%), dahil nagsisimula si Sarah sa ‘di hamak na mas mababang lebel.

Ganun din sa GDP. 

Sobrang tindi ng pagliit ng ekonomiya noong 2nd quarter ng 2020 (Figure 1). Kaya kahit na P489 bilyon lang ang nadagdag sa GDP makalipas ng isang taon, ‘di na kagulat-gulat na katumbas agad iyon ng 11.8% growth rate. Base effect.

In fact, kung walang ipinagkaiba ang GDP noong 1st at 2nd quarter ng 2021, magtatala pa rin tayo ng 2.9% growth automatically.

Figure 1.

Makikita rin sa Figure 1 na, bagamat may 11.8% growth na naitala, malayong-malayo pa rin tayo sa tinatahak na trend ng GDP bago ang pandemya. Kung gusto nating makabalik sa pre-pandemic level ng produksyon, dapat sana lumago ang ekonomiya natin noong 2nd quarter nang tumataginting na 20.5%.

So maliit pa pala 'yung 11.8%. Welp. 

Ang mas malala rito, kung tatanggalin mo 'yung seasonal na ups and downs ng GDP, lumalabas na lumiit pa pala ang ekonomiya natin nang 1.3% mula noong umpisa ng 2021 (Figure 2). Tama ang hula ng ilan noon: mukhang “W-shaped” ang ating recession.

Figure 2.

Kapag hinimay pa natin ang datos, makikitang bumaba muli ang produksyon sa iba’t ibang klase ng serbisyo, kung saan matatagpuan ang maraming face-to-face interactions na pinakaapektado ng lockdowns (Figure 3). 

Kahit papaano, medyo nakababangon naman ang agrikultura at industriya. Pero malayo pa rin ang industriya sa pre-pandemic levels.

In sum, ang 11.8% growth na ibinabalita sa media ay 'di sumasalamin sa tunay na lagay ng ekonomiya: imbis na bumangon, nadadapa ulit tayo. 

Figure 3.

By the way, hindi unique sa atin ang base effect. Mistulang nag-bounce back din ang ibang bansa sa ASEAN (Figure 4). Pero kumpara noong katapusan ng 2019, tayo pa rin ang may pinakamalalang pagkalugmok at nahuhuli pa rin sa pagbangon ng rehiyon (Figure 5).

Figure 4.

Figure 5. Source: Jun Neri/BPI.

Mas malaki pa sana ang growth

Nahigitan pa sana natin ang 11.8% growth kung inayos lang ng gobyerno ang trabaho nito.

Unang-una, 'di dapat nakulong sa lockdown mentality sina Pangulong Duterte at ang kanyang mga alipores.

Sa bawat enhanced community quarantine o ECQ kasing sumasapit, namamatay nang bahagya ang ekonomiya, lalo na ang 60% nitong binubuo ng iba’t ibang mga serbisyo. Maraming negosyo ang nawawalan ng benta o nagsasara, maraming empleyado ang nawawalan ng trabaho at kita.

Bagamat malabnaw na lockdown lang ang ipinatupad noong Abril, at 'di kasing istrikto kumpara noong 2020, marami pa ring tao ang 'di nakalabas ng bahay at 'di nakagastos tulad nang dati. 

Naiwasan sana ang panibagong lockdown na iyon kung sinabayan ng gobyerno ng maayos na pandemic response ang lockdowns noong 2020. Ngunit hanggang ngayon 'di pa rin sapat ang testing, contact tracing, at treatment. (BASAHIN: Lockdown, puro na lang lockdown)  

Pangalawa, dapat namigay pa ang gobyerno ng mas malaking ayuda sa taumbayan. 

Paano mo aasahang gumastos ang mga tao (at isalba ang ekonomiya) kung milyon-milyon ang walang panggastos? Kung gusto mo silang gumastos, simple lang ang solusyon: eh di bigyan mo sila ng pera sa pamamagitan ng ayuda – cash transfers, wage subsidies, zero interest loans, atbp.

Samakatuwid, puwede ring isipin ang ayuda bilang isang paraan para ma-stimulate ang ekonomiya. 

Pero ang nangyari, masyadong tinipid nina Duterte ang ayuda.

Sa 2021 budget, nagbuhos ang gobyerno ng pera para sa Build, Build, Build, at wala masyado para sa pandemic response at ayuda. Sa pagkakahulma nila ng 2021 budget, aakalain mong tapos na ang pandemya. Business as usual na ulit. Ngi.

'Yung Bayanihan 1 at 2 naman, napakaraming pera ang available pero 'di magastos-gastos ng gobyerno. Sa kaso ng Bayanihan 2, basta-basta na lang nag-expire iyon noong Hunyo 30 at bilyon-bilyong piso ang 'di na magamit at ibinalik na lang sa Treasury.

Tapos 'yung ayuda bill na Bayanihan 3, na nagkakahalaga sana ng lagpas P400 bilyon, ay 'di pa rin idinedeklarang “urgent” ni Duterte. Anong petsa na?

Kung mas umayuda lang ang gobyerno sa mga Pilipino, eh di lagpas 11.8% sana ang growth. Eh wala. Inutil ang gobyerno. 

Noong inanunsyo 'yung GDP figures, may isang reporter na nagtanong kay National Economic and Development Authority chief Karl Chua kung bakit lumiit daw ang gastos ng gobyerno noong 2nd quarter ng 2021. May kinalaman daw ba 'yung pagliit ng ayuda mula noong nakaraang taon? Naapektuhan din daw ba ng base effect? 'Di na lang nakaimik si Secretary Chua.

'Wag magbunyi

Ang nakakatawa, maraming nasilaw at nagbunyi sa 11.8% growth rate, kabilang ang economic managers, mga kaalyado ni Duterte sa politika, at maging ang trolls. Sabi nila, salamat at tapos na raw sa wakas ang recession o economic crisis.

Pero minsan, mapanlinlang ang mga numero. Bagamat mukhang lumalago ulit ang ekonomiya, isang ilusyon ito. Balang araw ay mawawala rin ang base effect, at lalantad ang katotohanang hirap na hirap pa ring bumangon ang ating ekonomiya. (BASAHIN: Malubha ang state of the nation)

Hindi ibig sabihin ng 11.8% growth na bumuti na ang buhay ng mga Pilipino, at lalong hindi ibig sabihing mabuti ang naging pamamalakad ng gobyerno. Sa halip, ang 11.8% growth ay isang maskara — isang malakas na Instagram filter — na puwedeng gamitin para pagtakpan ang kapalpakan ng gobyerno. 

'Wag palilinlang sa filter. – Rappler.com

JC Punongbayan is a PhD candidate and teaching fellow at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

May explainer rin ang Usapang Econ hinggil sa GDP base effect: