COVID-19

[ANALYSIS] Handa na ba ang Pilipinas sa Omicron variant?

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Handa na ba ang Pilipinas sa Omicron variant?

Janina Malinis

Halos 2022 na, at kailangan na nating matuto sa ating mga pagkakamali. Kaya nating masugpo ang COVID. Ngunit kung gaano kagaling mag-adapt ang virus, kailangan nating higitan iyon sa abot ng ating makakaya.

Mukhang naging kampante na ulit ang ating gobyerno. 

Sa isang forum ng Foreign Chambers of Commerce noong Nobyembre 26, ipinahayag ng economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte na pabor na raw lahat ng mga numero sa atin. Ito’y dahil sa bumababang kaso ng COVID-19 at sa unti-unting pagbangon ng ekonomiya.

Ayon sa economic managers, handa na raw tayo sa “strong recovery” at “vibrant market” na ulit ang Pilipinas. Inaasahan din nila na tuluyang magbubukas ang ekonomiya sa Bagong Taon, at babalik na raw tayo sa pre-pandemic na antas ng GDP o produksiyon sa umpisa ng 2022.

Ngunit sa tingin ko, masyadong rosy at optimistic ang mga pahayag na ito.

Una, tulad ng inaasahan, ipinagmalaki nila ang 7.1% na paglaki ng ekonomiya noong third quarter ng 2021. Higit daw iyon sa forecasts at sa antas ng economic growth na nakamit ng mga karatig-bansa sa ASEAN. 

Ngunit sa totoo lang, kulang pa rin ang 7.1% kung gusto nating makabalik sa pre-pandemic level ng produksiyon (Figure 1).

Figure 1.

Bukod doon, ’di hamak na mas mahirap ang pagbabalik ng ekonomiya sa papataas na pre-pandemic na trend o trajectory na tinatahak nito bago mag-pandemya (Figure 2). NEDA na mismo ang nagsabi dati na baka umabot ang prosesong iyon ng humigit-kumulang 10 taon. Hindi na ito binanggit sa forum.

Figure 2.

Ikalawa, naka-angkla ang mga pahayag ng economic managers sa ideyang papawala na ang banta ng COVID-19, at hindi na magkakaroon ng mapanirang variant na muling magpapadapa sa ating ekonomiya.

Nagsalita sila nang tapos. Enter Omicron variant.

Unang na-detect sa South Africa at tinawag na B.1.1.529, tinawag ng World Health Organization (WHO) na Omicron ang bagong “variant of concern” noong Nobyembre 26. Hango sa Greek letters ang variants ngayon, at nilaktawan ng WHO ang mga letrang “nu” at “xi” (sabi ng ilan, upang maiwasang ipangalan ang COVID sa pangulo ng Tsina na si Xi Jinping).

May mga sabi-sabi na mas mabilis ang hawaan ng Omicron kaysa sa Delta variant, ngunit ’di pa tiyak iyon at pinag-aaralan pa rin ng mga eksperto. ’Di pa rin sigurado kung mas malala ba o hindi ang pagtama ng COVID sa mga mahahawa ng Omicron variant.

Ang alam lang natin, epektibo pa rin ang RT-PCR tests sa pag-detect nito, at ngayo’y na-detect na ang Omicron sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Hong Kong, Australia, UK, Canada, Netherlands, at Denmark.

Tugon sa Omicron

’Di tulad ng dati, naging mas mabilis ang pag-impose ng ating gobyerno ng travel bans sa mga bansang may lumalalang COVID situation o naka-detect na ng Omicron variant.

Unang nireport ng South Africa ang Omicron variant sa WHO noong Nobyembre 24, at noong gabi ng Nobyembre 26 ay nag-impose na ang ating gobyerno ng travel ban sa pitong bansa sa Africa, kabilang ang South Africa. Dalawang araw ang lumipas, o noong Nobyembre 28, may travel ban na rin sa pitong bansa sa Europe.

Ngunit sinabi rin ni Dr. Beverly Ho, director of health promotion ng Department of Health (DOH), na imposibleng isara ang ating borders indefinitely, at sa kalaunan ay makapapasok talaga ang Omicron variant sa Pilipinas (“it’s really a matter of when,” aniya).

Kaya naman napakahalagang suriin kung – halos dalawang taon mula noong simula ng pandemya – matatag na ba ang ating health system para malabanan ang bagong variant na ito.

Una, sapat ba ang mga bakuna?

Sa forum ng Foreign Chambers of Commerce na aking nabanggit, ipinagmalaki ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na na-secure na natin ang 197.33 milyong doses, na sapat na raw sa pangangailangan ng bansa. 

Ngunit as of Nobyembre 27, 141.6 milyong doses pa lang ang na-de-deliver sa Pilipinas, mahigit 81 milyon pa lang ang naituturok sa mga Pilipino. Sa kabuuan, 35.56 milyon (o 32.27%) pa lang sa atin ang fully-vaccinated. Kaunti iyon: matatandaang noong Marso ay ipinangako nilang 50 hanggang 70 milyon ang mababakunahan sa katapusan ng 2021. Medyo bumabagal din ang bakunahan sa mga nakalipas na linggo, ayon sa tracker ng Rappler.

Ang mabagal na bakunahan ang dahilan kung bakit itinakda ni Duterte ngayong Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1 ang “National Vaccination Days.” Layunin noon na magturok ng 15 milyong bakuna sa mga tao, ngunit ibinaba ang target sa 9 milyon. Magkakaroon na lang daw ulit ng tatlong araw na vaccination drive sa Disyembre 15 hanggang 17.

Bakuna ang susi para malabanan natin ang Omicron variant (o anumang bagong variant na maaari pang umusbong). Pero bakit natatagalan ang gobyerno kung sapat naman anila ang supply ng bakuna? Marami pa rin bang takot magpabakuna? Bakit? Problema rin ng gobyerno, by the way, ang mabilis ding pagtuturok ng booster shots.

Ikalawa, sapat ba ang testing? 

Bagama’t mabilis na bumaba ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa mga nakalipas na linggo (ang average cases ay pinakamababa na mula noong Hulyo 2020), bumababa rin ang bilang ng mga nate-test

Noong Nobyembre 27, mahigit 31,000 lang ang na-test, samantalang ang target ng gobyerno dati ay 50,000 o higit pa kada araw. ’Di umano’y nangako rin dati ang DOH ng 90,000 hanggang 100,000 tests kada araw.

Bukod sa kaunti ang nate-test, napakamahal pa rin nito: bagama’t may price cap ang gobyerno na P2,800 sa public laboratories at P3,360 sa private laboratories, mahal pa rin iyon para sa nakararami. Mas mura ang saliva test ng Red Cross (P1,500 lang) ngunit ’di naman tinatanggap ang saliva tests sa lahat ng pagkakataon. 

Susi ang mass at free testing para mas epektibo nating ma-detect ang pagkalat ng Omicron variant (kung nandito na iyon). Pero bakit ayaw pa rin ng gobyerno sa mass testing? At bakit ’di nila gawing libre iyon sa maraming Pilipino? Paano gaganahang magpa-test ang mga tao kung ’di nila afford iyon?

Susi rin ang mabilisang genomic sequencing para matukoy kung anong variants ang kumakalat sa ating bansa ngayon. Pero hanggang ngayon, kakaunting laboratoryo pa rin ang may kakayahang gumawa nito. Bakit? 

Ikatlo, sapat ba ang contact tracing? Sa totoo lang, parang joke na lang iyon ngayon. 

Ikaapat, sapat na ba ang kapasidad ng mga ospital upang tumanggap ng COVID patients?

Bagama’t wala nang 30% ang COVID beds na okupado ngayon sa buong bansa, sigurado bang ’di na mag-o-overflow ang mga ospital kung sobrang bilis ulit ang pagkalat ng Omicron kaysa sa Delta?

Ilang buwan na nating sinasabi na dapat tutukan ng administrasyong Duterte ang pagpapalakas sa ating health sector, at ang paghahanda sa panibagong variants. Ngunit sa kasamaang-palad ay ’di pa rin nila ito sineseryoso. Makikita iyon, halimbawa, sa mali-maling priorities sa binubuong 2022 budget. (BASAHIN: Mali-mali pa rin ang budget priorities ni Duterte sa 2022)

Walang kadala-dala?

Panghuli, sana ’di na mauwi sa lockdowns at face shields ang tugon ng gobyerno sa Omicron. 

Sa nakalipas na mahigit 20 buwan, walang pruwebang nakatulong talaga ang lockdowns sa pagpapabagal ng pagkalat ng COVID-19. Bagkus, pinadapa lang nito ang ekonomiya. Mas mainam pa rin ang pinaigting na testing, tracing, at treatment (3Ts) at protocols tulad ng pagsusuot ng face masks, maayos na ventilation, at social distancing. Lalong importante ang protocols na ito dahil paparating na ang Pasko at Bagong Taon.

Wala ring ebidensiyang nakatulong ang pag-re-require ng face shields. Ayon sa siyensiya, ’di nito pinipigilan ang airborne na COVID, at maaaring magdulot pa ng mga problema dahil pinipigilan ang malayang pagdaloy ng hangin. (BASAHIN: Bakit walang kuwenta ang face shields) Ngunit ayon sa mga balita, iniisip ng gobyerno ang muling pagbabalik ng face shield requirement. Walang kadala-dala much?

Halos 2022 na, at kailangan na nating matuto sa ating mga pagkakamali. Kaya nating masugpo ang COVID. Ngunit kung gaano kagaling mag-adapt ang virus, kailangan nating higitan iyon sa abot ng ating makakaya. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.