Philippine economy

[ANALYSIS] Golden age o golden prices?

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Golden age o golden prices?

DR Castuciano

Ngayon pa lang, dapat may komprehensibo at kongkretong plano na si Marcos Jr. para sugpuin ang patuloy na pag-arangkada ng mga presyo, dahil marahil magtatagal pa ito at isa sa unang krisis na kakaharapin ng kanyang administrasyon

Mula sa litro ng diesel na halos P100 na sa ibang lugar, lumulobong singil sa kuryente, lumiliit na serving ng mga pagkain, at pagaan nang pagaang grocery bag, damang-dama nating lahat ang mataas na presyo ng mga bilihin.

Kitang-kita rin ito sa datos. Noong Mayo 2022, pumalo na sa 5.4% ang “inflation rate” na sumusukat sa bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ibig sabihin, mula Mayo 2021 hanggang Mayo 2022, ang presyo ng mga bilihin ay lumobo nang 5.4% on average.

Huli tayong nakaranas ng ganitong kalalang sitwasyon noong Nobyembre 2018, kung kailan pumalo sa 6% ang inflation rate, mahigit tatlong taon na ang nakararaan.

Ang 5.4% inflation noong Mayo 2022 ay higit na rin sa target ng Bangko Sentral ng Pilipinas na 2-4%.

May mga grupo ng bilihin na mabilis pa sa 5.4% ang inflation. Halimbawa, 6.29% ang inflation ng mga bayarin sa bahay (kuryente, tubig, atbp.) samantalang 15% ang inflation sa transportasyon.

Mas mataas din ang inflation sa ibang rehiyon: kung 4.7% lang sa NCR, 6.9% ito sa Cordillera Administrative Region, 6.7% sa Central Luzon, 6.4% sa Davao Region, at 6.3% sa Eastern Visayas.

Imbes na golden age, mukhang golden prices ang bubungad sa mga Pilipino sa simula ng Marcos Jr. administration.

Sanhi ng mataas na inflation

Matatandaang noong 2018, nag-peak sa 6.7% ang inflation noong Setyembre at Oktubre – pinakamataas sa loob ng halos isang dekada. Iyon ay dahil sa pag-arangkada ng presyo ng bigas at mga produktong petrolyo, na pinatungan pa ng mga buwis dulot ng TRAIN law ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero bakit mistulang bumabalik tayo sa panahong iyon? Ano ang mga sanhi ng mataas na inflation ngayong 2022?

Makikita sa Figure 1 na 3 ang pangunahing salarin: ang pag-arangkada ng presyo ng pagkain, kuryente, at produktong petrolyo.

Figure 1.

Pagdating sa pagkain, ang pinakabilis magmahal ngayon ay karne, isda, at gulay (Figure 2).

Mahina pa rin kasi ang supply ng baboy dahil sa African swine fever (kaka-develop pa lang ng Vietnam ng bakuna laban dito), kulang pa rin ang supply ng isda (in fact, mag-iimport pa ang gobyerno nito), at apektado ng tag-ulan ang presyo ng mga gulay.

Tumaas din ang transportation costs ng mga pagkain dahil sa patuloy na pagpalo ng presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.

By the way – bagama’t hindi ito pangunahing sanhi ng food inflation ngayon— nagmamahal din ang bigas. Paano na ang pangako ni Marcos Jr. na P20 kada kilo ng bigas? Mukhang mapupurnada.

In fact, taliwas ang mga pahayag ng mga ahensya ng gobyerno hinggil dito. Ayon sa DAR (Department of Agrarian Reform), posible raw. Pero ayon sa isa pang Dar, si Agriculture Secretary William Dar, imposible raw. Ano ba talaga?

Figure 2.

Pagdating naman sa mga bayarin sa bahay, grabe ang pagtaas ng singil sa kuryente, pati ang presyo ng gas (Figure 3).

Sunod-sunod kasi ang pagtaas ng generation costs ng kuryente dulot ng pagtaas ng presyo ng langis at coal sa world markets. Sa katunayan, may nakaamba ulit na electricity rate hikes ngayong Hunyo. Samantala, direktang umaasa ang mga Pilipino sa iba’t ibang uri ng produktong petrolyo.

Figure 3.

Panghuli, dahil sa mga produktong petrolyo, umaarangkada rin ang inflation pagdating sa transportasyon, lalo na sa paggamit ng mga pribadong sasakyan tulad ng kotse o motor (Figure 4).

Figure 4.

Kung mataas na nga ang inflation ngayon, maaari pa itong lumala.

Dahil sa kaliwa’t kanang pagtaas ng mga presyo, aasahan ng maraming tao na magpapatuloy ang trend na ito. Baka maningil sila ng mas mataas na presyo sa mga produktong ibinebenta, o mag-hoard ng mga produktong kinokonsumo. At any rate, ang mga gawaing ito ay malamang magdudulot ng panibagong round ng pagtaas ng mga presyo.

Samakatuwid, ultimong ’yung expectations ng mga tao hinggil sa inflation ay maaaring magdulot ng mas matindi pang inflation sa mga susunod na buwan.

Aksiyon ng Bangko Sentral

Ang pagsawata sa mataas na inflation ang isa sa pangunahing trabaho ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP.

Noong Mayo 19, umaksiyon na sila rito sa pamamagitan ng pagtataas sa kanilang key policy rate o interest rate na sinusundan ng maraming bangko.

Itinaas nila iyon nang 0.25 percentage points (o 25 “basis points”), kaya ngayon ay nasa 2.25% na. At malamang tataas pa sa mga susunod na buwan.

Bakit mahalaga ito? Kasi kung mas mataas ang interes sa mga loans o pautang sa ating ekonomiya, hindi gaganahan ang maraming tao na mangutang at gumastos para sa kanilang bagong bahay, kotse, o negosyo. At kung mababa ang demand sa mga bagay na ito, mababawasan o matatanggal ang pressure na magtaas ang kanilang presyo.

Gagana ba ang ginawa ng BSP?

Usually, may lag ang kanilang “monetary policy”: maraming buwan ang lilipas bago maramdaman ng ekonomiya ang pagtaas ng interest rates.

Isa pa, maaaring maging limitado ang kanilang aksiyon kung ang sanhi ng inflation ay galing din sa ibang bansa (tulad ng pananakop ng Russia sa Ukraine) o dahil sa supply factors (tulad ng mga nasirang supply chains o hirap sa pag-iimport ng mga produkto) na ’di naman nila direktang kontrolado.

To be fair, maraming bansa ngayon ang nakararanas din ng mataas na inflation. Hindi nag-iisa ang Pilipinas.

Sa katunayan, nagbabala ang World Bank na dahil sa recovery sa pandemya at giyera sa Ukraine, maaaring makaranas ng “stagflation” ang maraming middle- at low-income countries. (Ang stagflation ay termino sa economics na pinagsamang “stagnation,” o mabagal na paglago ng ekonomiya, at inflation.)

Naranasan na ng mundo ang ganitong scenario noong dekada ’70, at rumesponde rin ang maraming bansa noon sa pamamagitan ng pagtaas ng interest rates. Pero nagdulot iyon ng krisis pang-ekonomiya sa maraming bansa, tulad ng Pilipinas sa ilalim ni Ferdinand E. Marcos.

Sa ngayon, maraming central banks sa ibang panig ng mundo ang nagtaas na rin ng kanilang policy rates. Noong Marso 16, unang beses nagtaas ang US Federal Reserve mula 2018. Ang European Central Bank naman, unang beses na magtataas sa Hulyo mula noong 2011 pa.

Kung pumapasok tayo sa era ng mataas na interest rates, delikado ang paglago o pag-unlad ng maraming ekonomiya, kabilang ang Pilipinas.

Plano o photo op?

For the record, ’di kasalanan ni incoming president Ferdinand Marcos Jr. ang mataas na presyo ng bilihin. Ni hindi pa nga siya nakakapag-oath-taking!

Pero ngayon pa lang, dapat may komprehensibo at kongkretong plano na siya para sugpuin ang patuloy na pag-arangkada ng mga presyo, dahil marahil magtatagal pa ito at isa sa unang krisis na kakaharapin ng kanyang administrasyon.

Halimbawa, may targeted na ayuda bang aasahan ang mahihirap at mga jeepney drivers na ’di na makabiyahe ngayon dahil sa mahal ng diesel? Babawasan ba ng gobyerno ang gastos sa ibang bagay (tulad ng imprastraktura) upang ’di mag-overheat ang ekonomiya?

Noong Hunyo 6, lumutang ang mga litrato na nagpapakitang tinipon ni Marcos Jr. ang kanyang economic team sa headquarters niya sa Mandaluyong. Kabilang sa team na iyon ang mga batikang ekonomista na pawang may doktorado o PhD at dating propesor sa UP. (BASAHIN: Kilalanin ang bagong Marcos technocrats)

Ngunit photo op lang ba iyon? Ipinakitang nagmu-muwestra si Marcos Jr., na mistulang naglalatag ng plano sa kanyang mga economic advisers. Pero hanggang ngayon ay wala pa ring lumulutang na malinaw na plano para labanan ang inflation.

Matatandaang noong umpisa ng presidential campaign, sinabi ni Marcos Jr. na ’di naman daw niya kailangang manindigan sa pananakop ng Russia sa Ukraine dahil ’di raw tayo involved doon. Ayon naman kay Sara Duterte, dapat lagi tayong “neutral.”

Ngunit ang giyerang iyon ang isa sa tinuturong pangunahing sanhi ng inflation sa buong mundo ngayon, kabilang ang Pilipinas. (BASAHIN: Giyera sa Ukraine: Ano ang epekto sa ekonomiya ng Pilipinas?)

Nauunawaan ba ni Marcos Jr. ang economics ng inflation sa ngayon? O iaasa lang ba niya sa kanyang economic team ang pag-intindi at pag-responde rito? – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.