Philippine economy

[ANALYSIS] Papunta ba tayo sa stagflation? Ano ’yun?

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Papunta ba tayo sa stagflation? Ano ’yun?

Janina Malinis

May posibilidad na makaranas ng stagflation ang maraming bansa sa mundo, at maramdaman ng mga Pilipino ito sa patuloy na pagtaas ng mga presyo. Kung gayon, lalo pang tatagal ang paghihirap ng maraming tao – lalo na ang mahihirap.

Ang stagflation ay termino sa economics na nagmula sa dalawang salita: “stagnation” o pagtumal ng ekonomiya at “inflation” o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Mukhang papunta ang mundo sa era ng stagflation.

Ngayon pa nga lang, ramdam na ramdam na natin ang sobrang pagtaas ng mga presyo, mula sa gasolina at diesel, kuryente, at pagkain. Tinalakay ko iyon sa aking article last week. (BASAHIN: Golden age o golden prices?)

Ngunit hindi lang Pilipinas ang nakararanas ng mataas na inflation. Sa buong mundo, pumalo na sa 7.7% ang median inflation rate noong Abril, pinakamataas mula noong 2008, ayon sa World Bank.

At lalo pa itong lalala. Sa US noong Mayo, pumalo na sa 8.6% ang inflation, pinakamataas mula Disyembre 1981, o apat na dekada na ang nakalilipas. Sa katunayan, mas matindi pa sa ibang bansa, kung saan double digits na ang inflation: sa Turkey 74%, sa Argentina 58%.

Bakit nga ba ang taas ng inflation sa buong mundo?

Una, habang maraming bansa ang nagbubukas ng kanilang mga ekonomiya mula sa bangungot ng pandemya, lumalakas ang demand para sa iba’t ibang produkto at serbisyo. Sa Econ 101, alam natin na ’pag mataas ang demand ay tumataas ang presyo ng mga bilihin – kung walang ibang nagbabago.

Ikalawa, patuloy na mabagal ang pag-transport ng raw materials at mga produkto sa iba’t ibang bansa dahil sa mga nasirang supply chains. Dumadagdag ito sa presyo ng basic commodities at idinudulot ng mga bagong COVID-19 lockdowns sa importanteng mga siyudad sa China (na nauwi sa pagsasara ng maraming mga factory at port). Mayroon pang patuloy na pananakop ng Russia sa Ukraine.

Langis at pagkain ang dalawa sa basic commodities na kung saan dama ang pagkalala ng inflation sa buong mundo. Ayon sa World Bank, ngayong 2022, ang inflation ng enerhiya ay papalo sa 52%, ang pagkain 18%.

Maraming bansa kasi ang nag-impose ng sanctions o parusa sa Russia, at nag-angkat muna ng langis mula sa ibang bansa o di kaya’y gumagamit ng kanilang strategic reserves.

’Di nakatutulong na medyo bumababa ang produksiyon ng langis ng OPEC o Organization of Petroleum Exporting Countries, bagama’t nangako na silang tataasan iyon.

Pagdating naman sa pagkain, major exporter ng wheat o trigo ang Ukraine at Russia: responsible sila sa 1/3 ng trigong kinakalakal sa global market.

Ang patuloy na giyera sa Ukraine ay inaasahang magdudulot ng global wheat shortage, at apektado hindi lamang ang Western countries, kundi pati na rin ang mas mahihirap na bansa tulad ng Nigeria, Ethiopia, Senegal, at Egypt.

Ayon sa United Nations, humigit-kumulang 47 milyong tao ang maaaring magutom ngayong 2022 dahil sa krisis sa Ukraine.

Ayon pa sa historian na si Timothy Snyder ng Yale University, maaari ring sinasadya ni Russian President Vladimir Putin na mauwi sa world food crisis ang pananakop sa Ukraine. Ito’y upang maisisi niya sa Ukraine ang krisis, sirain ang reputasyon ng Ukraine sa mata ng mundo, at gawing katanggap-tanggap ang pananakop ng Russia doon.

Pagtaas ng interest rates

Bilang tugon sa malalang inflation, maraming central banks sa mundo ngayon ang nagtaas na ng kanilang interest rates – senyales na dapat na ring magtaas ng interest rates ang mga bangko sa kani-kanilang bansa.

Halimbawa, noong Hunyo 16, inanunsiyo ng Federal Reserve (ang central bank ng US) na nagtaas sila ng kanilang “federal funds rate” o policy interest rate nang 0.75 percentage points o “75 basis points.” Pinakamatarik na pagtaas iyon mula 1994, at pangatlong pagtaas mula noong nagsimula ang pandemya.

Sa Pilipinas naman, nagtaas din ng policy interest rate ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kamakailan. Noong Mayo 19, itinaas nila iyon nang 0.25 percentage points (25 basis points), unang beses mula noong 2018.

Sa buong mundo, 44 bansa na ang nagtaas ng kanilang interest rates.

Ano ang kinalaman ng interest rates sa pagsugpo sa inflation?

Kung mataas ang interest rates sa mga pautang ng mga bangko, ’di nakagaganang umutang para sa mga bahay, kotse, o negosyo. At kapag maraming ’di muna umuutang, bababa ang demand sa ekonomiya para sa mga bagay na ito, at mawawala – o at least mababawasan – ang pressure na tumaas ang mga presyo ng bilihin.

Sa madaling sabi, kung ang inflation ay ang bilis o velocity ng isang sasakyan, ang pagpataw ng mataas na interest rates ay pag-apak sa preno ng isang humaharurot na sasakyan.

Dahil sobrang tulin ng sasakyan ng world economy ngayon, mukhang lalo pang didiin ang pag-apak sa preno ng iba’t ibang ekonomiya. Ngunit kung magtatagal ito, may malaking posibilidad na masyadong bumagal ang sasakyan, na ayaw rin naman nating mangyari. Worst case scenario, tuluyang titigil ang sasakyan at malulugmok ang maraming ekonomiya sa tinatawag na “recession.”

Ayon sa World Bank, mula sa 5.7% na paglago ng world economy noong 2021, malamang babagal iyon sa 2.9% ngayong 2022. Mas malala ang sitwasyon sa “advanced economies” o mauunlad na bansa kung saan lalo pang babagal ang kanilang paglago sa 2023 at 2024.

Ang isa pang malaking problema, kahit na taasan ang interest rates, baka ’di rin masyadong bumaba ang inflation. Ito’y dahil ang inflation ay dulot nga rin ng mga problema sa supply ng langis o pagkain na wala namang kinalaman sa interes sa mga utang, at ’di naman direktang kontrolado ng central banks.

Kung limitado ang epekto ng pagtaas ng interest rates, asahan ang stagflation sa maraming bansa.

Throwback sa dekada ’70 at ’80

Ang nangyayari ngayong 2022 ay kahawig ng mga naganap noong dekada ’70: sobrang taas noon ng inflation sa buong mundo, pati sa Pilipinas.

Pero dekada ’80 na noong nakaranas tayo ng stagflation. Ang inflation noong 1984 ay 50%. Samantala, noong 1984 at 1985, bumagsak ang ekonomiya natin ng tumataginting na 14% (by comparison, ang pagbagsak noong 2020 dahil sa COVID-19 ay wala pang 10%).

Bukod sa mga masasamang pamamalakad ng nakatatandang Marcos sa ekonomiya noon, naging sanhi rin ng ating recession noong panahong ‘yun ang pagtataas ng interest rates sa mundo na nagdulot ng mas malaking interes sa sandamukal na inutang ni Marcos. (BASAHIN: Marcos debt: Ano ang katotohanan?)

Pero marami ring ipinagkaiba sa panahon ngayon.

Una, ang inflation ay nasa 5.4% lang noong Mayo 2022, malayong-malayo sa 50% noong 1984.

Ikalawa, ang ating BSP ay mayroon na ring tinatawag na “inflation target” (nasa 2-4%), at ginagawa ang lahat upang makamit iyon.

Ikatlo, malayo-layo na ang narating ng ating ekonomiya, at ang normal growth nito sa nakalipas na dekada ay naglalaro sa 6%. Ngayong medyo nakaka-recover na tayo sa pandemya, malayo tayong makaranas ulit ng recession.

Gayunpaman, may posibilidad na makaranas ng stagflation ang maraming bansa sa mundo, at maramdaman ng mga Pilipino ito sa patuloy na pagtaas ng mga presyo. Kung gayon, lalo pang tatagal ang paghihirap ng maraming tao – lalo na ang mahihirap.

Sa kabila ng mga bagong krisis na kinakaharap ng mundo, ano ang magiging aksiyon at polisiya ng incoming na Marcos Jr. administration? Hanggang ngayon, ni ho, ni ha, wala silang plano.

Sana – para sa kapakanan ng mga Pilipino – maghanda at umaksiyon na sila sa lalong madaling panahon.­­ – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.